30.1 C
Manila
Lunes, Hunyo 15, 2026

Palalim na ang politika sa ‘missing sabungeros’

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

BAGAMA’T lumilitaw na lumilinaw na ang kaso ng missing sabungeros, palalim naman ang pulitikang sangkot dito. Sa pagkatuklas sa mga nakasakong kalansay sa mismong lugar ng Taal Lake na itinuro ng whistleblower, maliwanag na pawang katotohanan ang mga pagbubulgar na ginawa nito.

At susundin na lamang ang mga kaparaanan ng due process, lutas na ang kaso ng mga nawawalang sabungero.

Subalit kasing-aga ng pagkakasangkot ni Atong Ang sa pagkakapatalsik kay General Alexander Balutan bilang General Manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong 2019, sumingaw din ang koneksyon ni Dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte sa sigalot. Kaututang dila ni Duterte ang pumalit kay Heneral Balutan (si Police Colonel Royina Garma). Ang pagkakapatalsik  kay Heneral Balutan ay nagsilbing pasilip sa ugnayan ni Atong Ang sa Dating Pangulo Duterte.

Sa paglitaw ngayon ng whistleblower na si Julie Dondon Patidongan, nabunyag ang mga sumusunod kaugnay ng missing sabungeros:

1- Ang mga ito ay  kinidnap ng isang grupo ng pulis at “ginarote” hanggang mamatay, at saka itinapon sa kalaliman ng Taal Lake;


2- Ang ilan ay ipinabaon sa isang sementeryo;

3- Ang pangkat ng mga pulis na nagsagawa ng pagdukot, pagpatay at pagtapon sa lawa at pagbaon sa sementaryo ng mga bangkay ay siya ring may kagagawan sa mga extrajudicial killings sa Duterte drugs war.

4- Ang mastermind ng lahat nang ito ay si Atong Ang.

Ngayon, kung sa pagkakapatalsik ni Atong Ang kay General Balutan sa PCSO ay nasa likod na kapangyarihan si Dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte, ang mga lumutang na katibayan sa itaas ay dapat magpakita na ang pagpatay sa missing sabungeros ay kagagawan pa rin ng tagong kapangyarihan sa likod ni Atong Ang.

- Advertisement -

Hindi pa man ganun kalinaw, maaaninag na ang larawan ni Duterte bilang siyang kapangyarihan sa likod ni Atong Ang.

Nakahihindik ang  tinutungo ng lohika. Pinangalanan na si Atong Ang bilang siyang mastermind sa pagpatay sa missing sabungeros. Kung si Dating Pangulo Duterte ang kapangyarihan sa likod ni Atong Ang, samakatuwid si Duterte ang totoong mastermind sa pagdukot, pagpatay at pagligpit sa mga nawawalang sabungero.

Tahasang sinabi ni Patidongan na ang colonel na pulis na pinangalanan niya ay siya ring namuno sa pagsasagawa ng mga pagpatay sa mga biktima ng extrajudicial killings sa giyera kontra droga ni Duterte.

Ayon kay Patidongan, ang koronel na iyun ay tumatanggap kay Atong Ang ng dalawang milyong piso buwan-buwan at siya talaga ang nagbibigay ng utos ng pagpatay.

Ang alalahaning ito ang higit na pinahahalagahan ng kolum na ito sa usapin ng impeachment ni Bise Presidente Sara Duterte. Ibabaw sa mga usapin ng teknikalidad at kung anu-ano pang isyung ligal ay ang walang habas na paglabag sa mga karapatang pantao na ipinakikita ng maramihang pagpatay sa missing sabungero at libu-libong biktima ng extrajudicial killings ng administrasyong Duterte. Kailangang matuloy na ang impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte.

Oo, tanggap na natin na malamang sa hindi, maaabswelto ang bise presidente. Ganyan na kabastardo bumagsak ang senado, kung hindi man lahat ng senador, ang malaking mayorya ng kasapian nito. Sa resolusyon na iniharap ni Senador Ronald “Bato” de la Rosa upang ibalik sa Kamara de Representantes ang articles of impeachment ni Sara, 18 ang sumang-ayon, lima lamang ang tumutol. Ang ganong pagbabalik ang siyang tumiyak na higit pang mapipigilan ang pagsisimula ng impeachment trial ni Sara. Pakita lamang ito na kalakhan ng senado ay kumikilos na hindi ayon sa hinihingi ng tungkulin kundi ayon sa mga personal na konsiderasyon, halimbawa  pakikipagkaibigan sa nasasakdal o ganansyang politikal, gaya ng suporta ng mga botante ni Sara para sa eleksyon ng 2028.

- Advertisement -

Ganyan na ang mga senador. Sisiguruhin na muna ang kani-kanilang mga pansariling interes kaysa tuparin ang sinumpaang tapat na panunungkulan.

Hindi alintana ang malawakang paghingi ng hustisya ng sambayanan, dadaanin ng mga senador ang kanilang kalamangan sa bilang upang iligtas si Sara sa hatol na may sala.

Malaki ang iaambag ng imbestigasyon sa missing sabungeros sa ultimong paghusga sa impeachment ni Sara. Kung mapatutunayan na ang pagpatay sa mga sabungero ay bahagi nga ng extrajudicial killings na naganap sa Duterte drugs war, magiging pananagutan din iyon ni Sara. Tandaan na sangkot din si Sara sa mga EJK. At kung ang kanyang ama ay nagdurusa na ng pagkakulong sa The Hague, Netherlands dahil sa mga kasalanang ito, di ba dapat si Sara din?

Madalas ipagdiinan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na sa lahat ng usapin sa senado, ibabaw ang plenaryo. Nakakaligtaan niya na may mas ibabaw pa sa plenaryo ng senado.

Ang sambayanan.

Matatandaan na sa impeachment trial ni Presidente Joseph Ejercito Estrada noong 2001, nagawa niyang harangin, sa bisa ng boto ng karamihan sa mga senador, ang pagbubukas sa sobre na inasahang magbubulgar sa kanya bilang tunay na may-ari ng

isang maalingasngas na bank account. Bumuhos ang galit ng sambayanan dahil doon, humantong sa EDSA II, ang pangalawang people power na nagpataksik sa kanya sa kapangyarihan.

Kaya tanggapin na, sa paramihan ng kakampi sa senado ay lamang na lamang si Sara.

Pero huwag siyang kasiguro. May mas ibabaw sa senado.

Ang sambayanan.

Nakatuon ang kanilang pansin sa lumalakas na pagkadawit ni Dating Presidente Duterte sa maramihang pagpatay sa missing sabungeros.

Sa sariling mga kamay, igagawad ng sambayanan ang kanilang hatol kay Sara.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -