30.8 C
Manila
Biyernes, Hunyo 6, 2025

Research Colloquium 101

PAGBUBUO(D)

- Advertisement -
- Advertisement -

MALAKI ang ambag ng paglulunsad at pagsasagawa ng research colloquium bilang  plataporma ng pagbabahagi ng kaalaman at kasanayan sa pagitan ng mga dalubhasa, mag-aaral, industriya at komunidad upang higit na pagyamanin ang isang larangan. Oportunidad din ito upang makapagbigay ng inspirasyon sa ibang mga mananaliksik, matuto sa karanasan ng isa’t isa at hamunin ang mga kinagisnang teorya, metodo at praktika sa disiplina. Ang mga sumusunod na tala ay ilan sa mga paalala at tagubilin sa pagpaplano at pagpapatakbo ng isang research colloquium.

  • Tukuyin at buoin ang pangunahing layunin ng pagsasagawa ng research colloquium. Mahalaga ito upang maging malinaw ang saklaw ng paksa at proseso ng pagpaplano at implementasyon.
  • Tiyaking may budget request upang mapaglaanan ng kaukulang pondo ang gawain. Mahalagang maiproseso ito ng mas maaga upang maiwasan ang hindi inaasahang pagpapaluwal ng malaking halaga.
  • Pag-isipan ang magiging titulo at/o tema na sasalamin sa mga layunin ng research colloquium. Inaasahang lapat at napapanahon ang mapagkakaisahang tema at/o titulo ng komite.
  • Pagdesisyonan kung ilan at sinu-sino ang mga magiging kabahagi ng presentasyon sa research colloquium. Bumuo ng komite na magdedesisyon para rito. Mahalagang maging demokratiko ang proseso at matiyak na maging masaklaw ang sakop ng mga paksa. Sa pamamagitan nito ay maiiwasan na sumentro lamang sa iilang paksa ang mga presentasyon ng pananaliksik.
  • Pagdesisyunan kung face-to-face, online o hybrid ang isasagawang research colloquium. Ito ay nakadepende sa kahandaan, rekurso at napagkaisahan ng komite. Tiyaking may maayos na internet connectivity kung pipiliin ang alinman sa huling dalawa.
  • Tiyaking laging may nakaantabay na health and safety committee sa buong larga ng programa para sa anumang hindi inaasahang pangyayari.
  • Itakda ang lugar at oras na pagsasagawaan ng research colloquium. Tiyakin ding ligtas ang lugar mula sa anumang panganib.
  • Tiyaking naireserba ang lugar at naihanda ang mga rekurso at iba pang kagamitan kagaya ng podium, laptop, cable, projector, smart TV, microphone, lamesa, upuan at iba pa.
  • Tiyaking may koordinasyon sa kinauukulan para sa pagpapasok ng mga bisita mula sa ibang institusyon. Iwasan ang mga posibleng aberya sa pamamagitan ng pagsasaayos ng mga kaukulang pahintulot o permit.
  • Imbitahin ang mga interesadong indibidwal at institusyon na dumalo. Dumalo at magpadalo, wika nga.
  • Ihanda ang online at/site registration para sa research colloquium. Anyayahan ang mga kapwa mag-aaral at iba pang mga mananaliksik.
  • Bumuo ng poster na nagsasaad ng titulo/tema, lugar, petsa at oras. Tiyaking alinsunod ang disenyo at format ng poster sa tema ng programa.
  • Hatiin sa mga parallel session kung marami ang nakalinyang presentasyon. Kung hindi naman ganoon karami ay sapat nang nasa plenary session ang lahat ng pagtatatanghal.
  • Ibalangkas ang lohikal na pagkakasunod-sunod ng presentasyon at/o pagkakategorisa batay sa paksa at kaugnay na paksa.
  • Mag-imbita ng mga panelist para magbigay ng feedback, rekomendasyon at puntos sa mga presentasyon.
  • Pumili ng mga panelist na maalam sa praksis ng larangan para magkaroon ng kredibilidad ang proseso ng paggagawad ng mga parangal.
