NANGANGAMBA pa rin si Senadora Imee Marcos sa tunay na estado ng suplay ng petrolyo ng bansa at sa plano ng pamahalaan sa kabila ng pag-anunsyo ng pangulo ng state of energy emergency kamakailan.
“Sa wakas, inamin na ng admin na hindi na normal ang nangyayari, ngunit ano ba talaga ang maaasahan natin sa gobyerno?”, giit ni Marcos matapos ang halos mag-iisang buwang kaguluhan sa Gitnang Silangan na dahilan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.
“Ano ba ang tunay na sitwasyon natin? Pinulong na ba ang mga importer, oil refinery, mga grupo ng gasolinahan at LPG station? Dapat isapubliko ang tunay na lagay ng suplay upang masolusyonan ang problema,” dagdag ng senador.
Ayon pa kay Marcos, ngayong may state of national energy emergency na, nararapat nang gawin ang mga agarang hakbang ng ilang karatig bansa para hindi sila mawalan ng suplay.
“Kanino ba tayo nakikipag-usap? Nakisuyo na ba tayo sa Indonesia, Malaysia, Australia pati sa China at India? Meron ba talagang plano ang pamahalaan o puro ayuda na lang ang ibibigay nila sa tao?” aniya.
Dagdag pa ni Marcos na dapat nakikipag-negosasyon na sa mga kapitbahay sa Asean tulad ng Malaysia, Brunei, Vietnam at Thailand para makapag-angkat tayo ng krudo. May ginawang fuel rationing at odd-even scheme sa mga pampribadong sasakyan, at pagpapalawig ng work from home programs sa pampubliko at pribadong sektor ang Myanmar. Nariyan din ang pagbabalik ng Oil Price Stabilization Fund sa panahon ng krisis na hakbang naman ng Vietnam.
Binigyang diin din ng senador na dapat lang kalampagin na ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno katulad ng Philippine National Oil Company (PNOC) para sa malawakang solusyon at aksyon sa krisis na ito.
“Hindi pangmatagalan na solusyon ang ayuda, pinagkakakitaan na ‘yan ng mga buwaya! Ang kailangan natin ay seryoso at matalinong pagpaplano para sa mga ordinaryong Pilipino.
Pulungin at pwersahin ang may kapangyarihan. Ang unahing iligtas ay ang mga maliliit at nangangailangan. Wag lang US ang asahan kundi mga karatig bansa sa Asean at Asya”, pagtatapos ni Marcos.



