29.5 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Nagtala ang Pilipinas ng BOP deficit ngunit nakaranas naman ng pagtaas ang GIR noong unang quarter ng 2025, saan naggaling ang mga pondong ito?  

TINGIN SA EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

HINDI pa rin nahahawi ang kawalan ng katiyakan sa ekonomiya ng mundo noong unang quarter ng 2025 dahil matumal pa ang export demand at mahina pa ang daloy ng foreign direct investment (FDI).  Nagtala ang Pilipinas ng balance-of-payments (BOP) deficit ngunit nakaranas naman ng pagtaas ang Gross International Reserves (GIR). Saan naggaling ang mga pondong ito?

Noong unang quarter ng 2025, nagtala ang Pilipinas  ng BOP deficit  na nagkakahalaga ng $3.0 bilyon, 2.6% ng GDP.  Kabaligtaran ito ng  surplus na umabot ng $238 milyon noong unang quarter ng nakaraang taon. (Table 1) Patuloy pa rin ang masamang epekto ng global economic shocks na nagsimula noong 2023. Matumal pa rin ang export demand ngunit nagsimula na itong umangat, mataas pa ang interest rate ng pautang ngunit nagsimula na itong bumaba, ang pag-akyat ng presyo ng maraming produktong kinabibilangan ng petrolyo at bigas na inaangkat natin sa ibang bansa ay nagsimula nang magnormalisa, ngunit ang pagdalang ng pagpasok ng dayuhang puhunan ay di pa rin humuhupa. Kahit na magulo ang world economy, maliit lang ang BOP deficit; ito ay madali at mabilis na napunan ng financial flows.

Saan kaya nanggaling ang karamihan sa mga foreign exchange receipts na ito?

Una, lumago ang exports ng 1.3% ngunit mas mababa pa rin ito kumpara sa imports na umakyat ng 6.6%.

Ang exports of goods ay nakaahon sa positibong paglago; umakyat ito ng 1.2% pagkatapos ng dalawang taong pagbagsak. Kasama sa mga lumago ang electronics, garments, chemicals, machinery and equipment, at fruits and vegetables.


Ngunit ang nagpamalas ng lakas na exports of services noong 2024 ay bumaligtad noong unang quarter; bumaba ito ng 1.5%.  Malakas pa rin ang computer-enabled services na lumago ng 8.8% sa $1.9 bilyon, at financial services na rumatsada ng 72.6%. Ngunit biglang natumba ang travel na lumaki lang ng 0.2%, transport na bumagsak ng -32.0%, at other services na bumaba ng -1.1%. Kasama sa pulang teritoryo ang other services and technical and trade-related services na nagkakahalaga ng $5.4 bilyon.

Ikalawa, lumago ang primary income ng 14.4%, mula $4.2 bilyon sa $4.6 bilyon.  Ang primary income inflows ay binubuo ng mga dibidendo at interest income ng mga namumuhunang Pilipino na nagdala ng kanilang investment sa iba’t ibang bansa noong mga nakalipas na taon.

Ikatlo,  lumakas ang secondary income net flows galing sa mga remittances ng overseas Filipinos (OFs) mula $7.8 bilyon sa $8.0 bilyon, 1.8% na paglago.  Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), 2.33 milyong Pilipinong manggagawa ang na-deploy noong 2023. Nadagdagan pa ng tinatayang 2.47 milyon na na-deploy noong 2024 at 422 libo mula noong Enero 2025.

Kahit na magulo ang world economy, lumakas ang GDP growth ng Pilipinas ng 5.4% noong unang quarter ng 2025,mas mataas ito nang bahagya kaysa sa 5.3% noong huling quarter ng 2024 ngunit mas mababa kaysa sa 5.9% noong unang quarter ng 2024. Dahil sa paglago ng ekonomiya, patuloy na maliksi ang mga pangangailangan ng imports.

- Advertisement -

Umakyat ang imports of goods ng 8.0%, mula  $29.2 bilyon sa $31.5 bilyon. Maliban sa ilang imports, halos lahat na kategorya ng imports ay lumago. Umakyat ang importasyon ng pagkain ng 16.1%, raw materials and intermediate goods ng 15.5%, capital goods ng 10.3%. Tanging humina ang imports ng mineral fuels and lubricants na nagtala ng 8.6% na pagbagsak dahil sa mas mababa na presyo at volume ng crude oil. Noong unang quarter ng 2025, nag-average ang crude oil price ng $76.3 kada bariles, mas mababa kaysa sa $81.6 noong unang quarter ng 2024. Nahulog din ang import volume ng 8.6% sa 138.3 milyong bariles.

Tumaas din ang imports of services mula $8.8 bilyon sa $8.9 bilyon, 1.7% na paglago. Umakyat ang mga bayarin sa services ng foreign airlines at shipping lines. Ganoon din ang papalabas na turismo.

Sa pangkalahatan, ang deficit sa trade in goods at services ay umakyat mula sa $11.0 bilyon sa $13.5 bilyon, 22.8% na paglago. Ngunit ang net income mula sa mga Pilipinong namumuhunan at manggagawa ay lumago mula $1.3 bilyon sa $1.5 bilyon, 14.4% na paglago. Idagdag pa rito ang income remittances ng overseas Filipinos mula sa $7.8 bilyon sa $8.0 bilyon.

Para mapinansiyahan ang mas malaking BOP deficit, umakyat ang pangungutang ng 43.1%, mula sa $4.6 bilyon sa $6.7 bilyon na nakikita sa financial account.

Kahit na matamlay ang BOP position noong unang quarter ng 2025, malakas pa rin ang Gross International Reserves (GIR) sa antas na $106.7 bilyon, 4.8% na paglago mula sa $101.8 bilyon noong unang quarter ng nakaraang taon. Ang halagang ito ay katumbas ng 7.4 na buwan ng imports ng goods at services, lagpas sa minimum standard na 2-3 buwan ayon sa International Monetary Fund (IMF). Ito ay 3.6 na mas malaki kaysa sa short-term debts ng bansa base sa residual maturity, o iyong mga buwang natitira bago ito maging due at payable.

Table 1. BALANCE OF PAYMENTS ACCOUNT
2024 2025 Growth (%)
Q1 Q1 25 vs. 24
I. BALANCE OF PAYMENTS
OVERALL BALANCE 238 (2,958) -83.4%
% of GDP 0.2% -2.6%
A.    CURRENT ACCOUNT BALANCE ($M)     (2,071)      (4,247) 105.1%
CURRENT ACCOUNT BALANCE (% OF GDP) -1.9% -3.9%
    EXPORTS 39,010 39,535 1.3%
    IMPORTS 41,081 43,783 6.6%
  B. TRADE IN GOODS & SERVICES BALANCE
TRADE IN GOODS & SERVICES BALANCES, $M   (11,006)    (13,510) 22.8%
     % OF GDP -0.2% -0.2%
TRADE IN GOODS, BALANCE ($M)   (14,679)    (16,842) -78.6%
TRADE IN GOODS, BALANCE (% of GDP) -13.2% -14.8%
     EXPORTS     14,491      14,665 1.2%
     IMPORTS     29,170      31,507 8.0%
TRADE IN SERVICES, BALANCE ($M)       3,673        3,332 -9.3%
TRADE IN SERVICES, BALANCE (% of GDP) 3.3% 2.9%
     EXPORTS     12,444      12,255 -1.5%
     IMPORTS       8,771        8,923 1.7%
   B. INCOME BALANCE
TOTAL INCOME       8,935        9,260 3.6%
PRIMARY INCOME, BALANCE ($M)       1,329        1,521 14.4%
PRIMARY INCOME, BALANCE (% of GDP) 1.2% 1.3%
    RECEIPTS       4,230        4,626 9.4%
    PAYMENTS       2,901        3,105 7.0%
SECONDARY INCOME BALANCE ($M)       7,606        7,739 1.7%
SECONDARY INCOME, BALANCE (% of GDP) 6.8%  6.8%
    RECEIPTS       7,844        7,987 1.8%
    PAYMENTS          238           248 4.2%
II. FINANCIAL ACCOUNT  

-4,647

- Advertisement -

 

 

-6,652

 

43.1%
Sources: Bangko Sentral ng Pilipinas & Philippine Statistics Authority
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -