HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na i-overhaul o ayusin ang listahan ng mga driver ng public utility vehicle (PUV) upang mapabilis ang pamamahagi ng tulong pinansyal at matiyak na ang mga tamang benepisyaryo ang makakatanggap ng suportang nakalaan para sa kanila.
Hiniling ni Gatchalian sa mga ahensya na magsumite ng konkretong plano para sa isang centralized at automated na database ng mga PUV driver upang matiyak na nabeberipika ang pagkakakilala o identity ng mga ito at mabawasan ang pagdepende sa mga pisikal na pagsusumite mula sa mga operator.
Batay sa datos ng opisina ng Senador, target ng Fuel Subsidy Program ang halos 1.43 milyong benepisyaryo sa sektor ng transportasyon: 1.18 milyong operator at humigit-kumulang 245,000 na mga driver sa buong bansa. Gayunpaman, nitong Abril 8, 2026, may 200,982 lamang ang nakatanggap ng ayuda mula sa target na 1,425,669, na nagpapakita ng 14.1% accomplishment rate lamang. Sa bilang na ito, 15.6% ay mga operator at 6.8% ay mga driver. Noong Abril 13, sinabi ni Gatchalian na 45% pa lamang ng mga target na benepisyaryo ang nakakuha ng tulong pinansyal mula sa gobyerno.
“Napakatagal. Kailangang gumawa ng paraan para masiguradong makakakuha ang ating mga driver ng subsidiya. Kung patay na ang kabayo, ano pa’ng gagawin natin sa fuel subsidy?” tanong ng senador sa mga ahensiya ng gobyerno na namamahala sa mga ayudang pangtransportasyon sa nagdaang pagdinig ng Senate PROTECT Committee.