  • Mag-imbita ng inspirational at/o plenary speaker para sa okasyon. Gayunin, pumili ng maalam sa disiplina para makapagbigay ng inspirasyon, payo at lakas ng loob sa kabila ng mapanghamong larangan ng pananaliksik at pagpapakadalubhasa.
  • Ipakilala nang pormal ang mga plenary o inspirational speaker, miyembro ng panel at kabahagi ng presentasyon.
  • Tipunin ang mga research entry sa isang Google Drive upang masuri mabuti at nang mas maaga ng mga bumubuo sa panel.
  • Bigyan ng link sa Google Drive ang mga panelista. Tiyaking kumpleto ang nilalaman ng Google Drive at imonitor ang oras ng pagsusumite ng bawat kalahok.
  • Magbigay ng pagkakataon na makapagtanong at makapaglinaw ang lahat ukol sa kabuoan ng research colloquium sa simula pa lang ng pagpaplano.
  • Bumuo ng guideline na kailangang sundin ng mga kabahagi sa presentasyon. Mahalaga ito sa pagtatakda ng alituntunin para sa buong larga ng gawain.
  • Tiyaking naipaalam ang guideline o panuntunan sa lahat ng kalahok bago ang aktwal na programa.
  • Ipabasa rin sa mga tagapagpadaloy ang panuntunan bago magsimula ang programa para higit na mabigyang-diin.
  • Paalalahanan ang mga kabilang sa research colloquium ukol sa katambal na visual presentation. Tukuyin ang dapat lamanin nito at kung gaano lamang dapat kahaba. Magsagawa rin ng technical rehearsal kung mayroong sapat na panahon para maiwasan ang aberya.
  • Maghanda ng evaluation criteria sa porma ng rubrics bilang batayan ng pagpupuntos. Tiyaking magprint ng sapat na kopya para sa mga panelista.
  • Magtalaga ng komite na titipon ng puntos at magkokompyut dito. Tiyakin na tama ang kompyutasyon para sa kredibilidad ng proseso.
  • Magtalaga ng mga tagapagpadaloy sa research colloquium. Magbigay ng paglalagom sa pagtatapos ng bawat presentasyon at pagdudugtong sa kasunod na pagtatanghal.
  • Tiyaking matipon at maidokumento ang mga katanungan, paglilinaw at rekomendasyon ng mga panelista para makatulong sa higit na pagpapaunlad ng mga pananaliksik.
  • Magtakda ng haba ng presentasyon para sa bawat mananaliksik at pamahalaan mabuti ang oras.
  • Tiyaking mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa buong larga ng programa upang hindi makaabala.
  • Maglaan ng oras para sa Q&A kasama ang tagapakinig at manonood kung may sapat na oras ang programa.
  • Magtalaga ng komite para sa photo at/o video documentation. Tiyaking matipon ang files at may backup copies.
  • Ihanda ang mga certificate at/o token of appreciation para sa mga inspirational o plenary speaker, presenter at panelist.
  • I-anunsiyo ang parangal para sa mga pinakamahuhusay na presentasyon. Igawad ang sertipiko ng pagkilala kasama ang mga kinauukulan.
  • Magtalaga ng magbibigay ng pangwakas na pananalita na siya ring maglalagom ng research colloquium at mabibigay ng panawagan ng pagkilos.
  • Pasalamatan ang mga nag-organisa at nagsidalo sa research colloquium para sa kanilang suporta at partisipasyon.
  • Tiyaking maayos at malinis na iiwanan ang lugar na pinagdausan ng research colloquium.

Bilang pagbubuo(d), mahalahang bigyang-diin na ang research colloquium ay isang paraan upang idemokratisa ang kaalaman at magpalaganap ng adbokasiya sa pamamagitan ng pananaliksik. Oportunidad din ito upang isulong ang kultura ng pananaliksik para sa panlipunang pagbabago sa konteksto ng isang lipunan na puno ng hamon at kontradiksyon.

Pinakamataas na pagpupugay sa mga mananaliksik ng bayan!

Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa pamamagitan nito: [email protected]

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -