PINAGTIBAY at nilagdaan ngayong araw ng Bicameral Conference Committee, na binubuo ng mga kinatawan mula sa Senado at Kamara, ang pinag-isang bersyon ng Senate Bill No. 1894 na principally sponsored at authored ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda, at House Bill No. 8476. Layunin ng panukala na palakasin ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act (RA 10931) upang matiyak na ang Tertiary Education Subsidy (TES) ay makarating sa pinakamahirap at pinakanangangailangang kabataang Pilipino.

Pinangunahan ni Legarda ang deliberasyon at pinal na pag-apruba ng bicam report. Nakasaad sa panukala ang awtomatikong pagbibigay-prayoridad ng TES para sa mga nagtapos ng Senior High School mula sa mga pamilyang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), pagpapalawak ng allowance para sa aklat, pamasahe, laptop, at pabahay, at ang obligasyon ng lahat ng state at local universities and colleges, gayundin ng mga technical-vocational institutions, na magpatupad ng Equity and Inclusion Plans upang matiyak ang patas at inklusibong akses para sa mga estudyanteng nasa laylayan.
“Binubuksan ng edukasyon ang mga pintuang sinusubukang isara ng kahirapan. Sa panukalang ito, sinisiguro natin na hindi na magiging hadlang ang kakulangan sa pera para makapagtapos ang kabataang Pilipino. Saklaw ng pinalawak na Tertiary Education Subsidy ang pamasahe, pabahay, aklat, at laptop. Binibigyan nito ng pagkakataon ang bawat bata, anuman ang kalagayan, na tuparin ang kanilang pangarap at makapagtapos nang may dignidad. Ito ay tungkol sa pag asa, katarungan, at paniniwala na walang kabataan ang dapat pagkaitan ng kinabukasang nararapat sa kanila dahil lamang sa kahirapan,” ani Legarda.
Nagbibigay rin ang panukala ng dagdag na suporta para sa mga mag-aaral na may kapansanan at nagtatakda ng regular na pagsusuri sa halaga ng TES upang makasabay sa tumataas na gastusin sa edukasyon.
Matagal nang nasa unahan si Legarda sa pagsusulong ng mga reporma sa edukasyon. Naging chairperson siya ng Senate Committee on Higher, Technical, and Vocational Education bago pamunuan ang Senate Committee on Basic Education, at kasalukuyang Co-Chairperson ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II).
“Hindi lamang ito subsidy kundi isang pangako ng patas na oportunidad. Nakita ko kung paanong ang mga kakulangan sa ating sistema ay pumipigil sa napakaraming kabataang Pilipino. Sa panukalang ito, sinasabi natin sa kanila na may puwang sila sa ating sistema ng edukasyon, na karapat-dapat silang makapagtapos, at na may mahalagang papel sila sa pagbuo ng kinabukasan ng ating bansa,” dagdag pa niya.
Ang nilagdaang bicameral report ay ipapadala na para sa ratipikasyon ng dalawang kapulungan–isang mahalagang hakbang tungo sa mas inklusibo at makatarungang sistema ng tertiary education.



