UNCLE, nakikita ko ang mga posts sa social media ng mga kaibigan ko. Nandyang nagta-travel sa ibang bansa, may bagong gadget, may bonggang handaan.
Tapos, parang nakaka-enganyong gawin din, kahit wala sa budget. Tama ba yan, Uncle?
Naku, Juan, ‘yan ang tawag nilang FOMO at YOLO.
Sa panahon ngayon na malakas ang hatak ng social media, ang mga salitang ito ay hindi na lang usap-usapan, kundi madalas, nagiging malaking hamon sa ating pamamahala ng pera.
Ang FOMO (Fear Of Missing Out) ay ang takot na maiwanan sa mga karanasan ng iba, lalo na sa mga nakikita online.
Ang YOLO (You Only Live Once) naman ay ang pagbibigay-katwiran sa sarili na gastusin ang pera ngayon dahil “mabubuhay lang naman tayo minsan!”
Maganda ang intensyon ng “enjoy life,” pero kapag nawalan ng balanse, ang mga ito ang sumasabotahe sa ating financial health.
Sa Pilipinas, kung saan malakas ang impluwensiya ng social media at ang ating kultura ng “pakikisama” at “pakitang-tao,” ay tila nagpapalakas sa mga konseptong ito ng FOMO at YOLO at nagdudulot ng matinding epekto sa ating bulsa katulad ng:
- Matinding utang. Dahil sa FOMO, nahihirapan tayong tanggihan ang imbitasyon sa inuman o road trip, kahit wala sa budget. Sa YOLO naman, nagbibigay tayo ng rason para mag-travel o bumili ng mamahaling gamit dahil “minsan lang ‘yan.” Ang resulta? Pagkabaon sa utang, lalo na sa credit card, dahil sa paggastos nang higit sa kakayahan.
- Kawalan ng ipon at emergency fund. Kapag laging nauubos ang pera sa mga impulsive na paggastos at sa “pakikisama” sa mga hindi naman talaga kailangan, walang naitatabi para sa ipon o emergency fund. Ang bawat biglaang gastos, tulad ng pagkakasakit o pagkawala ng trabaho, ay nagiging malaking krisis.
- Kompromisong financial goals. Ang mga pangarap na magkaroon ng sariling bahay, makapag-ipon para sa pagreretiro, o makapagpatayo ng negosyo ay nahihirapang matupad. Ang short-term gratification ay lumalamon sa long-term stability.
Ang ugat ng FOMO at YOLO sa ating kultura ay mas malalim kaysa sa simpleng pagtingin sa social media.
Una, sa atin, napakahalaga ng “pakikisama.” Ayaw nating mapagsabihan na “KJ” (killjoy) o “walang pakisama” kapag tinatanggihan ang isang imbitasyon. Ang takot na “ano na lang ang sasabihin ng tao” ay nagiging malakas na puwersa para gumastos, kahit alam nating mali. Ito rin ang nagtutulak sa iba na mag-post ng kanilang “best life” sa social media, na nagpapalakas naman sa inggit at pressure sa iba na gayahin sila.
Pangalawa, ang YOLO ay nababalutan ng ating “bahala na” mindset. “Bahala na, kikitain din naman ‘yan,” o “Bahala na, magkakasakit lang ako kung magtitipid.” Ito ay nagiging dahilan para unahin ang agarang kasiyahan kaysa sa matagalang pagpaplano. Ang paniwala na “minsan lang ‘yan” (birthday, reunion, concert, sale) ay nagbibigay-katwiran sa paggastos nang walang kontrol.
At panghuli, wala naman sigurong masama sa gusto nating maranasan ang buhay nang lubusan. Ngunit kapag ang pagpapahalaga sa karanasan ay nagiging pagpapabaya sa financial planning, doon nagiging problema. Ang isang mamahaling bakasyon, o ang pagbili ng latest gadget, ay tila nagiging simbolo ng tagumpay o kasiyahan, na inuuna kahit pa may mas mahalagang financial obligations.
Ang Susi: Financial literacy
Hindi ibig sabihin na bawal nang magsaya o mag-enjoy. Ang financial literacy ang susi para makamit ang balanse. Kapag nauunawaan mo ang halaga ng pera, ang epekto ng bawat desisyon sa paggastos, at ang kahalagahan ng pagpaplano, mas madali mong makokontrol ang sarili. Tanungin mo muna ang sarili mo bago gumawa ng desisyon:
Malinaw ba ang mga financial goals mo? Magtakda ng short-term at long-term financial goals. Mas madali mong masasabi ang “hindi” sa mga impulsive na gastos kapag may mas malaking pangarap kang pinag-iipunan.
Handa ka ba sa mga panganib ng gagawin mo? Unawain ang iyong tolerance sa panganib, lalo na sa investments. Huwag basta-basta sumasama sa “hot” trends ng iba nang walang sapat na research.
May budget ka ba? Gumawa ng budget. Ito ang magbibigay sa iyo ng kontrol sa iyong pera. Maglaan ng pondo para sa “fun” o speculative investments, na nakakapagbigay ng kasiyahan nang hindi isinasakripisyo ang iyong pangunahing financial security.
Paano labanan ang FOMO at YOLO sa pera?
- Mag-pause muna bago sumugod. Kung nakaramdam ka ng kagustuhang bumili o mag-invest, huminga ng malalim at mag-isip. Tanungin ang sarili: “Kailangan ko ba talaga ito? Naka-budget ba ito? Makakatulong ba ito sa long-term goals ko?”
- Maging maingat sa pagkumpara. Ang “highlight reel” ng iba sa social media ay hindi ang buong kuwento ng kanilang buhay. Gamitin ito bilang inspirasyon kung may magandang idudulot, pero huwag bilang panukat ng iyong sariling halaga o tagumpay.
- Itakda ang sariling mga pamantayan. Ang iyong paggastos ay dapat nakasentro sa iyong sariling financial goals at kung ano ang tunay na nagpapasaya sa iyo, hindi sa kung ano ang ginagawa ng iba.
- Linisin ang iyong social media feed. Tanggalin sa iyong feed ang mga “creator” o kaibigan na nagdudulot lang ng inggit o nagtutulak sa iyo sa walang saysay na paggastos. Sundin ang mga nagbibigay ng inspirasyon, impormasyon, at nagpapaalala sa iyo ng iyong mga priorities.
- Maglaan ng “fun money.” Maglaan ng maliit at kontroladong porsyon ng iyong budget para sa “fun” o “spontaneous spending.” Sa ganitong paraan, nakakapag-enjoy ka pa rin ngayon nang hindi nalalagay sa peligro ang iyong kinabukasan.
Ang FOMO (takot na maiwanan) at YOLO (mabuhay lang minsan) ay nagtutulak sa impulsive spending, na nagiging sanhi ng utang at kawalan ng ipon.
Ang kultura ng “pakikisama,” “hiya,” at “bahala na” ay nagpapalakas sa epekto ng FOMO at YOLO sa ating mga Pilipino.
Ang paglipat ng focus sa iyong long-term goals at sa mga bagay sa buhay mo na tunay na nagpapasaya sa iyo (na hindi kailangan ng malaking gastos) ang susi para labanan ang kagustuhang gumastos nang walang katuturan.
Sa huli, Juan, ang FOMO at YOLO ay mga saloobin lang. Ikaw ang may kontrol sa iyong mga desisyon. Ang pagiging financially literate ay hindi nangangahulugang bawal nang magsaya. Ito ay nangangahulugang nagagawa mong balansehin ang kasiyahan mo ngayon sa seguridad mo bukas. Piliin ang tunay na kasiyahan na hindi isinasakripisyo ang iyong financial freedom.

