27.9 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Sakay ng laksang ingay 2026 dumatal

- Advertisement -
- Advertisement -

Ni Ruth Elynia S. Mabanglo

Naririnig pa
Ang iba’t ibang usal,
Pangarap at pag-asang
Inilutang sa alangaang,
Paglingap na Inihain
At iniwan.
May puwang ba
Ang pag-ibig
Sa sandaling iyon?
Abala ang kamay
Sa palakpak,
Tigib ang isip
Sa paglikha ng daan
Upang makaigpaw
Sa taong lilisan.
Salamat sa Maykapal
Nakapagsaya tayo
Kahit paano.
Salamat sa lakas
Na inilakip ng Diyos
Upang makalutang
Ang tuwa.
Tinulugan ko
Ang ingay
Upang maisubi
Nalalabing alaalang nais
Bulayin sa kasagsagan
Ng pagmamadali.
Nakalaot naman
Ang alaala,
Nakapagtampisaw naman ang utak,
At ngayo’y luno pa
Sa antok.
Magmumulat akong muli
Upang lumangoy
Sa katuparan ng mithi,
At aalayan ko
Ng kamanyang
Ang bagong taon.

Tumanggap ng  Gawad Dangal ng Lahi award ng Palanca Foundation, si Dr. Ruth Elynia Mabanglo, ay 20-beses na  Palanca winner at isa mga manunulat na iniangat sa Palanca Hall of Fame noong 1995. Isang dating propesor sa University of Hawaii, tumulong siya upang magkaroon ng Bachelor’s degree program sa Filipino sa naturang unibersidad.

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -