26.1 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Pagluluwag sa pagkuha ng SALN, iniutos ng bagong Ombudsman

- Advertisement -
- Advertisement -

SA gitna ng isyu  ng korapsyon sa Pilipinas, ipinag-utos ng bagong talagang Ombudsman na si Atty. Jesus Crispin Remulla na muling luwagan ang pagkuha ng SALN (Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth) ng mga opisyal ng gobyerno.

Sa bisa ng Memorandum Circular No. 3 (2025), ibinalik at binuksan muli ni Remulla sa publiko ang pagkuha ng SALN ng isang opisyal ng gobyerno, na dating hinigpitan at halos ipagbawal sa publiko sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte.

Sa isang pahayag, sinabi ng Office of the Ombudsman: “This decision is guided by a simple principle: the public has a legitimate right to know how those in government acquire and manage their wealth. Transparency in this area is not a slogan – it is a safeguard against corruption and a deterrent to abuse of power.”

Memorandum Circular 3

Sa bisa ng Memorandum Circular 3,magiging malaya ang publiko na inspeksyunin at kumuha ng kopya ng mga SALN na isinumite sa Ombudsman matapos itong maproseso at maitala ng tanggapan nang hindi  bababa sa 10 araw matapos ang huling araw ng pagsusumite para sa lahat ng tanggapan ng gobyerno.


Upang makakuha nito, kailangang mag-request ng kopya sa alinmang Public Assistance and Corruption Prevention Office (PACPO) sa Central Office, or sa kahit aling Public Assistance and Corruption Prevention Bureau (PACPB) sa mga area o sectoral offices.

Isinasaad din sa memorandum ang patungkol sa lifestyle check, kung saan pinapayaganag makapagsampa ng pormal na reklamo sa Ombudsman Field Investigation Office (FIO) ang isang taong may ebidensya na nagpapakita na hindi akma ang sahod ng isang kinatawan ng gobyerno sa mga ari-ariang meron siya.

Sa bisa ng patakarang ito, pagbibigyan ang kahilingang magkakopya ng SALN maliban na lamang sa mga sumusunod: kung hindi nakasumite ang SALN , kung gagamitin sa unauthorized commercial purpose; may derogatory record sa maling paggamit ang nahiling; nauugnay ang kahilingan  sa isang pending na kaso na gagamitin upang mang-impluwensya o mang-harass; may ebidensya ng pangingikil o pagbabanta; kung peke ang pagkakakilanlan ng nahiling; o kung labag sa batas, moral at public policy ang layunin ng pagkuha nito.

Aalisin rin sa kopyang makukuha ang kompletong address, detalye ng mga batang kasamang nakatira ng nagdeklara, lagda ng nagdeklara, at ang mga government-issued identification numbers ng declarant at co-declarant.

- Advertisement -

Gayunman, sa bagong memorandum, inoobliga ng kautusan ang requesting party na pumayag na magpakita ng “output” gaya ng balita bilang resulta ng pagre-request ng SALN, at kinakailangang isumite ang copy ng output o link sa loob ng limang araw matapos itong malathala.

Gagamitin ang output na ito para sa monitoring at record-keeping upang makapagtala kung paano ginagamit ng publiko at media ang mga impormasyon sa SALN; upang patunayan din na ginamit nga ito ayon sa idineklarang paggagamitan nito; at upang makapagsimula ng imbestigasyon kung nagpapakita ng potential misuse, mispresentation at paglabag sa mga alituntunin ang output.

Paghihigpit makakuha ng SALN noong 2020

Bago ilabas ang MC 3 ngayong taon, hindi basta-basta nakakakuha ng SALN. Kinakailangan na may pahintulot ito sa declarant na nakanotaryo.

Nilagdaan ang kautusan ng paghihigpit ng pagkuha sa SALN ni Ombudsman Samuel Martires noong Setyembre 1, 2020.

Sa bisa ng memorandum ni Martires, kinakailangang may permiso ng declarant o ng nagsumite ng SALN ang pagkuha ng kopya nito at kinakailangan din itong ipanotaryo.

- Advertisement -

Pinigilan ng memorandum na ito na mailabas sa media ang SALN nina dating Pangulong Duterte, at iba pang opisyal ng gobyerno.

Sinabi noon ni dating Pangulong Duterte na hindi naman sila mahirap pero hindi rin naman sila mayaman.

Sa ulat ng GMA News Online, sinabi rito na tumaas ng P1.1 milyon ang net worth ni dating Pangulong Duterte sa taong 2017 mula sa P27,428,862.44 na naging P28,540,321.07.

Binanggit rin sa ulat na nabawasan ang utang ni Duterte kay Samuel Uy, isa sa mga sumuporta sa kanyang kampanya sa pagkapresidente, na naging P800,000 mula sa P1 milyon.

Ito na ang huling SALN na naisapubliko dahil wala nang lumabas pang SALN para sa sumunod pang mga taon.

Naging Pangulo si Duterte mula June 30, 2016 hanggang June 30, 2022.

Inamyendahan ng memorandum circular series of 2020 ang memorandum circular 6 series of 2012 na inilabas ni dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales kung saan pinapayagan nito ang publiko na makapagrequest ng SALN ng mga opisyal  ng gobyerno.

Layunin ng SALN

Layunin ng pagpapasa ng SALN ang ipromote ang transparency sa civil service at upang makapagtatag ng hadlang laban sa mga opisyal ng gobyernong nagbabalak magpayaman sa pamamagitan ng ipinagbabawal na paraan.

“The purpose of the SALN is promote transparency in the civil service and to establish a deterrent against government officials bent on enriching themselves through unlawful means,” saad sa isang compilation ng frequently asked questions tungkol sa SALN na inilathala ng Civil Service Commission (CSC).

Base ang pagsusumiteng ito sa Republic Act No. 6713, ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Sa pamamagitan ng pagluluwag sa pagkuha ng SALN ng mga opisyal ng gobyerno, magiging madali para sa media, at watchdog groups na siyasatin kung may kwestyonable ba sa idineklarang yaman ng mga nasa katungkulan.

Sumasang-ayon ang aksyong ito, base sa Konstitusyon at mga batas, sa tungkulin ng Ombudsman na sugpuin ang korapsyon at makatulong sa mga mamamayan.

2004 annual report ng Ombudsman

Base sa annual report ng Ombudsman para sa taong 2004, umabot ang kasong hinawakan nito sa 17,303. Sa bilang na ito, 8,728 ang mga bagong sampang kaso.

Sa kabuuang 17,303, 7556 dito ang ibinasura, 1,211 ang nauwi sa prosekusyon, 468 ang pinagmulta, 5,058 ang dismissed/exonerated, 819 ang closed and terminated at 9,747 ang pending.

Sa  mga “Profile of significant” criminal at administrative cases na naresolba noong 2004, mayroon ditong mga opisyal ng Department of Public Works and Highways, isang major general, Undersecretary, department head, administrator, provincial governor, mayor, vice mayor, city engineer at city accountant, deputy commissioner ng Bureau of Customs, at opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Pagpapatalsik sa serbisyo ang karamihan sa naging parusa, ang iba naman ay forfeiture ng retirement benefits,  diskwalipikasyon na makapasok muli sa tungkulin sa gobyerno, at pagkumpiska sa mga ari-ariang mula sa ilegal na paraan.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -