PAGPAPALIWANAGIN ni Senate Committee on Games and Amusement Chairman Senator Erwin Tulfo ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) sa susunod na hearing kung bakit patuloy na nag-ooperate ang mga online sabong gayong idineklara na itong iligal ng pamahalaan noong 2022.
Ayon kay Sen. Tulfo, “nakakasira na nga ng buhay, hindi pa nagbabayad ng buwis sa gobyerno itong dalawang operator ng illegal online sabong sa bansa.”
Humihingi raw ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ng tulong sa PNP at NBI para mapasara ang mga ito ngunit wala namang nangyayari.
Duda ang senador na hindi alam ng mga otoridad ang kinaroroonan ng mga sabungang ito na pinapalabas at pinupustahan sa online.
“Sa dami ng mga tao na may dala ng manok sa isang sabungan at may live video streaming sa loob, imposibleng hindi alam ng hepe o provincial director kung saan ang mga ito” ani Tulfo.
“Bigyan ko sila ng tip: yung isa sa Central Luzon ang operation, habang yung isa sa Region 4-A pero ang may-ari ay taga-Cordillera,” dagdag pa ni Tulfo.
“Sa susunod na hearing naming sa Games and Amusement Committee, gusto ko sana na sarado na ang mga ito dahil di lang perwisyo sa pamilya, wala pang pakinabang ang gobyerno dito,” ayon sa mambabatas.
Iimbitahan daw ni Sen. Tulfo ang mga PNP Provincial Directors ng Batangas at Pampanga pati na ang mga Regional Directors ng Region 3 at 4-A kasama na ang director ng Cordillera PNP.
“I am sure the new PNP Chief, Gen. Jose Nartatez Jr. and NBI Officer-in-Charge Usec. Jesse Andres will be serious in this fight versus illegal gambling dahil kilala ko na diretso ang mga ito,” ani Sen. Tulfo.



