TANDA ito ng pagtangis ng Simbahan sa kamatayan ni Hesus. Sa pagtatakip sa mga ito, natutuon ang atensyon ng mananampalataya sa pagliligtas na ginawa ni Hesus: ang kanyang kamatayan sa Krus.

Ang pagtakip ng mga imahen sa huling linggo bago ang mga Mahal na Araw ay isang matandang tradisyon sa Simbahan. Ito’y hudyat ng pagsisimula ng Passiontide, ang pangalang ibinigay ng Simbahan sa huling linggo ng Kuwaresma bago ang mga Mahal na Araw. Binibigyang diin ng panahong ito ang pagka-Diyos ng Panginoong Hesukristo at ang Kanyang paglalakbay patungong Herusalem para tuparin ang Kanyang misyon.

Hango ang tradisyong ito sa ikawalong kabanata ng Ebanghelyo ayon kay San Juan na kung saan si Hesus ay nagtago noong Siya ay babatuhin ng mga tao dahil sa Kanyang pahayag na Siya ang Anak ng Diyos (Juan 8: 54-59).

Ayon kay San Agustin, hindi nawala si Kristo dahil sa Siya’y naduwag o natakot sa mga tao. Bagkus, ang pagkubli ni Kristo mula sa mga tao ay pagpapahayag ng Kanyang kalikasan bilang Diyos. Ginamit ni Kristo ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos upang ikubli ang Kanyang sarili mula sa mga taong nais bumato sa Kanya. Hindi pa noon panahon ni Kristo.


Binibigyang-diin ng Simbahan sa panahon ng Passiontide ang pagka-Diyos ni Kristo, kaya itinatakpan ng lilang tela ang mga larawan at rebulto ni Kristo. Isa ring dahilan ng pagtatakip sa mga imahen ni Kristo at mga santo sa Simbahan ay dahil nais bigyang-diin ng Simbahan ang ginawa ni Kristo para sa katubusan ng sangkatauhan.


Kapag tinakpan na ang mga imahe, wala nang makikita kundi mga telang biyoleta o lila. Parang nawalan ng ‘kulay’ ang simbahan, nagiging malungkot, mistulang nasa kawalan. Iniimbitahan nito na magnilay sa kamatayan ng Panginoong Hesus, habang inaantabayanan natin ang muling pagsilay ng liwanag at kulay ng ating mga bahay-dalanginan, at ng ating mga puso, sa Gabi ng Muling Pagkabuhay.

Sa ilang simbahan, tinatakpan ang mga imahe ng Santo, lalo na ang Crucifix, sa gabi ng Huwebes Santo. Kasabay ito ng pagtanggal ng mantel ng Altar Table. Tanda ito na walang magaganap na Misa kinabukasan, at nakatuon ang atensyon ng madla sa Banal na Katawan ni Kristo na nakatago sa Altar ng Repositoryo. Ito ay nagpapatuloy hanggang sa Sabado de Gloria ng maghapon, bago ang Bihilya ng Pasko ng Muling Pagkabuhay.

Sa ilang simbahan makikita na nagtatakip sila ng tela tuwing Shrove Tuesday ang araw bago ang Miyerkules de Ceniza.

Eh kailan ito tatanggalin? Pagkatapos ng Rito ng Pagpaparangal sa Krus sa Viernes Santo, maaari nang tanggalan ng lambong ang lahat ng Krusipiho. Para sa ibang mga Imahe naman, tatanggalan ang mga ito ng takip sa Bihilya ng Pasko ng Pagkabuhay.

Ganunpaman, meron rin namang mga simbahan na nagtatakip na ng mga imahe bago ang Domingo de Lazaro (ika-5 Linggo ng Kuwaresma).



