30.6 C
Manila
Huwebes, Hunyo 18, 2026

Pangulong Marcos pinangunahan ang makasaysayang panunumpa ng mahigit 8,000 bagong na-promote na guro at school heads sa Capiz

- Advertisement -
- Advertisement -

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes ang makasaysayang mass oath-taking ng mahigit 8,000 bagong na-promote na mga guro at school heads mula sa Western Visayas, na itinuturing na pinakamalaking pagtitipon sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) System ng kasalukuyang administrasyon.

Idinaos ang makasaysayang aktibidad sa Villareal Stadium sa Roxas City, Capiz, kasunod ng mga naunang mass oath-taking ng humigit-kumulang 3,300 guro at school heads sa Cebu, 2,600 sa Davao, at 2,100 sa Eastern Visayas.

Kasama rin ng Pangulo si First Lady Louise Araneta-Marcos sa pagdalo sa naturang mahalagang okasyon.

Sa kanyang talumpati, tiniyak ni Pangulong Marcos ang patuloy na suporta ng pamahalaan sa mga guro sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kanilang career growth, kapakanan, at kondisyon sa trabaho.

“Asahan ninyo, mga Ma’am, mga Sir, na ang inyong pamahalaan ay hindi titigil sa pagkilos upang matiyak na kayo ay naaalagaan, nabibigyan ng pagkakataong umunlad, at kinikilala sa inyong serbisyo,” ani Pangulong Marcos.

Ayon sa Pangulo, nakatulong ang ECP System sa paglutas sa matagal nang suliranin ng mabagal na promosyon ng mga guro dahil sa kakulangan ng permanenteng posisyon.

Sa ilalim ng ECP System, may malinaw nang landas para sa promosyon ng mga guro—maaari silang manatiling nakatuon sa pagtuturo sa silid-aralan o tumahak sa mga posisyong pamunuan sa pamamahala ng paaralan.

“Just as you have guided your students to grow, this system supports you and your growth as professionals,” dagdag ng Pangulo.

(Gaya ng inyong paggabay sa inyong mga estudyante, ang sistemang ito ang susuporta sa inyo at sa inyong pag-unlad bilang propesyunal).

Mula Agosto 2025 hanggang sa kasalukuyan, umabot na sa 79,230 guro at school heads sa buong bansa ang nakinabang sa promosyon sa ilalim ng ECP System. Sa bilang na ito, mahigit 8,500 ay mula sa Western Visayas, kabilang ang 124 na mga gurong malapit nang magretiro.

Muling iginiit ni Pangulong Marcos ang kanyang pangako na sisiguraduhin ng administrasyon na walang gurong magreretiro sa entry-level rank o Teacher I.

Dagdag pa niya, may iba pang promosyon na kasalukuyang pinoproseso upang matiyak na walang maiiwan.

Bukod sa career progression, binigyang-diin din ng Pangulo ang mga repormang ipinatutupad upang mapabuti ang kalagayan ng mga guro. Kabilang dito ang pagbabawas ng administrative workload sa pamamagitan ng pagpapasimple ng paperwork requirements at paglikha ng mahigit 61,000 bagong teaching positions mula 2022 hanggang 2025.

Naipamahagi na rin ng administrasyon ang PhP10,000 teaching allowance para sa School Year 2025–2026 at pinalalawak ang housing support programs upang mabigyan ng prayoridad ang mga guro sa abot-kayang pabahay.

Nagpahayag din ng taos-pusong pasasalamat si Pangulong Marcos sa mga guro para sa kanilang dedikasyon at walang sawang pag-aaruga sa kabataang Pilipino.

“You have carried this responsibility with dedication, with patience, and with heart, going way beyond what is just expected of you. For that, from the bottom of my heart, from the bottom of the heart of every Filipino, and a grateful nation, thank you,” ani Pangulong Marcos.

Binigyang-diin ng Pangulo na hindi niya hahayaang mapabayaan ang mga guro, na aniya’y nagsisilbing “second parents” at may mahalagang papel sa paghubog ng kinabukasan ng bansa.

“And so as you have taken your oath today, carry with you both your personal duties and the noble duty of being the builders of our nation’s future,” saad ng Pangulo.

“This government is with you as we uplift the quality of our education system—with you, for you, and for the Filipino youth.” | PND

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -