29.2 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Sen Raffy sa Japan: Magbukas ng mas maraming trabaho para sa Pinoy nurses, transport workers

- Advertisement -
- Advertisement -

SA katatapos lang na 151st Assembly of the Inter-Parliamentary Union Assembly (IPU) na dinaluhan ni Sen. Idol Raffy Tulfo sa Geneva, Switzerland, nagkaroon din siya ng pagkakataong makipag-bilateral meeting sa Japanese delegation na pinamunuan ni Fujii Kazuhiro.

Dito ay ipinarating ni Sen. Raffy kay Kazuhiro ang kanyang kasiyahan dahil sa maganda at matatag na pagkakaibigan ng gobyerno ng Japan at Pilipinas.

At bilang Chairman naman ng Senate Committee on Migrant Workers, pinasalamatan din ni Sen. Tulfo si Kazuhiro dahil sa magandang pagtrato ng Japanese employers sa 50,706 OFWs sa Japan.

Nagpasalamat din si Kazuhiro kay Sen. Raffy dahil sa malaking kontribusyon ng Filipino workers sa kanilang bansa lalo pa at sinabi niya na malaki ang younger population ng Pilipinas kumpara sa kanila na mas lamang ang aging population.

Kaya inirekomenda ni Sen. Raffy kay Kazuhiro na magbukas ng mas marami pang employment opportunities para sa Filipino nurses sa Japan na magiging malaking tulong para magbigay kalinga sa mga nakatatanda sa kanilang bansa. Nangako rin si Sen. Raffy na siya mismo ang makikipagtulungan sa Department of Migrant Workers (DMW) para makapag-hire ng Filipino nurses sa Japan.

Sumang-ayon si Kazuhiro kay Sen. Raffy at sinabing nakahanda ang Japanese government na tumanggap ng Filipino nurses at tulungan silang makakalap ng mas makabagong skills sa pangangalaga sa mga pasyente.

Samantala, bilang chairman naman ng Senate Committee on Public Services, binigyang-diin ni Sen. Raffy ang kahalagahan ng critical infrastructure projects ng Japan International Cooperation Agency (JICA) sa Pilipinas na North-South Commuter Railway Project at ang Subway Project para palawigin ang ating public transport system.

Pinuri rin ni Idol ang public mass transit system ng Japan tulad ng kanilang trains, kung saan sinabi ni Kazuhiro na mayroon silang shortage sa manpower dito. Kaya iminungkahi ni Sen. Raffy na maaari silang kumuha ng Filipino transport workers upang makapagtrabaho sa Japan at ito rin ay pwede niyang i-coordinate sa DMW.

Sa huli, nangako ang magkabilang panig sa tuloy-tuloy na pakikipag-ugnayan nila para makapagsagawa ng joint efforts sa hinaharap ukol sa public transport systems na magiging kapaki-pakinabang sa dalawang bansa.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -