32.9 C
Manila
Huwebes, Hunyo 18, 2026

Gatchalian: Dapat tanggalin ang system operation function ng NGCP mula sa prangkisa nito

- Advertisement -
- Advertisement -

NAIS ni Senador Win Gatchalian na tanggalin ang system operation function ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) mula sa prangkisa nito, sa paniniwalang ang pamahalaan ang dapat mamahala sa system operations ng pangunahing grid sa bansa para sa kapakanan ng pambansang seguridad.

Naghain si Gatchalian ng Senate Bill 2943 na, kung maisabatas, ay mag-aamyenda sa Republic Act 9511 na nagbigay ng prangkisa sa NGCP upang magpatakbo ng electricity transmission. “Ang paghihiwalay ng system operation function ng NGCP sa prangkisa nito at pagbibigay ng tungkuling ito sa gobyerno ay magpapalakas sa pambansang seguridad ng kritikal na imprastrakturang ito,” sabi ni Gatchalian.

Binigyang diin niya ang mga pangamba sa pambansang seguridad kaugnay ng kontrol ng NGCP sa system operation ng pangunahing grid kasunod ng mga ulat na may access ang mga Chinese engineer sa mga pangunahin o mahahalagang bahagi ng sistema at maaaring patayin ang suplay ng kuryente sa utos ng Beijing.”

Ang State Grid Corporation ng China ay may 40% na pagmamay-ari sa NGCP. Bilang vice-chair ng Senate Committee on Energy, ipinaliwanag ni Gatchalian na ang pagtanggal sa system operation function ng NGCP ay magpapahintulot sa kumpanya na pagtuunan ng pansin ang pagkompleto ng mga proyekto nito sa transmission network na matagal nang naaantala. Dagdag pa niya, sa kabila ng mga pagkaantala ng mga transmission projects ng NGCP, ang mga gastos sa naturang mga imprastraktura ay ipinapasa na sa mga konsyumer sa pamamagitan ng mas mataas na buwanang singil sa kuryente, na lalong nagpapabigat sa pasaning pinansyal ng mga Pilipino.

Binanggit din ng senador na pinuna na ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang NGCP dahil sa hindi pagsunod sa isang kautusan ng Department of Energy (DOE) na makipagkontrata ng mga ancillary services, mga serbisyong kinakailangan upang matiyak ang tuloy-tuloy na paghahatid ng kuryente mula sa mga planta patungo sa end-user. Sa ilalim ng panukalang batas, ang pagtatayo ng mga transmission facilities na hindi bahagi ng Transmission Development Plan (TDP) ay maaaring ipagkatiwala sa isang third-party contractor, sabi ng senador. Gayunpaman, ang pasilidad na itinayo ay kailangang ipasa sa NGCP para sa pamamahala, pagpapahusay, pagpapalawak, pagpapanatili, rehabilitasyon, pagkukumpuni, at pagsasaayos.

Sa ganitong paraan, matututukan na ng NGCP ang pagpapatayo ng transmission facilities na alinsunod sa TDP, aniya. Nauna nang sinabi ng DOE na sinusuportahan nito ang pagtanggal ng system operation function ng NGCP dahil sa paulit-ulit na kabiguan ng kumpanya na tugunan ang mga brownout na madalas na nangyayari sa ibang bahagi ng bansa.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -