MAKATATANGGAP na ng subsidiya ang mga estudyanteng sumasailalim sa internships at related learning experiences (RLE) sa ilalim ng Free College Law, ayon kay Sen. Bam Aquino.
Isinulong ni Aquino ang pagsama ng naturang suportang pinansiyal, na inaprubahan sa deliberasyon ng bicameral conference committee hinggil sa magkaibang probisyon ng Senate Bill No. 1894 at House Bill No. 8476. Dahil dito, mapapalawak ang saklaw ng Republic Act No. 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
“Sa ilalim ng mga amyendang ito sa ating Free College Law, masisiguro na nating may tulong pinansiyal ang mga estudyanteng sumasailalim sa internships at RLE,” wika ni Aquino, co-author ng Senate Bill No. 1894 at miyembro ng bicameral conference committee.
Ayon kay Aquino, maraming estudyante ang sumasagot sa mga administrative fees na kaugnay ng kanilang internships at RLE, na dagdag pasanin sa kanilang gastusin bukod pa sa matrikula at iba pang bayarin sa pag-aaral.
“Mahalaga ito upang mabawasan ang gastusin ng mga kabataan at kanilang mga pamilya habang kinukumpleto nila ang kanilang mga requirement sa pag-aaral. Makagagaan ito sa kanilang pasanin lalo ngayong mataas ang presyo ng bilihin,” dugtong pa niya.
Ang probisyong ito’y katuparan ng pangako ni Aquino noong kampanya na isusulong ang pagbibigay ng tulong pinansiyal para sa mga estudyante ng nursing at allied health sciences na nahaharap sa mabibigat na gastusin para sa RLE, na karaniwang umaabot mula P20,000 hanggang P80,000.
Nauna ring nakapaglaan si Aquino ng P500 milyon sa 2026 national budget para makatulong sa pagsagot sa gastusin sa RLE ng mga estudyante ng allied health sciences noong panahon niya bilang chairperson ng Committee on Basic Education.
Inilunsad kamakailan ng senador, kasama ang Commission on Higher Education (CHED), ang online portal para sa pagsusumite ng aplikasyon at mga kaukulang dokumento para sa Allied Health Experiential Assistance for Deserving Students (AHEAD) Grant, na itinatag sa pamamagitan ng CHED Memorandum Order No. 11, Series of 2026.
Sa ilalim ng programa, sinabi ni Aquino na aabot sa 19,000 nursing at allied health sciences students ang makatatanggap ng isang beses na tulong pinansiyal na nagkakahalaga ng P25,000 para sa kanilang gastusin sa RLE.
Kabilang sa mga kursong saklaw ng programa ang Nursing, Medical Technology o Medical Laboratory Science, Midwifery, Nutrition and Dietetics, Occupational Therapy, Physical Therapy, Respiratory Therapy, Radiologic Technology, Pharmacy, Speech Language Pathology, Public Health, Doctor of Dental Medicine, Doctor of Optometry, at Doctor of Veterinary Medicine.



