28.5 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Himagsik ni Bonifacio, sa bagsik nga ba nag-ugat?

WIKA NGA

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG Nobyembre 30, ginunita ng mga Pilipino ang ika-162 kaarawan ng bayaning si Andres Bonifacio sa pamamagitan ng mga kilos protesta sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas at maging sa ibang mga bansa. May Baha sa Luneta 2.0 at Trillion Peso March sa EDSA na nilahukan ng maraming taong mula sa iba’t ibang sektor: estudyante, propesyonal, taong simbahan, manggagawa, atbp. Si Bonifacio at ang Katipunan ang nagpasimula ng himagsikan na nagpatalsik sa mga Kastila at nagbunga ng paglaya ng ating bansa sa kamay ng mga mananakop na ito.

HIMAGSIKAN ang salitang iniuugnay kay Bonifacio pero hindi ito narinig minsan man sa alin man sa mga kilos ng paggunita sa Araw ni Bonifacio. Karahasan kasi ang ipinahihiwatig ng salitang iyan. Karahasan din naman ang mensahe ng ngayo’y mas gamiting hiram na salitang REBOLUSYON. Pero linawin natin, walang karahasan sa alin man sa mga pagkilos noong Nobyembre 30, kundi pagpapanagot sa lahat ng sangkot, sa paraang naaayon sa Konstitusyon.

Ang HIMAGSIK ni Bonifacio ay paglaban ng mga mamamayang hindi na makatiis sa kalupitan at pagmamalabis ng mga dayuhang Kastila. Ibig na nilang palayasin ang mga mananakop at palayain ang mga kababayan.

Saan ba nag-ugat ang salitang “himagsik”?

BAGSIK ang salitang ugat at HING- — -AN ang mga panlaping bumubuo sa salitang ito. Nabuo ito sa ganito: Hing-+bagsik+-an = hingbagsikan. Ang NG sa hing- ay naging M at nakaltas ang B. Kaya nabuo ang HIMAGSIKAN. Ang BAGSIK ay may kahulugang pagiging malupit o mabalasik. Kaya pwedeng sama-samang kalupitan o gantihang kalupitan ang ibig sabihin ng himagsikan.


Mga patay na panlapi

Hindi nabanggit ni Lope K. Santos (LKS) sa kanyang Balarila ng Wikang Pambansa ang HING- bilang unlapi, maging malabuhay man o patay. Nabanggit na natin sa nakaraang kolum ang tatlong uri ng panlapi ayon kay LKS: buhay, malabuhay, at patay. Para maging simple na lang ang talakayan, huwag na nating isama sa usapan ang “malabuhay” na panlapi sapagkat hindi naman malinaw ang ibinigay na depinisyon ni LKS. Ang buhay na panlapi ay iyong karaniwang mga panlapi na naikakabit sa iba’t ibang salitang ugat. Samantala, ang mga patay na panlapi naman ay iyong hindi na produktibo, hindi na ginagamit sa alinmang salita maliban sa mga dati na nitong nilalapian.

Isa sa mga patay na panlapi ay HING-. Matatagpuan ito sa mga sumusunod:

HIMAKAS (hing-+bakas) – huling paalam. Isa sa mga salin sa Tagalog ng huling tula ni Jose Rizal ay pinamagatang “Pahimakas.”

- Advertisement -

HIMALA (hing-+pala) – pangyayaring kataka-taka at hindi karaniwan

HIMATAY (hing-+patay) – pagkawala ng malay-tao

HIMALAY  (hing-+palay) – pamumulot ng palay na naiwan ng mga nag-aani; nangangahulugan ding paghiwalay ng mga butil ng palay na naiwan sa bigas bago isaing

HIMAGAL (hing-+pagal) – 1. (mabagal ang bigkas) – bahagyang pagod. 2. (mabilis ang bigkas) – bayad sa paggawa

HINLALAKI (hing-+laki), HINLALATO at HINLILIIT (hing-+liit) – tawag sa pinakamalaking daliri, sa gitna at sa pinakamaliit na daliri sa kamay at paa

HIMULMOL (hing-+bulbol) –  pag-aalis ng balahibo ng manok at iba pang mga kauri

- Advertisement -

HIMUTI (hing-+puti) – pagpitas ng mga bungang natitira pa sa mga punong napitasan na

