NAGBABALA si Senador Imee Marcos sa umano’y labis na importasyon ng asukal na unti-unting pumapatay sa lokal na industriya sa bansa.
Kaya naman sumang-ayon si Marcos sa panawagan ng 93 lider mula sa iba’t ibang sektor ng industriya na humihiling ng agarang pagbabago sa pamunuan ng Sugar Regulatory Administration (SRA) at Sugar Board matapos umanong magdulot ng matinding pagbagsak sa presyo ng lokal na asukal ang kontrobersyal na importasyon sa ilalim ng Sugar Order No. 8.
Sa ilalim ng naturang patakaran, mula sa orihinal na rinekomendang 150,000 metric tons na aangkatin, umabot na ito sa 424,000 metric tons.
Dahil dito, mas pinipili na ng mga mamimili ang imported na asukal dahil 40 hanggang 50 porsiyento itong mas mura kaysa lokal na asukal.
“Dahil sa oversupply ng imported na asukal, talagang mababa ang presyo niyan, at dahil sa kagustuhan ng taong makamura, mas pipiliin nilang bilhin ‘yung imported,” ani Marcos.
Ayon pa sa senador, hindi dapat binabalewala ang sitwasyon dahil direktang kabuhayan ng mga magsasaka at manggagawa ang nakataya.
Dahil sa labis na importasyon, bumabagsak ang presyo sa millgate at napipilitang magbenta ng lugi ang mga lokal na prodyuser.
Batay din sa datos ng sektor, tinatayang mahigit ₱12 bilyon ang kabuuang nalugi sa industriya ng asukal dahil sa pagbagsak ng presyo. Kabilang dito ang tinatayang ₱7.5 bilyong pinsala sa ekonomiya sa rehiyon ng Negros.
“Hindi dapat tayo nag-iimport na ikapipinsala ng sariling produkto at ng mga magsasakang nagpapakahirap dito. Tayo mismo ang pumapatay sa industriya ng asukal,” diin ni Marcos.



