Ikalawang Bahagi
MALAKING hamon sa katinuan ng mga seryosong manunuri ng pulitika sa Pilipinas ang ang paglala ng kontrobersya tungkol sa flood control projects ng DPWH.
Sa nakaraan nating pagtalakay, lumitaw na ang pagsabog ng kontrobersya ay nagpanimula sa paglalantad na ginawa ni Presidente Marcos tungkol dito sa kanyang huling SONA.
Sa madaling salita, kung hindi pinasimulan ng Pangulo, hindi mabubulgar ang anomalya at hindi hahantong sa naging ultimong bunga ngayon na siya na ang totoong nadidikdik.
Bilang pangulo, si Bongbong ang nasa kalagayan upang sugpuin ang katiwalian sa pamahalaan. Ang katiwalian ay hindi lamang hindi nasugpo kundi lumala pa. Patunay lamang ito na mahina talaga ang kanyang pamamahala.
Ganyan ang tinatakbo ng popular na lohika sa ngayon. At ito lamang ang maaari nating pangahasang talakayin. Kung totoo ang mga bintang sa kung sinu-sino ay mangangailangan ng napakahabang mga proseso ng imbestigasyon at paglilitis na ang katapusan ay mahirap itakda kung kailan pa magaganap.
Sa ngayon pa lang ay napupulaan na si Bongbong dahil sa pagkabigo ng pangako na ang mga salarin sa flood control projects ay hindi magkakaroon ng “Merry Christmas” dahil sila ay mapaparusahan na nagkasala at makukulong.
Oo nga’t may naipakulong na, subalit ni isa ay wala pang napatunayang nagkasala, at samakatwid, depende sa “wastong hilot,” ay sa wakas makalalaya pa rin.
Ilan na ang nangakakulong sa mahabang panahon subalit napalaya rin. Hindi lang “kung sinu-sino lang” kundi malalaking tao pa. Sa bisa ng tusong pagmaniobra sa legalidad, ang kasinungalingan ay napagiging totoo.
Ang maysala ay napawawalang-sala.
Ang kriminal ay nagiging inosente.
At kapag sinuwerte, nagiging senador pa, kung hindi man presidente.
Tanggapin natin ang malungkot na katotohanan na ang batas ay kabilanin ang talim. Depende sa hilot ng abogado, ang hustisya ay namamaniobra nang ayon sa lakas ng nagmamaniobra.
Pansinin na animo’y tugon sa pagkabuo ng ICI, agad na nag-utos ang Korte Suprema ng pagbuo naman ng mga espesyal na Regional Trial Court upang lumitis sa mga kasong ipalalabas ng ICI. Sa ginawang ito ng Korte Suprema, ipinakikita lamang na ang sakit sa korapsyon ay hindi lamang sa mga sangay na Ehekutibo at Lehislatibo ng pamahalaan totoo kundi sa Hudikatura rin.
Para sa kaalaman ng lahat, sa labinlimang huwes ng Korte Suprema, labintatlo ay pawang mga appointee ni dating Presidente Rodrigo Roa Duterte.
At dahil kalakhan sa mga sub-standard at ghost flood control projects ay nangyari sa panahon ng Duterte administration, maaga pa sa lumilitaw na sinserong pagsisikap ni Bongbong na lutasin ang korapsyon, naroroon na kaagad ang kahuli-hulihang dulugan ng hustisya – ang Korte Suprema – upang sa anu’t-anuman ay ihulma ang hustisya sa minaniobrang dapat na kalagyan.
Sa isang panayam sa media, ipinahayag ni VP Sara na sa huling dalaw niya kay Digong sa piitan sa The Hague, pinag-usapan nilang mag-ama ang tungkol sa flood control projects.
Napakainteresanteng bagay nito. Sa dami ng mga alalahanin ng dating presidente sa kanyang kaso sa ICC, nagawa pang pukosan ang flood control projects na dapat ay problema na lamang ni Bongbong.
Alin-alin nga ba sa mga proyektong iyun ang dapat ipag-alala nilang mag-ama?
Pag-alala tungkol sa anong bagay? Sino ang kontratista? Magkano? Ilang pordiyento? Kung anu-ano pa.
Dalawa lang ang mag-ama sa isolation room ng dating pangulo. Wala nang lihiman pa.
Kapuna-puna na pagkaraan ng pagniniig ng mag-ama, sumulpot naman ang balita tungkol sa utos ng Korte Suprema na magbuo ng mga espesyal na Regional Trial Court na lilitis sa mga kasong irerekomenda ng ICI.
Sa isang lipunan na pinangingibabawan ng birtud ng utang na loob, kaunaunawa ang ganung penomenon.
Kanino pa ba tatanaw ng utang na loob ang labintatlong huwes ng Korte Suprema na mga appointee ni Duterte?
Alangan naman na kay Bongbong.
Kaya maaga pa sa pagkabuo ng ICI, may utos na ang kataas-taasang hukuman na sasala sa anumang desisyon nitong labag sa kalooban ng Dakilang Ninong.
Ang dakilang birtud ng Pilipino na utang na loob ay napaging-kalunos-lunos na trahedya ng lahi.
Kulang na lang na aminin ang ganitong pagtingin ng mga komisyunado ng ICI na nangagsipag-resign.
Ano nga naman ang saysay ng gawaing imbestigasyon na sa kadulu-duluhan ay mababalewala rin?
Sa atin na bagama’t tapat sa hangarin na lutasin ang tunay na sakit ng lipunan, tumatambad lamang ang malungkot na larawan ng hindi lang Ehekutibo, ni Lehislatibo lamang, kundi maging ng ultimong Hudikatura na naihuhulma ayon sa kagustuhan ng mga pinagkakautangan ng loob.
Ano ang nangyari sa impeachment ni Sara?
Ibinasura ng Korte Suprema sa hatol na “unconstitutional.”
Ang kabuuang sistema ng lipunang Pilipino ang bulok.
Napakabulok, na kung kaya gaano man pilitin ng sino mang tapat na Pangulo na gamutin, ay hindi na kakayanin pa.
Ano ang dapat gawin?
Sa aming balana na salat sa lakas, ang tanging maaaring magawa ay tukuyin ang mga di-mababaling katotohanan ng mga nagaganap at umasa na sa pag-uugnay ng mga katotohanang ito ay lumitaw kung ano ang dapat gawin.
Napatunayan na sa ilalim ng umiiral na sistema, bigo ang sinumang presidente na sugpuin ang mga katiwalian.
Ganun pa man, kinakitaan si Bongbong ng tapat na hangaring sugpuin ang mga katiwalian, at patibay nito ang panatang ipinahayag sa nakaraang SONA na babakahin ito, patunay pa rin ang mga isinagawang kongkretong hakbang tulad ng pagbuo ng ICI, pagtanggal sa puwesto ng mga opisyal na sangkot sa katiwalian at tuloy-tuloy na pag-uusig sa mga taong nahanapan ng ebidensya upang ipagsakdal.
Dangan nga lamang at bulok nga ang sistema at kalakhan sa mga halal ng bayan ay kanya-kanya sa pag-intindi lamang ng mga pansarling interes.
Kaya sa pambansang badyet, ang mga kongresista’t mga senador ay kanya-kanya sa pagsingit ng mga maanomalyang insertion.
Sa kaso ni Sara, bukod sa mga paratang na pagkurakot sa confidential funds, kapit-tuko sa pagkahumaling na patalsikin si Bongbong.
Ang nagpapatuloy na panawagang mag-resign si Bongbong ay agad na halatang tusong hakbang ni Sara na sagpangin ang isyung kontra-korapsyon at ihambalos ito Kay Bongbong. Lumilitaw na marami ang kanyang nauulol, palibhasa marami pa rin ang kung tawagin sa English ay Rent-a-Crowd.
Subalit kwidaw. Sabi nga ni Mao Zedong, ang mga mamamayan, hindi ang mga bagay, ang magpapasya.
Napakababaw mag-isip ni Sara kung aakalain niyang kayang linlangin ang sambayanang Pilipino ng kanyang mga pakitang-tao.
Maliwanag naman na oras na mag-resign si Bongbong, si Sara ang uupo bilang Pangulo.
Para kanino ang panawagang mag-resign si Bongbong?
Para Kay Sara.
Sa wakas, idinating na tayo sa pinakatema ng usapan.
Kung ang pagbagsak ng trust rating ni Bongbong sa survey ng SWS ay nakapuntirya sa pagpapaigting ng panawagang “Marcos Resign”, ultimong ang survey ay ginawa upang isulong ang sagad-sa-butong paghahangad ni Sara na halinhan si Bongbong sa pwesto now na.
Ngayon, ulitin natin ang paglilinaw na ating ginawa sa unang bahagi ng pagtalakay na ito: na ang nagkomisyon sa survey ng SWS ay Stratbase, ang galamay pampropaganda ng ADRI (Albert del Rosario Strategic Studies Institute), marubdob na tagasulong ng interes sa pulitika, kabuhayan at seguridad ng Estados Unidos sa Pilipinas.
Sa panuntunang ito, ang pagbagsak ng trust rating ni Bongbong ay kagagawan ng Amerika.
Kung ganun, sino kina Bongbong at Sara ang bata ng Amerika?
May karugtong
- Advertisement -

