MULING nahalal si Senador Loren Legarda bilang Senate President Pro Tempore nitong Lunes, na nagbabalik sa ikalawang pinakamataas na posisyon sa Senado. Una niyang hinawakan ang naturang tungkulin mula Hulyo 25, 2022 hanggang Mayo 20, 2024 sa ika-19 na Kongreso.
Bilang apat na terminong Senador, dala ni Legarda ang malawak na karanasan sa paggawa ng batas. Pinamunuan niya ang mahahalagang komite gaya ng Finance; Higher, Technical and Vocational Education; Foreign Relations; Environment and Natural Resources; at National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation. Pinangunahan din niya ang mga pangunahing panukala sa edukasyon, climate action, pangangalaga ng pamana ng kultura, social protection, at katatagan ng ekonomiya. Siya rin ang kauna-unahan at nag-iisang babaeng Senate Majority Leader, tungkuling nangangailangan ng pamamahala sa deliberasyon sa plenaryo, pagbubuo ng consensus sa iba’t ibang bloke, at pagtutulak ng adyenda ng Senado.
Sa pagtanggap ng posisyon, binigyang-diin ni Legarda ang kahalagahan ng pagpapatuloy at disiplina sa mga proseso ng Senado.
“The Senate President Pro Tempore helps ensure that the work of the Senate continues with order, stability, and respect for the institution,” ani Legarda.
Tinukoy niya ang kasalukuyang kalagayang pang ekonomiya na nangangailangan ng mabilis at tiyak na aksyon ng lehislatura, lalo na sa harap ng pagtaas ng presyo ng pagkain, transportasyon, gasolina, at kuryente.
“We cannot allow delay, complacency, or inaction to stand in the way of meaningful reform. Every bill we debate and pass must deliver real and lasting benefits where public action matters most,” ani Legarda.
Binigyang-diin din ni Legarda ang pangangailangan ng mga panukalang direktang tumutugon sa pagtaas ng presyo at nagbibigay proteksyon sa mga sektor na mahina, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, tsuper, maliliit na negosyo, at mga pamilyang karaniwang nagsusumikap.
“Government must act so that relief reaches those who need it, prices are addressed with urgency, and policies protect not only the poorest, but also workers, farmers, fisherfolk, drivers, small businesses, and ordinary families,” dagdag pa ni Legarda.
Ipinunto rin ni Legarda ang kahalagahan ng koordinasyon sa loob ng Senado, na nangangakong susuporta sa pamunuan at makikipagtulungan sa parehong Majority at Minority upang mapanatili ang pagpapatuloy ng gawaing lehislatibo.
“As Senate President Pro Tempore, I offer my full support to the Senate President, to the Majority and Minority, and to every member of this chamber. Let us communicate openly, combine our collective wisdom, and protect the integrity of this institution,” ani Legarda.
Ang muling pagkahalal kay Legarda ay nagbalik sa kanya sa ikalawang pinakamataas na posisyon sa Senado—isang tungkuling mahalaga sa pamumuno ng mga sesyon, pagpapanatili ng kaayusan sa mga deliberasyon, at pagtiyak na napapanahon ang pagtalakay sa mga panukalang batas.