HINIKSIK (hing-+siksik) – pakapang pag-aalis ng lisa sa buhok

HINGUTO (hing-+kuto) – pag-aalis ng kuto sa buhok

Hindi na halos ginagamit ang mga salitang ito. Halimbawa, ang HINIKSIK ay hindi na alam ng mga kabataan ngayon dahil tila nalipol na ang mga kuto, na noong araw ay namamahay sa mga ulo ng mga bata (lalo na iyong hindi mahilig maigo) at pati na sa kanilang mga ina na katabi nilang natutulog. Madali kasing nakakalipat ang mga kuto sa iba’t ibang ulo. May mga larawan pa noon ng mga babaeng “naghihingutuhan” habang naghuhuntahan sa tabing hagdan, larawan ng uri ng buhay rural noon.

Nagtala si LKS ng mga panlaping patay na ayon sa kanya ay makikita sa mga sumusunod: ALAbuwak, ALIpala, ALIMbukay, ALUMpihit, BALAhibo, BALIbago, KALUMbibit, DALAMhati, HALIparot, HALUbilo, SALAgubang, SALImuot, TALIpandas, TALUMpati. Dapat pang suriing mabuti ang mga salitang ito dahil sa aking palagay na isa-isang pantig, hiwa-hiwalay na pantig, ang paraan ng pagsusuri sa mga panlapi, at hindi sama-sama o kombinasyon.

Kaya hindi ako sang-ayon sa sinabi ni LKS na ayon sa bilang ng pantig ay may mga panlaping iisahin, dadalawahin, tatatluhin, aapatin. Bihira raw ang lilimahin, aanimin, at pipituhin, na mga kombinasyon ng mga panlapi.

Isa sa mga panlaping inilista ni LKS na “malabuhay” ay ang TI. Sa tingin ko, ang TI ay kabilang sa mga patay na panlapi. Matatagpuan ito sa mga salitang MAGPATIWAKAL, MAGPATIHULOG, MAGPATIRAPA. Mga aksyon ito na ang nagsasagawa ng kilos ay siya ring tagatanggap. Ibig sabihin, ang nagpatiwakal ay pinatay ang sarili, ang nagpatihulog ay inihulog ang sarili, ang nagpatirapa ay idinapa ang sarili. Mga kilos na pasarili.

Iba pang mga patay na panlapi

Gitlaping -AL-:

PALAKPAK (pakpak +-AL-) – tunog na nalilikha kapag pinagsaklob ang dalawang kamay, parang pakpak ng ibon kapag lumilipad

HALUKAY (hukay + -AL-) – mas pinalalim na paghuhukay

Gitlaping -A-:

Alam mo ba na  ang salitang RAGASA ay mula sa DAGSA, pero mayroon na itong gitlaping -A-: dagsa + -A- = ragasa. Pareho halos ng kahulugan ang dalawang salita pero mas maigting ang pagiging bigla at mabilis ng kilos, tulad ng pagragasa ng baha mula sa kabundukan sa Cebu.

Ano ang kaugnayan ng BAGABAG sa BAGBAG? Kapag bagbag, may natitibag na lupa; bagabag, may natitibag ding damdamin dahil sa problema. May dagdag na gitlaping -A- na nagdagdag ng kahulugan sa salitang ugat.

Mayroon ding mga salitang ugat na hindi na natin matukoy sa ngayon dahil hindi na ginagamit nang nag-iisa at ang naging anyo na lamang ay iyong kilala na natin na may panlapi na. Ang halimbawa nito ay KASALUKUYAN (ka-+sa-+lokoy-+-an). Ang LOKOY ay tumutukoy sa pangyayaring nagaganap sa ngayon pero walang ibang salitang ginamitan ng ugat na LOKOY. Isa ito sa mga salitang nakatala sa Vocabulario de la lengua tagala nina Noceda at Sanlucar.

Marami pang ibang mga patay na panlapi at mga salitang nabuo sa pamamagitan ng mga ito. Nakatutuwang tuklasin kung paanong nabuo ang mga salitang ginagamit natin sa ngayon. At malay natin, baka dumating ang panahon, gaya ng sinabi ni LKS, na ang mga panlaping itinuturing na patay ngayon, ay magamit pang muli sa pagbubuo ng mga bagong salita.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -