UNA, hindi inyo yan. Sa lahat ng batas–domestic o international man, amin ‘yan. May karapatan ang Pilipinas sa Panatag Shoal (Scarborough Shoal). Ito ay mga 124 nautical miles (o 220 kilometro) mula sa pinakamalapit na baybayin ng Pilipinas, sa lalawigan ng Zambales.
Samantala, halos apat na beses ang layo nito mula sa pinakamalapit na baybayin ng China, sa lalawigan ng Hainan: mga 472 nautical miles (o 875 km). Ang tagal na niyong iligal na sinasakop ang amin. 2012 pa kayong iligal na nandyan.
Pangalawa, kayo ang sumisira ng kalikasan d’yan. Mga mangingisdang Tsino ang gumagawa ng malawakang pag-aani ng mga endangered giant clam. Para makuha ang mga tulya, sinisira at dinudurog niyo ang mga coral reef ng Panatag Shoal. Nagpapalawak din kayo ng sinasakop, at nag-d-dredging at reclamation sa ilang features na malapit sa shoal. Sinisira niyo ang mga reef at marine life. ‘Yung mga research vessel niyo, binubulabog din ang mga sensitibong tirahan ng marine life.
Sa tantya namin, ang pinsala sa mga marine ecosystem sa aming EEZ bunga ng galawan ng China ay umaabot sa bilyun-bilyong piso taon-taon.
Kaya bilang may-ari ng Panatag Shoal, eto ang mensahe natin sa China: Alis dyan!



