27.7 C
Manila
Linggo, Hunyo 7, 2026

Kolumnista ng Pinoy Peryodiko tampok sa TMT masterclass na nakapokus sa pagsulat ng ‘features’ sa Filipino

- Advertisement -
- Advertisement -

MAGSASAGAWA ang Manila Times School of Journalism ng ikaapat na masterclass para sa taong ito sa Agosto 29 sa tanggapan ng The Manila Times sa Sitio Grande, Intramuros, Manila.

Ang masterclass ngayong buwan ay tututuon sa kung paano magsulat ng mga ‘features’ na artikulo sa Filipino kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa.

Para sa buwang ito, ang klase ay pangungunahan ni Dr. Luis P. Gatmaitan, isang kilalang manggagamot at may-akda ng higit sa 70 mga libro para sa mga bata. Si Gatmaitan ay isa sa popular na kolumnista ng Pinoy Peryodiko tuwing Lunes sa seksyong Panitikan at Kultura.

Si Dr. Luis Gatmaitan (kanan) tampok ang kanyang mga popular na aklat pambata.

Kabilang sa kanyang mga popular na akda ay ang  “Sandosenang Sapatos,” “Si Duglit ang Dugong Makulit,” at  “Ang Pambihirang Buhok ni Raquel.”

Pinasimulan niya ang pagpapasikat ng mga temang medikal at pangkalusugan sa pamamagitan ng serye ng librong pambata niyang “Mga Kuwento ni Tito Dok.”

Nang pagkalooban ng ‘Gawad Dangal ng Lahi’ si Dr.Luis Gatmaitan matapos na maging Guest of Honor ng 71st Palanca Awards. Kasama sina Charles Palanca, Dang Cecilio-Palanca, at Nemie Bermejo.

Pitong beses ding nanalo si Gatmaitan sa Palanca Awards para sa kanyang mga kwentong pambata at sanaysay sa Filipino, at ginawaran ng Hall of Fame ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 2005.

Ang kanyang mga libro ay isinalin na sa Nihonggo, Danish, Thai, Bahasa Indonesia, Mandarin, at Bangla.

Si Dr. Luis Gatmaitan (gitna) kasama ang mga gumanap na Susie ng ‘Sandosenang Sapatos’ na sina Felicity Kyle Napuli at Wincess Jem Yana nang muling itanghal ng Tanghalang Pilipino ng Cultural Center of the Philippines

Ang kanyang kwentong pambata na “Sandosenang Sapatos” ay ginawang musikal na produksyon ng Tanghalang Pilipino ng Cultural Center of the Philippines.

Siya ay kasalukuyang kinatawan ng sektor para sa mga manunulat sa Philippine Board on Books for Young People (PBBY).

Isa rin siyang kolumnista ng Pinoy Peryodiko, isang online na pahayagan ng The Manila Times sa Filipino.

Sa kasalukuyan, siya ang tagapangulo ng National Council for Children’s Television, isang attached agency ng Department of Education na nagtataguyod ng child-friendly na mga palabas sa telebisyon sa Pilipinas.

Sa kanyang kontribusyon sa panitikan, kinilala siya sa Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas noong 2017.

Si Gatmaitan ang unang Pilipinong may-akda na hinirang para sa prestihiyosong Astrid Lindgren Memorial Awards sa Sweden para sa kanyang gawain sa panitikang pambata sa Pilipinas.

Ang Manila Times School of Journalism ay nananatiling nakatuon sa layunin nitong hubugin ang mga mamamahayag sa pamamagitan ng iba’t ibang klase.

Para sa pagpaparehistro at karagdagang impormasyon: tmt.ph/masterclass-reg-form o i-scan ang QR code sa poster.

Limited slots lang — huwag palampasin!

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -