29 C
Manila
Lunes, Hunyo 15, 2026

Legarda, tagapagtaguyod ng sining at gawang Pilipino sa 2025 National Arts and Crafts Fair

- Advertisement -
- Advertisement -

BILANG patuloy na pagsuporta sa malikhaing kakayahan at pamana ng kulturang Pilipino, muling pangungunahan ni Senadora Loren Legarda ang inaabangang 2025 National Arts and Crafts Fair (NACF) mula Oktubre 23 hanggang 29, 2025.

Gaganapin sa Megatrade Halls 1-3 ng SM Megamall sa Mandaluyong City, tampok sa naturang okasyon ang mahigit 300 kalahok na magpapakita ng kahusayan at kasariwaan ng gawang Pilipino, mula sa katutubong hinabing tela, handmade accessories, hanggang sa mga likhang gamit ang napapanatiling materyales. Kabilang dito ang Abel loom weaving ng Abra, mga burda ng Lumban, masinsing beadwork ng Zamboanga, at makukulay na tradisyon ng paghahabi sa Antique.

Mula nang ilunsad noong 2016 sa pamamagitan ng bisyon at inisyatiba ni Legarda, naging mahalagang plataporma ang NACF para sa mga lokal na artisan, lalo na ang mga Micro, Small, at Medium Enterprises (MSMEs), upang maipakilala ang kanilang likha at mapanatili ang kanilang kabuhayan.

Sa taong ito, muling binibigyang-diin ng NACF ang kahalagahan ng pagpapanatili ng mga tradisyong kultural sa pamamagitan ng pagtatampok sa mga likhang sining ng Schools of Living Traditions (SLTs) at ng mga Gawad sa Manlilikha ng Bayan (GAMABA) awardees, mga huwaran ng tunay na gawang Pilipino. Maaaring masaksihan ng mga bisita ang mga katutubong nakatatanda at mga maestro ng kultura habang nagsasagawa ng live demonstrations at workshops sa buong linggo ng fair.

“Sa gitna ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya, huwag nating kalimutan ang ating mga tradisyon at kayamanang kultural na humubog sa bansang ating tinatamasa ngayon. Ginawa kong misyon ang panatilihin ang ating kolektibong pagkilala at pagdiriwang sa kagandahan ng pamana ng ating mga ninuno,” pahayag ni Legarda.

Dagdag pa ng Senadora, “Ang 2025 National Arts and Crafts Fair ay isang kolektibong panawagan upang itaguyod ang mga nasa laylayan, palakasin ang mga katutubong tradisyon, at isulong ang inklusibong pag-unlad sa pamamagitan ng sining at gawang kamay. Panawagan din ito para sa aktibong pakikilahok ng komunidad upang maisakatuparan ang mga layunin ng inisyatibong ito.”

Ang 2025 NACF ay bunga ng pagtutulungan ng Tanggapan ni Senadora Loren Legarda, ng Department of Trade and Industry (DTI), National Commission for Culture and the Arts (NCCA), at ng Design Center of the Philippines (DCP), isang sama-samang hakbang upang patatagin ang ugnayan ng kultura at komersyo, at bigyang-lakas ang mga artisanong Pilipino ng dangal, layunin, at pagkakataon sa pandaigdigang merkado.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -