ANG pampublikong pamamahala ay maituturing na ‘complex’ at ‘contested’ kaya mahalaga ang pagsasagawa ng siyentipikong pananaliksik upang ito ay higit na maunawaan at mapaunlad bilang isang larangan ng pag-aaral at praktika. Malaking bahagi ng ating
pag-iral (existence) ay umiinog at may kilanalam sa pampublikong pamamahala. Mula kapanganakan hanggang sa hukay (from cradle to grave), ‘ika nga. Kaya marapat lamang na ito ay masiyasat, masuri at mabigyan ng kaukulang interbensyon sa paraang siyentipiko, kontekstwalisado at demokratiko. Ang mga sumusunod na tala ay ilang gabay at paalala ukol sa pag-aaral at pananaliksik sa larangan ng pampublikong pamamahala.
· Linawin simula’t sapul kung anu-anong mga sektor ang makakikinabang sa isasagawang pananaliksik. Ilinya rin ang mga bubuoing rekomendasyon alinsunod sa magiging pakinabang sa kanila ng pananaliksik (halimbawa: legislative reform para sa Congress at mamamayan, educational reform para sa Department of Education, kaguruan at mag-aaral, at moral reform para sa lahat ng kawani ng pamahalaan).
· Tuwinang i-angkla ang pag-aaral ng pampublikong pamamahala sa adyendang pangkaunlaran (development agenda) ng bansa at ng mga mamamayan nito. Ang pamamahala ay kritikal na elemento ng kaunlaran. Halimbawa, kapansin-pansin na sa building blocks of health ay sentral ang health governance. Gayundin, esensyal ang papel ng entrepreneurship sa iba pang salik ng produksyon (factors of production) sa ekonomiya.
· Bigyang-pansin sa pananaliksik ang mga kaakibat na hamon sa praktika ng pampublikong pamamahala. Kasama rito ang katiwalian, iresponsableng paggamit ng rekurso, demoralisasyon sa hanay ng mga kawani, konsentrasyon at rekonsentrasyon ng kapangyarihan, disimpormasyon at iba pa.
· Isulong ang research-informed public service upang maging siyentipiko, may pagpapatibay at kontekstwalisado ang bawat programa at proyekto. Ang serbisyo publiko ay dapat nakabatay at sinusuhayan ng datos, pananaliksik at pagsusuri. Tuwing Setyembre, halimbawa, ay sineselebra ang development policy research month upang bigyang-diin ang kahalagahan ng pananaliksik sa patakaran at adyendang pangkaunlaran.
· Gawing mas tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan ang mga pampublikong patakaran sa pamamagitan ng pananaliksik. Makatutulong dito ang pagkakaroon ng malakas na sektoral at pangkomunidad na oryentasyon ang isasagawang pananaliksik. Bilang panimula, maaaring basahin ang akdang ito ukol sa participatory action research (PAR): Participatory Action Research 101 – Pinoy Peryodiko.
· Gamitin ang pananaliksik upang ugatin ng batayang suliranin ng lipunan (superordinate factors) at ang mga sintomas nito (subordinate factors). Bigyang-pansin din ang mga tinaguriang wicked problems upang ito ay mailantad, mahimay at masuri. Gumamit ng angkop na teorya at metodolohiya na magmamapa at magtatampok sa ugnayan ng mga problema at salik.
· Ilantad sa pamamagitan ng pananaliksik ang epekto ng mga umiiral na pampublikong patakaran sa aktibong partisipasyon ng mamamayan sa pamamahala. Siyasatin din kung ang pampublikong patakaran ay nagtataglay o hindi ng mga sumusunod na prinsipyo at katangian: nagsusulong ng pampublikong interes, mapanglahok (participatory) sa proseso ng pagdedesisyon, bukas sa publiko, may mekanismo ng pagpapanagot (accountability), makatarungan at ingklusibo lalo na para sa mga pinagkaitan, tumutugon sa pangangailangan at panawagan ng mga bulnerable, at umaangkop sa nagbabagong panahon at pangangailangan ng mga mamamayan.
· Siyasatin at suriin kung ang kasalukuyang mekanismo ng organisasyon ay ginagabayan ng principle of subsidiarity. Tumutukoy ito sa panuntunan na ang pagdedesisyon ay dapat desentralisado sa pinakamababang antas (‘street-level bureaucrats’) na siyang pinakanakababatid ng sitwasyon at suliranin sa larangan. Pinagtitibay ng prinsipyong nabanggit ang demokratiko at may pananagutang pamamahala.
· Tukuyin ang politikal at ideolohikal na oryentasyon ng mga sanggunian (sources), kakapanayamin (interviewees) at tagabatid (informant) upang mas malinaw na maikonteksto ang kanilang pahayag at pinaggagalingan. Sa pamamagitan nito ay mas mabibigyang katuturan ang mga nagtatambal (converging) at nagtatalabang (contradicting) pananaw at paninindigan.
· Saklawin sa pag-aaral ang malaking papel ng pagtitiwala (trust) sa partisipasyon, pagpapahalaga at pagtugon ng mga mamamayan sa pampublikong pamamahala. Isama rin ang ugnayan ng iba pang mga pampublikong pagpapahalaga (public values) kagaya ng katapatan, integridad, katarungan, pagkakapantay-pantay, propesyonalismo, demokratikong partisipasyon, etikal na pamamahala, kolaborasyon, awtonomiya at karapatang pantao.
· Tandaan ang mahalagang papel ng pananaliksik sa pagsusulong ng mabisa, episyente at matalinong paggamit ng rekurso. Mas mabigat na usapin ito lalo sa kaso ng mga mahihirap at atrasadong rehiyon at komunidad kung saan laganap ang hindi pagkakapantay-pantay. Sa pananaliksik natutukoy ang ugat, lala, saklaw, komplikasyon at maging potensyal na mga solusyon sa mga sanga-sangang suliranin. Halimbawa, may napapanahong aplikasyon ang pananaliksik sa pampublikong pamamahala sa konteksto ng pagtugon sa hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan at ang bulnerabilidad ng mga mamamayan sa kalamidad. Maaaring sumangguni sa babasahing ito bilang panimula: Kalamidad, hindi pagkakapantay-pantay at bulnerabilidad – Pinoy Peryodiko
· Bigyang-pansin ang implikasyon ng social media sa larangan at praksis ng public sector communication. Sa pamamagitan ng social media ay nagiging bukas at panlahatang-panig ang komunikasyon, nabibigyan ng pagkakataon ang mamamayan na magpahayag ng opinyon at nagiging kagyat din ang palitan ng impormasyon lalo na sa gitna ng krisis at kalamidad. Samantala, nagbubunsod din ito ng mga suliranin at alalahanin kagaya ng disinformation, online security risks, digital divide at iba pang uri ng information and communication pathologies.
· Unawain at siyasatin ang ugnayan (relationships) at hangganan (boundaries) ng mga elemento, entitad, salik, puwersa at gampanin ng mga bumubuo sa isang sistema. Tukuyin kung saan sila nagtatagpo, nagtatambal at nagbabangga. Ang lahat ng ito ay may implikasyon sa lala ng problema at bisa ng solusyon. Gumamit ng social network analysis at participatory mapping para sa layuning ito.
· Gamitin ang pananaliksik upang hamunin ang mga paradigma, patakaran, programa, proyekto at proseso na bigo sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng organisasyon at hindi nagsisilbi sa interes ng mamamayan. Ayon kina Potter at Subrahmanian (2007) mula sa librong Research Skills for Policy and Development na pinatnugutan nina Thomas at Mohan (2007), mahalaga ang papel ng imbestigasyon at pagsisiyasat bilang instrumento sa pagsusulong ng policy change sa lahat ng yugto ng proseso.
· Subukan ang mga komparatibong pag-aaral (comparative studies) para masusing masiyasat ang pagkakapare-pareho at pagkakaiba-iba ng mga patakaran, programa, proyekto, proseso at pagpapatupad ng mga organisasyon at institusyon. Mula rito ay maaaring makahalaw ng best practices sa larangan. Epektibo ang comparative analysis upang siyasatin ang aplikasyon ng teorya, patakaran at praktika sa iba’t ibang organisasyon, rehiyon, panahon, kultura at kapaligiran.
· Tuwinang bigyang-pansin ang pang-ekonomiya, heograpikal, politikal, ligal, kultural, sikolohikal at etikal na dimensyon ng pampublikong pamamahala upang maging holiktiko ang dulog at interbensyon.
· Bumuo ng policy brief ukol sa isinagawang pag-aaral upang mas maipalaganap ang resulta at rekomendasyon. Maaari ring sumangguni sa akdang ito bilang panimula: Gabay sa pagbuo ng policy brief – Pinoy Peryodiko
· Sumangguni rin sa mga public administration at development studies journal kagaya ng Philippine Journal of Public Administration (PJPA) at Journal of Management and Development Studies (JMDS) para sa mga modelong pananaliksik:
Philippine Journal of Public Administration
About the Journal | Journal of Management and Development Studies
Bilang pagbubuo(d), mahalagang bigyang-diin na ang patuloy na pag-unlad ng pampublikong pamamahala bilang larangan ay nakasalalay sa maraming bagay at konsiderasyon. Batay sa pagtalakay, isa rito ay ang pananaliksik kung saan natutukoy ang kalakasan at kahinaan, ang potensyal at panganib, at ang kasalukuyan at hinaharap ng pampublikong pamamahala bilang instrumento ng kaunlaran, demokratisasyon at
pag-asa.
Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa pamamagitan ng [email protected].

