NAKIPAGPULONG si Sen. Raffy Tulfo sa mga kinatawan ng Cambodia upang talakayin ang mga sumbong na nakarating sa kanya ukol sa problema sa human trafficking ng mga Pilipino sa kanilang bansa. Una niyang tinalakay ang isyung ito sa kanyang manifestation sa ongoing Inter-Parliamentary Union (IPU) 151st Assembly.

Kabilang sa mga kinausap ni Sen. Raffy sina Cambodian First Vice President Ouch Borith at Ty Sokun ng National Assembly of Cambodia.
Sa pagpupulong na ginanap sa Geneva, Switzerland kinuha ni Sen. Idol ang pagkakataon para hikayatin ang Cambodia na makipagtulungan sa Pilipinas upang masugpo ang operasyon ng mga sindikatong patuloy na nambibiktima ng mga Pilipino para magtrabaho sa ilang scam hubs sa Cambodia. Ang mga biktima ay naaakit sa mapanlinlang na social media posts na nag-ooffer ng malaking sahod pero pagdating ng ibang bansa ay hindi naman sila nababayaran nang tama at ang iba sa kanila ay natotorture pa.
Dagdag pa ni Sen. Raffy, kasalukuyang iniimbestigahan na ng mga awtoridad sa Pilipinas ang ilang tauhan sa Philippine Immigration na umano’y sangkot o kasabwat ng mga sindikatong nagpapalusot ng mga biktima palabas ng bansa, kaya sinabi niyang makakatulong din kung iimbestigahan ng Cambodia ang kanilang immigration officials para masigurong wala ring kasabwat ang human traffickers doon.
“Human trafficking will not prosper if these syndicates are not getting the help they need from some officials,” saad ni Sen. Raffy
Inamin naman ni First VP Borith na pangunahing problema nila sa kanilang bansa ang human trafficking at kabilang din dito ang iba pang nationalities tulad ng Korean, Chinese, Vietnamese atbp. Madali daw kasing makapasok ang mga dayuhan sa kanilang bansa dahil hindi kailangan ng visa.
Pero paglilinaw niya, sa kanilang paunang imbestigasyon ay napag-alaman nila na ang mga mastermind sa pagta-traffick ng iba’t ibang nasyonalidad sa kanilang bansa ay hindi naman mga Cambodians kundi ibang lahi rin.
Gayunpaman, sinabi ni Borith na handa silang makipagtulungan sa Pilipinas para matuldukan na ang problemang ito at mahuli ang mga sindikato sa likod ng human trafficking.
Hiniling din ni Sen. Raffy na mapabilis ang proseso ng repatriation ng mga Pilipinong nailigtas mula sa mga sindikato, dahil madalas umanong tumatagal ng isang buwan bago makauwi ang mga biktima.
“If you can help us with making repatriation faster because that is the problem we get now. After Filipino workers get rescued, their repatriation takes time. Maybe we can shorten it from 1 month to 2-3 days,” saad niya.
Sa puntong ito ay nagbigay si Borith ng direct phone line ng kanilang Director General na maaaring tawagan daw ng DFA tuwing may Pilipino na nagpapa-rescue upang mas mabilis na maiparating ang impormasyon ito sa kanilang awtoridad at agarang maaksyunan.
Maliban dito, napag-usapan din nila ang talamak na issue sa fake news na parehong kinahaharap ng kanilang mga bansa at kailangan ding aksyunan at masugpo.
Sa huli ay nagpasalamat si Sen. Raffy sa mga kinatawan ng Cambodia para sa kanilang pagiging bukas sa pakikipagtulungan at koordinasyon.



