PATULOY sa pagbibigay ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng tulong legal at serbisyong pampubliko para sa mga manggagawa at employer, na nagpapatibay sa papel nito bilang isang mapagkakatiwalaang tagapamagitan para sa legal na patnubay hinggil sa mga reklamo na may kaugnayan sa paggawa.

Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na tiyakin na madaling makamit ang pantay na hustisya sa mga lugar-paggawa, pinalakas ng DOLE ang Public Assistance and Complaints Unit (PACU) upang makapagbigay ng libre, agaran, at inklusibong suportang legal sa buong bansa.
Sa pamamagitan ng kanilang mga abogado, nagbibigay ang PACU ng libreng tulong legal para sa mga reklamo tulad ng hindi nabayarang sahod at maling pagkakatanggal sa trabaho ayon sa itinatag na legal na pamamaraan.
Nitong Setyembre lamang, tumanggap ang PACU ng 191 walk-in clients—117 lalaki at 74 babae, kasama ang 16 persons with disabilities (PWDs) at 23 senior citizen. Karamihan ay mula sa National Capital Region, habang ang iba ay mula sa Calabarzon, Region III, at mga karatig-lalawigan, na nagpapatunay na naaabot ng programa ang nasa labas ng Metro Manila.
Batay sa datos ng PACU, 132 sa mga inihain na problema ay nauuri bilang simpleng usapin, habang 59 ang nangailangan ng mas malalim na legal evaluation. Ang mga pangunahing isyu na inihain ay kinabibilangan ng money claim at terminasyon sa trabaho (21% bawat isa), management prerogative (14%), at social welfare benefits (11%).
Ang natitirang 29% ay tumugon sa iba pang mga usapin sa paggawa, kabilang ang separation pay, grievances, floating status, minimum wage, temporary layoffs, unauthorized deductions, at mga kasong nakabinbin sa National Labor Relations Commission.
Sa pamamagitan ng PACU, pinagtitibay ng Kagawaran ang kanyang pangako sa misyon nitong palakasin ang makatarungan at pantay na ugnayan sa trabaho upang matiyak na ang bawat manggagawa sa bansa ay may access sa patas, napapanahon, at makataong proteksyon sa paggawa.



