27.3 C
Manila
Linggo, Hulyo 5, 2026

Imee: PPI, panibagong palusot sa importasyon?

- Advertisement -
- Advertisement -

INIHAIN ni Senador Imee Marcos ang PS Resolusyon Bilang 392 noong Lunes, Mayo 11, upang pormal nang maimbestigahan ang kaduda-dudang pag-import ng milyun-milyong sako ng bigas ng Planters Products, Inc. (PPI), isang kumpanyang pinapamahalaan ng gobyerno sa ilalim ng Department of Agriculture.

“Nasa P90 milyon lang ang tinatayang kita ng PPI noong 2024, kaya paano ito nakapag-import ng halos P2 bilyong halaga ng bigas? Malinaw na ginagamit at inaabuso ang PPI upang pagkakitaan ang importasyon!” mariing pahayag ng senador.

Ayon sa mga ulat, nagpasok umano ang PPI ng tinatayang 1,723,680 sako ng bigas sa bansa sa tatlong magkakahiwalay na batch—mula India, 255,000 sako noong Abril 2025 at 200,000 sako rin noong Hulyo 2025, pati na rin ang 1,268,680 sako mula Vietnam, Thailand, at Myanmar noong Enero 2026. Bukod pa rito, may karagdagang 1,545,000 sako umano ng bigas na paparating mula India, ayon sa Federation of Free Farmers (FFF).

“Dahil sa kagarapalan ng mga opisyal na ito, bagsak ang presyo ng lokal na palay at gutom ang aabutin ng ating 2.4 milyong magsasaka. Nasa P16 hanggang P17 kada kilo na lamang ang farmgate price ng palay! Ano ba naman kayo?” panangis ng senador.

Layon ng resolusyon ni Marcos na alamin kung ginagamit ang PPI bilang palusot upang makapag-import ang gobyerno ng bigas, sa kabila ng pagbabawal nito sa National Food Authority sa ilalim ng Rice Tariffication Law. Kinuwestiyon din ng senador ang umano’y kawalan ng public bidding, na posibleng paglabag sa Government Procurement Reform Act.

“Ang mandato ng DA ay tulungan ang lokal na produksyon, hindi magsilbing ahente ng dayuhang bigas. Ano na ba talaga ang PPI? GOCC pa rin ba o pribadong kumpanya na?” pagtatapos ng senador.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -