SINABI ni Senador Win Gatchalian na dapat nang maghanda ang gobyerno para sa isang supplemental budget upang protektahan ang mga Pilipino mula sa pinsala sa ekonomiya sakaling magpatuloy ang sigalot sa Gitnang Silangan.
Nagbabala ang chairman ng Senate PROTECT at Finance Committees na ang pagpapatuloy ng mga amelioration program ay maaaring mangailangan ng karagdagang P60 bilyon hanggang P400 bilyon sa pinakamalalang sitwasyon kung magtatagal ang tunggalian sa Middle East.
“Kailangan talaga ng supplemental budget o Bayanihan 3. Halimbawa, pwedeng magbigay ng loan reprieve. Sa credit card naman, pwedeng hindi i-charge ng interest para sa susunod na isa o dalawang buwan. Maraming bahagi ‘yan,” ayon sa senador.
Batay sa paunang ulat ng PROTECT na isinumite sa Malacañang, inirerekomenda ang isang targeted relief package na kabilang ang P1,500 buwanang ayuda para sa 5 milyong minimum wage earners at mga manggagawa sa micro, small, amd medium enterprises o MSME na nagkakahalaga ng P7.5 bilyon. Nagpanukala din ng P1,500 buwanang cash top-up para sa 3.5 milyong benepisyaryo ng 4Ps na nagkakahalaga ng P15.75 bilyon sa loob ng tatlong buwan.
Hinihimok din ng ulat ang pagpapalawak ng suporta para sa mga pamilyang “near-poor” at mga bagong bulnerableng sambahayan sa pamamagitan ng P3,000 buwanang financial asistance para sa 1.4 milyong pamilya na nagkakahalaga ng P4.2 bilyon kada buwan. Kasama rin dito ang Pagpapalakas ng Walang Gutom Program sa pamamagitan ng P3,000 buwanang suporta para sa 1.4 milyong pamilya na nagkakahalaga ng P4.2 bilyon kada buwan upang matiyak ang seguridad sa pagkain.



