32.3 C
Manila
Miyerkules, Hunyo 17, 2026

PBBM, nag-veto ng P92.5B na Unprogrammed Appropriations sa pambansang badyet ngayong 2026; transparency sa paglalabas ng pondo, tiniyak

- Advertisement -
- Advertisement -

INANUNSYO ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes ang kanyang desisyon na i-veto ang ilang bahagi ng panukalang Unprogrammed Appropriations (UA) na umaabot sa halos P92.5 bilyon sa 2026 national budget na inaprubahan ng Kongreso.

Sa paglagda sa 2026 General Appropriations Act (GAA) na nagkakahalaga ng P6.793 trilyon, binigyang-diin ni Pangulong Marcos na ang UA ay dapat gamitin lamang nang may malinaw na itinakdang mga kondisyon, at may mga pananggalang upang maiwasan ang maling paggamit.

“To ensure that public funds are expended in clear service of national interests, I vetoed several items of appropriations with their purposes and corresponding Special Provisions under the UA, totaling almost P92.5 billion,” sinabi ng Pangulo.

(“Upang matiyak na ang pondo ng bayan ay nagagastos nang malinaw para sa pambansang interes, na-veto ko ang ilang item ng mga alokasyon, kasama ang kanilang mga layunin at kaukulang Special Provisions sa ilalim ng UA, na umaabot sa halos P92.5 bilyon.”)

Habang kinilala ng Pangulo ang suporta ng Kongreso sa paglilimita ng UA sa mga mahahalagang pangangailangan, sinabi niyang lalo pa niya itong binawasan hanggang sa pinakamababang antas—ang pinakamababa mula noong 2019.

“Let me be clear: the Unprogrammed Appropriations are not blank checks. We will not allow the Unprogrammed Appropriations to be misused or treated as a backdoor for discretionary spending,” diin ng Pangulo.

(“Malinaw kong sinasabi: ang Unprogrammed Appropriations ay hindi mga tsekeng blangko. Hindi natin pahihintulutan na magamit nang mali ang UA o ituring itong daan sa discretionary spending.”)

Sinabi pa ng Punong Ehekutibo na ang paggamit ng UA ay may mga pananggalang at maaari lamang itong magamit kapag natugunan ang malinaw na itinakdang mga trigger, at ilalabas lamang matapos ang masusing beripikasyon.

Ayon sa Pangulo, ipatutupad ang mga pananggalang na ito nang walang eksepsiyon upang paglingkuran ang kapakanan ng publiko at isulong ang mga layunin ng pambansang kaunlaran.

“We will make releases charged from the UA transparent, providing the necessary details on the funding source and the corresponding purpose,” sinabi din ng Pangulo.

(“Gagawin naming malinaw at bukas sa publiko ang mga paglalabas ng pondo na sisingilin sa UA, at magbibigay ng kinakailangang detalye hinggil sa pinagmumulan ng pondo at sa kaukulang layunin.”)

Inatasan ni Pangulong Marcos ang lahat ng kinauukulang ahensiya at kagawaran ng pambansang pamahalaan na magsagawa ng maingat na pamamahalang piskal upang matiyak ang tuloy-tuloy at de-kalidad na serbisyong publiko.

“Sa ating mga kababayan, dama po namin ang inyong agam-agam at pangamba sa nakaraang budget. Kaisa ninyo ako sa pagnanais na masigurong ang bawat pisong buwis ay mapupunta sa tamang proyekto at sa tunay na pangangailangan ng ating taumbayan.,” diin ng Pangulo.

“Naririnig namin po kayo,” dagdag pa ng Pangulo. | PND

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -