NAPABALITA kamakailan na ilulunsad ng pamahalaan ang Public-Private Partnership for School Infrastructure Project ( PSIP). Ito ay isang mekanismo upang tugunan ang kakulangan sa mga classroom at mapahusay ang kalidad ng pasilidad sa mga pampublikong paaralan.
Batay sa plano, ang pribadong sektor ang magpopondo, magpaplano, magpapatayo at magpapanatili ng mga pasilidad sa mga pampublikong paaralan upang tugunan ang kakulangan ng mga silid aralan, mapahusay Ang suplay ng elektrisidad, tubig, internet at iba pang imprastruktura tungo sa paglalatag ng isang kapaligirang kaayaaya sa pagkatuto ng mga mag-aaral.
Kapalit ng kanilang puhunan, ang mga pribadong kompanya ay babayaran bata sa nagawa nila sa mga paaralan. Bilang dagdag na kita ang mga pribadong kompanya ay babayaran din sa pagpapatakbo, paglilinis, pananatili at sa pamamahala ng iba pang aspekto ng pagpapatakbo ng mga paaralan.
Sa kabilang dako, ang pagpapatakbo ng PSIP ay may dalang benepisyo sa pamahalaan. Ang DepEd ay hindi na mangangailangan ng napakalaking budget sa pagtatayo ng mga kulang na imprastruktura. Kukuha na lamang Ito mula sa kanilang budget para sa Maintenance and Other Operating Expense (MOOE) upang bayaran taun-taon ang mga pribadong kompanya na nagpondo, nagpatayo, pagpapatakbo at nagpapanatili sa mga imprastruktura ng mga pampublikong paaralan.
Kung ihahambing ang balik sa mga pribadong kompanya sa ilalim ng PSIP sa balik ng ibang Public-Private Partnership (PPP) makikitang mas maliit lamang ito. Halimbawa, kasama sa balik ng San Miguel Corporation (SMC) na may PPP sa pamahalaan sa pagpopondo, pagpaplano, pagpapatayo at pagpapatakbo ng Skyway ay ang pagsingil sa toll sa mga sasakyang gumagamit ng Skyway sa loob ng 30 taon. Kahit may porsiyento ding nakukuha ang pamahalaan sa pagsingil ng toll malaki pa rin ang nakukuha ng San Miguel Corporation. Kahit nagbayad ang SMC ng napakalaking paunang kabayaran at ililipat ang pag-aaari at pagpapatakbo ng Skyway sa pamahalaan matapos ang 30 taon malaki pa rin ang balik ng bilyon-bilyong pisong ginastos ng SMC dahil maliit lamang ang kanilang panganibbunga ng lumalaking populasyon at tumataas na kita ng mga mamamayan na gagamit sa Skyway sa hinaharap.
Ang pamantayan sa pagsusukat ng balik sa ganitong mekanismo ng pangangapital sa mga proyekto sa ilalim ng PPP ay ang porsiyento ng balikat hindi ang absolutong balik. Malaki ang tinatamasa ng SMC sa kanilang PPP sa pamahalaan dahil napakalaki rin ng ibinuhos nilang pondo upang Ito ay maisagawa. Samantala, maliit lamang absolutong balik sa ilalim ng PSIP dahil milyong piso lamang ang kailangan sa pagpapatayo ng iba’t ibang imprastruktura ng mga paaralan. Baka kung paghahambingin ang kani-kanilang porsiyento ng balik baka halos magkapareho lamang anng mga ito.
Isa sa mga isyung haharapin ng pagpapatakbo ng PSIP ay kung anong estruktura ng bilihan ang paiiralin. Isang korporasyon lamang ba ang bibigyan ng kontrata upang magpatakbo ng PSIP sa buong bansa o ibibigay ito sa maraming maliliit na kompanya? May mga benepisyo at sakripisyo sa bawat alternatibo.
Kung isang kompanya lamang ang magpapatakbo ng PSIP ito ay mauuwi sa pagbuo ng monopolyo. Dahil isang monopolyo ang kompanyang naitatakda nito ang presyo sa mataas na antas. Ang sisingilin ng kompanya sa gastos sa pagpapatakbo at pananatili ng pasilidad ay maggiging magkakapareho mula sa mga lugar na mataas ang antas ng kaunlaran hanggang sa mga lugar na mababa ang antas ng kaunlaran.
Samantala, dahil napakalawak ng sinasakupan ng nag-iisang korporasyon, matatamasa nito ang economies of scale o katipiran bunga ng lawak ng operasyon. Dahil sa mga katipirang ito, ang mga liblib na lugar na kelang sa mga classroom ay natutugunan ang kanilang pangangailangan dahil isang estruktura lamang ng pagpapatakbo ang ginagamit ng nag-iisang kompanya. Maaari itong gumawa ng mga alternatibong pamamaraan ng pagsusuplay ng elektrisidad, tubig at internet na magagamit sa mga magkakalapit na mga paaralan.
Sa kabilang banda, dahil sila ang nagpapatakbo ng mga facilitad sa mga pampublikong paaralan maaari nilang gamitin ang kapangyarihang ito upang magambala ang patuloy na paglalaan ng mga serbisyo sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa. Makukuha rin nila ang malaking bahagi ng MOOE ng DepEd na umabot na sa halos P50 bilyon noong 2025.Baka humingi sila ng mas mataas na kabayaran at kung hindi papayagan maaari nilang ihinto ang pagbibigay ng serbisyo. Dahil dito ang buong sistema ng pampublikong edukasyon ay manganganib.
Kung ang pagpapatakbo ay ibibigay sa maliliit na kompanya, ang problemang monopolyo at control ay maiiwasan ngunit ang mga lugar na higit nanangangailangan ng mga silid–aralan at iba pang imprastruktura ay maaaring di mapaglingkuran dahil malaking kapital ang ilalaan nila upang mabigyan ito ng sapat na elektrisidad, tubig at koneksyon sa internet. Ang mataas na gastos ng mga maliliit na kompanya ay dahil hindi sila nakararanas ng mga katipiran bunga ng lawak ng operasyon.
Samakatuwid, ang optimal na pamamaraan ay ibigay ang pagpapapatakbo ng PSIP sa isang kompanya sa isang piling lugar at hindi sa buong bansa upang maiwasan ang panganib ng monopolyo at matamasa ang mga katipiran sa malawak na operasyon.

