MAY MGA tuntunin sa wasto at masining na pagsulat at pagsasalita, na itinuro sa amin noon, at hindi pa rin naman nababago hanggang sa ngayon, pero tila hindi na sinusunod ng mga kabataang sumusulat sa wikang pambansa.
Ang isa rito ay ang gamit ng MAY at MAYROON.
Natatandaan ko pa, noon, isang grupo ng mga kaopisina ko sa Surian ng Wikang Pambansa (Komisyon sa Wikang Filipino o KWF ngayon) ang naglilibot sa buong Pilipinas para maglektyur tungkol sa masining na pagsulat, na kinapapalooban ng wastong gamit ng MAY at MAYROON, SUBUKIN/SUBUKAN, PAHIRIN/PAHIRAN, at iba pang mga katulad na salita. Ipinapaliwanag din nila ang pagkakaiba ng HAGDAN/HAGDANAN, HARAP/HARAPAN, BUBONG/BUBUNGAN, at iba pang katulad. Nang lumaon, napalitan na ang ganitong mga panayam ng mga lektyur tungkol naman sa korespondensiya opisyal, na hanggang sa ngayon ay isinasagawa pa ng KWF sa iba’t ibang tanggapang pampamahalaan. Tila wala nang naglelektyur tungkol sa MAY at MAYROON, NANG at NG, SUBUKIN/SUBUKAN, atbp.
Natatandaan ko pa rin noon ang programa sa radyo ni Tiya Dely, at ang mga komento niya tungkol sa wastong gamit ng mga salita at mga tuntunin sa gramatika. Minsan naman, nabasa ko ang maikling sinabi ng manunulat na si Liwayway Arceo tungkol sa salitang DULOT. Sabi niya, para sa kanya, ang DULOT ay may kahulugang positibo, halimbawa: IDULOT mo na ang matamis na panghimagas.” Samakatwid, ang idinudulot ay mabuting bagay, tulasd ng pagkain, hindi ang masamang bunga ng pangyayaring hindi gugustuhin nino man. Kaya hindi raw tamang sabihin o isulat ang “pinsalang DULOT ng baha.” Pwedeng gamitin ang HATID – pinsalang HATID (o BUNGA) ng baha. Hindi DULOT ang angkop na salita dahil negatibo ang baha, tulad din ng lindol, sunog, korupsyon, at iba pang kalamidad, gawa man ng tao o ng kalikasan.
Gayon man, wala sigurong brodkaster o journalist na nakabasa kay Liwayway Arceo dahil palasak sa mga ito ang paggamit ng DULOT kapag nagbabalita ng bunga ng baha, sunog, lindol, at iba pang mga kapahamakan.
Wastong gamit ng MAY
Balikan natin ang MAY at MAYROON. Ito ay mga salitang nagsasaad ng pagmamay-ari o pagkakaroon ng isang bagay.
Mga halimbawa ng wastong gamit ng MAY:
1. MAY tao sa bakuran. (Ang kasunod ay TAO, na isang pangngalan)
2. MAY naghahanap sa iyo. (Hindi na binigkas ang salitang tao at naghahanap na lamang ang sinabi)
3. Totoo ba na MAY mga pangungusap na walang paksa?
4. MAY mga pagdinig ngayon sa Kamara at sa Senado tungkol sa maanomalyang mga proyekto ng flood control.
Pamagat ng maikling kwento ni Deogracias Rosario: “Ako’y MAYROONG Isang Ibon.” (Sabi ng mga guro sa Filipino, dapat ay MAY ang ginamit.)
Ganito naman kapag MAYROON:
1. Pagsagot sa tanong: MAY lapis ka ba? Sagot: Oo, MAYROON. (Hindi pwedeng sagot: Oo, MAY.)
2. MAYROON lamang akong ibig hilingin bago ko sagutin ang iyong tanong. (Pwede rin: MAY kahilingan/hihilingin ako bago sagutin ang iyong tanong.)
Pero ngayon, tila nawawala na ang gamit ng MAY. Sa mga nirebyu kong artikulong pang-journal, parang nakalimutan na ng mga mananaliksik ang salitang MAY. Mas karaniwan na ngayon ang ganitong gamit na kung susuriin, mas angkop gamitin ang MAY:
1. MAYROONG binhi ng diwang hindi pa naisusulat.
2. Ayon sa PNP, MAYROONG armas ang nanlabang binatilyo.
3. Maganda ang mga dekorasyon sa bagong mall, MAYROONG maningning na ilaw na MAYROONG iba’t ibang kulay.
Parang nawala na sa kamalayan ng marami na may mas maikling salita na dapat nilang gamitin.
Marahil, bunga ito ng pagpapaikli ng salitang MAYROON. Popular sa pasalitang wika ang MERON sa halip na MAYROON. Ang MERON ay ginagamit na parang MAY: MERONG mga tindang magagandang damit sa bagong bukas na tindahan.” “MERONG mga bagong tanggap na empleado sa kabilang gusali.” “MERONG mga pangarap na kay hirap abutin.”
Gayon man, sa pasulat na anyo, nananatili ang MAYROON, hindi ang di pormal na MERON.
Iba pang gamit ng MAY
Pero may napansin ako sa gamit ng MAY ng ilang brodkaster sa radyo at telebisyon. Ginagamit nila ang MAY para tukuyin ang isang lugar. Waring hindi nila alam na kapag sinabing “SA MAY MARIKINA naganap ang salpukan ng mga sasakyan,” hindi sa Marikina mismo nangyari ang sakuna, kundi SA MALAPIT SA MARIKINA. Kapag sinabi nilang “Nasunog ang isang pabrika ng sapatos SA MAY VALENZUELA,” hindi mismong sa Valenzuela nagkasunog kundi sa malapit lamang doon, maaaring sa boundary ng Malabon at Valenzuela. Hindi tamang sabihing, “Ang Ateneo de Manila University ay nasa MAY Katipunan,” dahil sa mismong kalyeng ito matatagpuan ang nasabing unibersidad.
Hindi ba’t kapag nag-uulat, dapat tukuyin ang tiyak na lugar, hindi ang “malapit lamang”?
Iba pang mga halimbawa:
1. Nasa MAY pinto siya, alanganin kung papasok o hindi. (Ang SIYA na tinutukoy rito ay nasa malapit sa, o nasa tabi ng pinto)
2. Malapit na kami sa Quezon City, nasa MAY hangganan na ng Maynila at QC. (Nasa lugar na malapit, hindi pa mismong QC pero malapit na.)
3. Sa MAY Navotas nasakote ang kriminal. (Hindi mismong sa Navotas naganap ang aksyon, pero sa lugar na malapit sa Navotas.)
3. Makakarating na kami sa UP sa loob ng kalahating oras dahil nasa MAY Rotunda na kami. (Malapit na sa Rotunda.)
Ito ay ilang obserbasyon lamang sa paggamit ng wikang Filipino ng mga bagong henerasyon.

