26.2 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Gatchalian hinimok ang DOTr, LTFRB na linisin ang listahan ng mga TNC drivers para sa ayuda

- Advertisement -
- Advertisement -

HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na linisin ang listahan ng mga driver na isinumite ng mga transport network companies (TNCs). Binigyang-diin niya na dahil limitado ang pondo para sa subsidiya, dapat mapunta ang bawat piso sa mga lehitimong benepisyaryo.

“Kung ang listahan niyo ay magulo at ‘yung bilang ng beneficiaries ay nanganganak, hindi matatapos ang pagbibigay ng budget. Kami rin ang mahihirapan dito kasi saan kami kukuha ng pondo,” ani Gatchalian, na siyang pinuno ng PROTECT ad hoc committee at Senate Finance Committee.

Ibinunyag ng mga kinatawan ng iba’t ibang grupo ng TNC sa nakaraang pagdinig sa Senado na ang ilang TNC ay lumampas na sa itinakdang limitasyon ng LTFRB para sa mga sasakyan at driver. Ito ang nagpapakomplika sa pamamahagi ng tulong ng pamahalaan para sa mga public utility drivers na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng krisis sa Gitnang Silangan.

“Gusto nating tulungan ang mga drivers, pero kung magdadagdag kayo ng unauthorized na drivers, hindi matatapos ang problema natin,” pahayag ng senador sa mga kinatawan ng mga TNC.

Matatandaang inihain ni Gatchalian ang Senate Bill 1112, o ang Transportation Network Service Act, na naglalayong i-standardize ang mga serbisyo ng transport network, isulong ang pag-unlad ng mga serbisyong pantransportasyon, at tiyakin ang kaligtasan ng publikong sumasakay.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -