28.4 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

PBBM: Antique Airport modernisado na; turismo at ekonomiya mas lalakas

- Advertisement -
- Advertisement -

INAASAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang pagkumpleto at inagurasyon ng Antique Airport Development Project ang magpapalakas sa turismo, magpapaginhawa sa mga pasahero, at magpapasigla ng aktibidad pang-ekonomiya sa rehiyon.

Sa kanyang talumpati sa inagurasyon ng bagong Passenger Terminal Building, Administrative Building, at iba pang pasilidad ng Antique Airport, binigyang-diin ng Pangulo na bahagi ito ng pagsisikap ng pamahalaan na masigurong magiging mabilis at maginhawa ang biyahe sa Antique.

“Upang maisulong ang pangarap na ito, isinagawa natin ang Antique Airport Development Project na magpapabilis sa pagtungo sa Antique at iba pang mga lugar sa Western Visayas,” pahayag ng Pangulo.

“Patunay ito ng ating pagsisikap na makapaghatid ng serbisyong abot-kamay: malinaw, praktikal, at kapaki-pakinabang para sa ating mga kababayan,” dagdag pa niya.

Ayon sa Pangulo, isinagawa ang Antique Airport Development Project upang magpapabilis ang pagbiyahe sa Antique at sa iba pang mga lugar sa Western Visayas.

Inihayag ng Pangulo na sa pagbubukas ng bagong Passenger Terminal Building, pinalawak ang kapasidad mula 64 pasahero tungo sa 360, sinabi pa ng Pangulo na dahil dito, magkakaroon ng mas maayos na serbisyo sa paliparan, kabilang ang organisadong check-in procedures at mas pagiging kumportable ng mga biyahero.

Bukod diyan, ginawa ring modernisado ang Administrative Building, bagong airport apron at taxiway, at ang konstruksyon ng air traffic control tower na inaasahang magbibigay ng mas mahusay na serbisyo sa publiko.

Naitayo rin ang bagong fire station, power house, at pump house upang matiyak ang kaligtasan sa paliparan.

Ipinatupad ng Department of Transportation (DOTr) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang Antique Airport Development Project na layong makapag-accommodate ng mga jet aircraft, kaya’t mas mapapalakas ang accessibility ng probinsya at ang papel nito bilang gateway ng Western Visayas.

Matatagpuan ang Antique Airport sa San Jose de Buenavista, Antique. | PND

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -