31.8 C
Manila
Lunes, Hunyo 29, 2026

Kuwentong giyera: Stranded sa ‘Zamboanga Hermosa’ na noo’y nasa kamay ng mga rebeldeng Muslim

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

Balik-tanaw sa naganap na Zamboanga Siege noong Setyembre 2013

(Ikalawa sa 3 bahagi)

HINDI kami iniwan ni ‘Tita’ Tita Alvarez, coordinator ng Girl Scouts of the Philippines-Western Mindanao, hangga’t hindi pa kami maayos na nakaka-settle sa Garden Orchid Hotel sa Zamboanga City. Sabi niya, hahatdan daw niya kami ng mga damit kung kakailanganin. Nagamit na ang aming mga baong damit dahil pauwi na nga kami dapat ng Maynila. Pero sabi ko sa kanya’y ayos lang naman naming ulitin ang mga damit na naisuot na. May giyera naman kasi. Mahalaga pa ba kung bagong laba o ‘naisuot na’ ang damit na isusuot namin habang stranded kami sa Zamboanga?

Sinuspinde ang lahat ng flights papunta’t pabalik ng Zamboanga. Araw-araw kaming binibisita ni ‘Tita’ Tita sa hotel para kumustahin. At lagi siyang may pasalubong na mga kakanin. Tinanong ko sa kanya kung may iba pa bang ruta na posibleng daanan para makaalis kami ng Zamboanga. Binanggit niyang may airport din sa Pagadian City (sa  Zamboanga del Sur) na siyang pinakamalapit na airport sa Zamboanga. Pero kakailanganing mag-land travel patungo roon at delikado raw ang mga daan dahil nakakalat ang mga rebeldeng Muslim sa  buong siyudad, lalo na sa mga barangay na nasa coastal areas.

Kailangan kong makabalik ng Maynila. May nakatakda kasi akong book launch at book signing noon para sa dalawang librong pambatang naisulat ko sa idaraos na Manila International Book Fair (MIBF) sa SMX Convention Center (na mangyayari sa katapusan ng linggong ‘yun). Plano ko nang di dumalo. Nasabihan ko na ang publisher ko sa nangyayaring sigalot sa pagitan ng mga militar at ng grupong MNLF. Makatwiran naman ang dahilan kung bakit hindi na ko makadadalo. Wala talagang flight. Sa tuwing magtatanong kami sa PAL office tungkol sa Zamboanga flights, panay negative ang sagot nito. Kay lungkot tingnan ng airport kapag walang eroplanong naka-park dito o nasa runway.


Wala kaming magawa sa loob ng hotel kundi humiga, matulog, manood ng balita sa TV, magkuwentuhan, at umasang sa paggising kinabukasan ay bumalik na sa normal ang lahat. Kahit may magandang swimming pool ang hotel, sino ang mangangahas maligo kung alam mong may nagaganap na giyera sa isang bahagi ng siyudad? Kapag araw, hindi masyadong naririnig ang putukan at ilang pagsabog. Pero kapag malalim na ang gabi, at tahimik na ang paligid, doon mo naririnig ang mga pagsabog sa di-kalayuan. Kapag nagiging mapaglaro ang imahinasyon ko, naiisip kong pati ang aming tinutuluyang hotel ay inaabot ng mga bomba. Ganoon pala kapag may giyera. Nandoon palagi ang takot at pangamba.

Nakasalubong ko sa lobby ng aming hotel si Mayor Beng Climaco, ang mayor noon nang maganap ang Zamboanga siege. Agad niya akong binati at niyakap nang makita niya ako. Nakasama ko kasing maging hurado si Mayor Beng sa isang edisyon ng national search for the ‘Ten Outstanding Students of the Philippines’ (TOSP). Tinanong niya kung ano’ng ginagawa ko sa Zamboanga. Sabi ko’y katatapos lang naming magsagawa ng isang media literacy workshop sa mga Girl Scouts ng Western Mindanao, at ang Zamboanga ang naging  venue. Tinapik niya ako sa balikat at pinaalalahanan akong safe daw kami sa naturang hotel.

Ilang ulit ko ring namataan sa aming hotel si dating Senador Mar Roxas, na siyang naatasang maging ‘peace negotiator’ ng Pangulo sa naturang siege. Kahit paano, ang presensiya niya sa aming tinutuluyang hotel ay nagbigay sa akin ng assurance na hindi pasasabugin ang aming hotel. Kapag nakakasalubong namin siya sa koridor ng hotel, marahan siyang tatango bilang acknowledgement ng aming pagbati. Gusto ko nga sanang tanungin siya noon kung ano na ang progreso ng nagaganap na peace negotiation.

Araw-araw, sinisilip ng NCCT staff namin na si Kay ang paliparan ng Zamboanga mula sa koridor ng aming hotel. At lagi’t laging frustrated siya. Walang eroplanong makikita. Sa isip-isip ko, big deal nga naman kapag napasabog ng rebeldeng MNLF ang kahit isang eroplano. Samantala, sa aking Facebook account ay napakarami na’ng messages na natatanggap mula sa mga kaibigan at kaanak. Mag-ingat daw kami ng aking mga kasama. Nagbukas na rin ang taunang book fair sa SMX Convention Center at may mga nagtatanong kung matutuloy ang aking nakatakdang book signing at launch.

- Advertisement -

Isang umaga, matapos ang aming late breakfast sa hotel, sa gitna ng aming pagkainip at pakikipagkuwentuhan sa mga taong kapwa-stranded sa hotel, nakatanggap kami ng isang balita. Nakausap pala ng staff naming si Patrick (mas kilala sa palayaw niyang ‘PJ’) ang kanyang magiging ninong sa kasal. Nakatakda na rin kasi ang kanyang kasal nang panahong ‘yun! Nagkataong isang taong militar ang kanyang magiging ninong; may katungkulan sa army. Sinabi nito sa kanya na may paparating daw sa Zamboanga City na eroplanong C-130, isang military plane, sakay ang maraming sundalong hinakot galing sa Maynila upang madagdagan ang ‘reinforcement’ ng gobyerno sa nagaganap na giyera. Ganap na alas-onse raw ng umaga ang inaasahang pagdating. Tinanong nito kung kaya raw naming habulin ang iskedyul nito. Ayon sa kanyang ninong, kakayanin naman daw na maisingit kaming tatlong na-stranded sa pagbalik ng C-130 plane sa Nichols Air Base sa Pasay City. Pagkakataon na namin itong makabalik sa Maynila.

Nang tingnan ko ang aking relo, 30 minutos na lang bago ang nakatakdang pagdating ng C-130 military plane. Nakasuot pa kami ng aming pambahay nang oras na ‘yun, di pa naliligo. Paano naman kasi, sa ilang araw ng pamamalagi namin sa hotel, wala kami halos ginagawa kundi tumutok sa mga updates tungkol sa giyera. Nagmamadali kaming tumakbong tatlo pabalik sa aming kuwarto upang maghanda sa biyahe.

Sa isang iglap ay nailagay namin ang aming mga damit at abubot sa aming mga maleta. Naihabilin din namin kay ‘Tita’ Tita ang ilang kahong naglalaman ng kagamitan mula sa katatapos na workshop, at ilang items na nabili sa ‘barter’ bago pa ang biglaang giyera. Ipadadala na lang daw niya ang mga ito sa aming opisina sa Maynila. Nakatingin sa aming tatlo ang maraming taong stranded sa hotel nang makitang nagmamadali kaming mag-check-out sa hotel habang hila-hila ang aming mga maleta.

‘Buti pa kayo, makakaalis na rito,”  sabi nila sa amin. Ramdam ko ang kanilang lungkot. “Mag-iingat na lang kayo…”

“Ipagdarasal namin na matapos na agad ang giyera para mag-resume na ang mga flights,” gayon na lamang ang nasabi ko sa kanila.

(May karugtong)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -