27.9 C
Manila
Lunes, Hulyo 13, 2026

Pahayag ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda sa pagpanaw ng mga piloto ng PAF

- Advertisement -
- Advertisement -

LUBOS ang aking kalungkutan sa pagkasawi nina First Lieutenant Ruth Angelique Pasos at Second Lieutenant Cherky Embudo ng Philippine Air Force. Ang dalawang kabataang piloto na puno ng tapang ay nasawi nang bumagsak ang kanilang SF‑260 trainer aircraft sa kabundukan ng Tuba, Benguet, habang nagsasanay upang muling lumipad para sa paglilingkod sa Inang Bayan.

Larawan mula sa Facebook page ng Philippine Military Academy

Sa kanilang pagpanaw, nawalan ang ating bansa ng isang matalinong kabataang babae at isang matapang na kabataang lalaki na buong puso at kasiglahan ang inialay para sa marangal na tungkulin ng pagtatanggol sa sambayanang Pilipino. Ang ating mga sundalo at piloto ay laging handang ialay ang kanilang buhay para sa bayan. Kapalit nito, higit pa sa panandaliang pasasalamat ang utang ng Republika sa kanila — utang natin ang pinakamataas na pamantayan ng proteksyon, pagsasanay, at kagamitan upang makapaglingkod sila nang buong tapang at makabalik nang ligtas sa kanilang pamilya.

Bilang isang proud reservist ng Philippine Air Force, malalim ang aking paggalang sa pambihirang tapang ng ating mga piloto. Ang Philippine Air Force ay nananatiling matatag na tagapagtanggol ng ating soberanya, at ang ‘di matitinag na kagitingan ng mga lalaki at babaeng bumubuo nito ay patuloy na nagbibigay‑inspirasyon at dangal sa ating sambayanan. Dahil kinikilala ko ang bigat ng sakripisyong kaakibat ng pagbabantay sa ating himpapawid, buong puso kong sinusuportahan ang panawagan para sa masusing imbestigasyon sa ugat ng trahedyang ito.

 

Ngayong araw, ibinibigay natin ang pinakamataas na pagpupugay kina First Lieutenant Pasos at Second Lieutenant Embudo, at ipinapaabot ang taos‑pusong pakikiramay sa kanilang mga pamilya, mga mahal sa buhay, mga mistah sa Philippine Military Academy, at kanilang mga kapwa piloto. Ang kanilang tapang, sakripisyo, at walang hanggang pagmamahal sa bayan ay mananatiling nakaukit sa puso ng ating bansa.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -