NANAWAGAN si Senador Alan Peter Cayetano nitong Lunes sa kanyang mga kasamahan sa Senado na ituon ang pansin sa tunay at pangmatagalang reporma imbes na sa pansamantalang pulitika.
Sa kanyang manifestation nitong September 8 kaugnay ng pagbabago ng liderato sa 20th Congress, sinabi ni Cayetano na hindi dapat matabunan ng pulitika ang tunay na pagbabago lalo na sa panahong mababa ang tiwala ng taumbayan sa pamahalaan.
“My hope is this, usually permanent ang politics, y’ung change temporary. I hope together we can find a way na maging permanent y’ung change or true transformation at temporary y’ung politics,” wika niya.
Binigyang diin din niya ang malawakang katiwalian sa bansa at ang pangangailangang humingi ng gabay mula sa Diyos.
“We, as a Senate, have to really surrender to God how we will find a solution for the massive corruption that is happening in our country at a time where the trust in our government institutions and leaders may be at its lowest,” wika niya.
Sinabi rin ni Cayetano na mananatili siya sa minority bloc kahit may pagbabago sa liderato. Tiniyak naman niya na bukas siyang makipagtulungan sa mga kasamahan para sa kapakanan ng bayan.
“I would like to manifest that I’ll probably remain in the minority. But I look forward to working with you whether we agree or disagree because the country needs the Senate now more than ever,” sabi niya.
Binigyang-pugay din ni Cayetano si dating Senate President Francis “Chiz” Escudero at bagong Senate President Vicente “Tito” Sotto III. Dagdag pa niya, anuman ang pagkakaiba sa pulitika, dapat manatili ang Senado bilang institusyong may pagmamahal sa Diyos at sa bayan.



