“Wala akong sikretong ginagawa sa aking trabaho,” mariing pahayag ni dating Ombudsman Samuel Martires hinggil sa alegasyon ng kasalukuyang Ombudsman Jesus Crispin Remulla na ang desisyon niya sa dismissal order laban kay Sen. Joel Villanueva ay isang “secret decision.”

Sinabi ni Ombudsman Remulla sa isang panayam sa ANC’s Headstart na susulat siya kay Senate President Vicente Sotto III para sa pagpapatupad ng utos pero binawi niya nitong Huwebes, Oktubre 23, 2025.
“To my surprise, when I got to the office, I was confronted with a decision signed by former Ombudsman Martires dated July 2019,” ulat ni Remulla sa mga reporter.
Kuwento ni Martires sa isang panayam sa DZBB, “I don’t know what is secret because […] we have what is called […] the case management system. When the case is released, it enters the system. So it is in the system that I dismissed that, the date was July 2019.”
Dapat imbestigahan
Samantala, nagkomento ang Malakanyang nitong Biyernes, Oktubre 24, 2025 na ang alegasyong “secret decision” ni dating Ombudsman Martires na nagbago ng 2016 dismissal order kay Sen Villanueva ay dapat maibestigahan.
Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro, na kung totoo ito, ay nakababahala dahil maaari nitong masira ang tiwala ng mga tao sa sistema ng hustisya ng bansa.
“If this is proven to be true, it is alarming because the public should not have doubts about our justice system, considering that it is one of the most important institutions tasked to prevent and address issues of corruption in the country,” sabi ni Castro sa isang press conference.
Ombudsman Remulla nasorpresa
Nagulat si Remulla sa nabaliktad na 2016 Ombudsman’s order para ma-dismiss si Sen. Joel Villanueva dahil sa misuse ng 2008 Priority Development Assistance Fund.
Sa isang panayam, sinabi ni Remulla na susulatan niya si Senate President Sotto para hilingin na ipatupad ang dismissal ni Villanueva.
Subalit binawi niya noon ding araw na iyon dahil pagdating niya sa kanyang opisina ay may nagpadala sa kanya ng desisyon na na-dismiss na ang desisyon ni Ombudsman Conchita Carpio Morales para i-dismiss si Villanueva.
“To my surprise, when I got to the office, I was confronted with a decision signed by former Ombudsman Martires dated July 2019,” sabi ni Remulla.
‘Harassment’
Sa kabilang banda, inakusahan ni Sen Villanueva si Ombudsman Remulla ng “harassment,” dahil nilinis na umano ang kanyang pangalan noon pang 2019 nang humiling siya ng reconsideration sa dismissal order.
Nakakuha ang senador nitong Seyembre 10 ng clearance mula sa Sandiganbayan na nagsasabing “no pending criminal and administrative cases with the Office of the Ombudsman.”
Nagbigay si Villanueva sa Senate media ng desisyon ng Field Investigation Office na may petsang July 31, 2019, na bumaliktad sa utos ni Morales at dinismmiss ang kaso laban kay Villanueva.
Nang tanungin kung bakit kumuha siya ng clearance sa Sandiganbayan, ipinaliwanag ni Villanueva na naghahanda siya sa plano niyang magsampa ng mga kaso “against fake news spreaders.” Halaw sa mga ulat ng The Manila Times

