HINDING-hindi ko inasahang marinig iyon kay Presidente Xi Jinping ng China. Sa engrandeng banquet na inihanda niya kay Presidente US Donald Trump at sa US delegation sa nakaraang pagdalaw sa China, tampok na bahagi ng kanyang talumpating pagbati ay ang seryosong paalaala sa tinaguriang Thucydides Trap.
Hindi popular ang taguri. Likha iyun ni Harvard University political scientist Graham Allison noon pang 2012 bilang pagtukoy sa labanan noong 431-404 BCE sa pagitan ng Athens at Sparta, ang tinaguriang Peloponnesian War. Hinalaw ni Allison ang pagtingin ng historian na si Thucydides na ang pagyabong ng isang papaangat na kapangyarihan (Athens) sa kapariwaraan ng namamayaning poder (Sparta) ay di-maiiwasang tumutuloy sa digmaan.
Ayon kay Allison, sa 16 na kaso sa kasaysayan, 12 ang nagpatotoo sa Thucydides Trap.
Ewan, tila panunulala ni Trump, na hindi maunawaan ang mensahe ni Xi.
Anong toxi… ano’ng pinagsasabi mo?
Sa isang video, patay-malisyang dinukwang ni Trump ang folder sa ibabaw ng mesang katapat ng bakanteng upuan sa hapag kainan (na, mangyari pa, siyang upuang iniwang bakante ni Presidente Xi Jinping para sa pagtalumpati sa entablado). Akala marahil ni Trump, matatagpuan niya roon ang kahulugan ng sinasabi ni President Xi na “Thucydides.”
Kung di ba naman isa’t kalahating ugok si Trump. Kung nandoon man, tiyak nasa lengwaheng Chino iyon.
Marunong ba siya ng Mandarin?
Nang walang masilip na gusto sa folder, patay-malisya uli na ibinalik iyun ni Trump sa pinagkuhanan.
Sa anu’t-anuman, pinatunayan ni Trump na huwag lang na di ka malingat, nanakawan ka.
Dito malalagay kung papaanong titimbangin ang kahalagahan ng talumpati ni Presidente Xi Jinping.
Pahayag ng Pangulo (Pagsasa-Tagalog mula sa English translation ng orihinal na Chino):
“Mga pagbabagong hindi nasaksihan sa isang siglo ay umaarangkada paikot ng mundo. Ang pangmundong kalagayan ay pabago-bago at magulo, at nahaharap tayo sa bagong krus na daan.
“Magagawa ba ng China at Estados Unidos na pangibavawan ang Thucydides Trap at magtakda ng panibagong hulmahan ng mga ugnayan ng namumunong mga bansa?
“Kaya ba ng China at Estados Unidos na magkasamang harapin ang mga pangmundong hamon at ipagkaloob sa daigdig ang higit pang kapanatagan?
“Ito ang tanong na inihaharap sa atin bilang mga lider ng namumunong mga bansa.
“Ang China at Estados Unidos ay kapwa nakatakdang magwagi kung magtutulungan at malugmok kung mag-aaway.
“Dapat tayong maging magkabalikat at hindi magkatunggali.”
Kumbaga, taas-noo nang pinaninindigan ng China na sa bawat aspeto ng pag-unlad – ekonomiko, pulitikal at militari – papaibabaw na siya sa Estados Unidos. At tulad ng ipinahihiwatig ng kasaysayan, di-maiaalis na muling gumana ang Thucydides Trap – na kung China lamang ang masusunod ay aayawin nitong maganap.
Maliwanag sa kasaysayan na sa bawat pag-iral ng Thucydides Trap, laging wagi ang bago – sa tiyak na kapariwaraan ng luma.
Hanggang 1938, ang naghaharing pangmundong kapangyarihan ay ang Gran Brittanya na ang emperyo ay banat mula Africa, Silangang Asya at Asya Pasipiko. Subalit umasenso ang Alemanya sa lahat ng larangang sosyal, siyentipiko at teknolohikal.
Pagdating ng 1939, sinakop na ang Poland, sumunod ang mga bansang Benelux, hanggang bumanat na sa Africa.
Subalit pagdating sa Unyong Sobyet, ang tila di mapigil na pagratsada ng Germany paikot ng mundo ay ganap na naudlot.
Hanggang paatras na nang paatras pabalik ng Germany.
Sa kaso ng Gran Britanya, ang pandaigdigang emperyo ay ganap nang nawasak.
Mangyari pa, Estados Unidos ang lumitaw kinalaunan na kahalili.
Subalit ito nga mismo ang usapin sa warning ni Presidente Xi Jinping sa Beijing visit ni Trump.
Ang Amerika ay nangibabaw sa daigdig bilang bunga ng pandaigdigang digmaan.
Sa yugtong ito ng kasaysayan, hindi na ang Estados Unidos ang bago, bagkus ang siyang luma.
At kung gumana mang muli ang Thucydides Trap, iyon ay tiyak na sa kapakinabangan ng China.
Aayaw nga ang China ng ganon.
Ang pangarap ng China – na paulit-ulit nang ipinahayag ni Presidente Xi Jinping – ay pangmundong komunidad na may pinaghahatiang magandang kinabukasan.
Sa komunidad na ito, kasama ang sambayanang Amerikano.
Ang babala ay sa panganib ng pagbagsak sa Thucydides Trap.
Ibig lang sabihin, Digmaang Pandaigdig.
Na kapàg nagkaganon – lalo’t higit sa panahong nukleyar – walang panalo, lahat talo.
Mangyari pa, dapat mulat si Presidente Xi sa tinuran ni Mao Zedong sa pag-igting ng Cold War: “Sa digmaang nukleyar, isa-katlo ng populasyon ng China ay makaliligtas.”
Maliwanag sa nakaraang pagdalaw ni Trump sa Beijing, ang kanyang hangarin ay mapalambot ang matigas na paninindigan ng Chinese President sa One China Policy: “Hindi ito pinag-uusapan.”
Sa talumpati ni Presidente Xi Jinping, ang talagang mensahe lang niya kay Trump: “Huwag mong subukan.”



