26.8 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Political Economy of Health

PAGBUBUO(D)

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG pampolitikang ekonomiya ng kalusugan ay isang kritikal na dulog sa pagsusuri ng epekto ng umiiral na sistemang pampolitika at pang-ekonomiya ng bansa sa sistemang pangkalusugan sa pangkalahatan at kalusugan ng mga mamamayan nito sa partikular. Bilang makro na pananaw, binibigyang kahulugan nito na ang mabuting kalusugan at/o malubhang pagkakasakit ay hindi lamang personal na pagkukulang o usapin (personal failure or individual issue) kundi mas komplikado at mapanghamong istruktural na pagkabigo o problema (structural failure o systemic problem).  Ang sumusunod ay ilang tala ng batayang kaalaman at usapin ukol sa pampolitikang ekonomiya ng kalusugan sa konteksto ng isang lipunang batbat ng hamon at kontradiksyon.

·      Ang pampolitikang ekonomiya ay tumutukoy sa ugnayan ng politika at ekonomiya at kung paano ito nakakaapekto sa iba’t ibang larangan ng buhay kabilang na ang kalusugan. Maaari rin itong tumukoy sa ugnayan ng materyal na kondisyon (o ekonomiya) sa iba pang mga salik ng pag-iral kagaya ng politika, pilosopiya, sikolohiya, batas, kultura at wika.

·      Sentral sa pampolitikang ekonomiya ng kalusugan ang usapin ng kapangyarihan
(o power). Mapagpasya ito kung anong isyu o usaping pangkalusugan ang mabibigyang prayoridad o hindi. Bilang pagpapalawig, maaari ring sumangguni sa artikulong ito:    Health Policy and Politics 101 – Pinoy Peryodiko.

·      Ang hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan ay kadalasang sinasalamin din ng pagkakaiba-iba sa antas ng kalusugan ng mga mamamayan. Halimbawa, higit na nagtatamasa ng curative, preventive, rehabilitative, integrative at/o palliative care ang mga mas mataas ang estado sa lipunan (o uring panlipunan/socio-economic class) dahil sa kanilang akses sa mga kaalaman, rekurso, produkto at serbisyong pangkalusugan.

·      Laganap ang health inequity sa maraming atrasadong bansa. Tumutukoy ang health inequity sa hindi makatarungan at di-pantay na health status at health outcomes ng mga mamamayan.  Bukod sa uring panlipunan, maaari ring nakabatay ang malaking agwat na ito sa rehiyon, kasarian, edad, kapansanan, etnisidad o kombinasyon ng mga nabanggit. Ito ay alinsunod sa paniniwalang multifactorial ang kalusugan at pagkakasakit.


·      Sa mas kongkretong paglalarawan, ang health inequity ay makikita sa hindi makatarungan at di-pantay na akses at pagtatamasa sa malinis na tubig, regular na suplay ng gamot, libreng bakuna, ligtas na espasyo, maasahang impormasyon at edukasyong pangkalusugan at iba pa.

·      Sa pangkalahatan, mapapatunayan din ang kawalang katarungang ito sa hindi pantay na distribusyon ng pondo, teknolohiya at manggagawang pangkalusugan sa iba’t ibang panig ng bansa. Halimbawa, makikita ito sa labis na konsentrasyon ng mga rekursong nabanggit sa mga sentrong bayan o lungsod lamang.

·      Gamit ang lente ng pampolitikang ekonomiya ng kalusugan ay hindi lamang natin sinisipat at sinisiyasat ang mga penomenon bilang medikal na usapin kundi higit na malawak at mas komplikadong usapin ng nagtatambalan (converging) at nagtatalaban (diverging) na pang-ekonomiya, pampolitika at pangkultural na pananaw at praktika. Ayon sa critical psychology, halimbawa, ang banta sa kalusugan ng pag-iisip (o mental health) ay maaaring maiugnay sa kawalan ng kasiguraduhan sa kita, empleyo, pabahay at iba pang batayang pangangailangan para mabuhay nang may dignidad.

·      Sa mas kongkretong pagbibigay-katuturan, ang pampolitikang ekonomiya ng kalusugan ay tuwirang tumutukoy sa kung sinong bulnerableng sektor ang mga mas magkakasakit, magiging malubha ang kondisyon, hindi gagaling, at may maikling buhay lamang bungsod ng poverty, exclusion at deprivation.

- Advertisement -

·      Sa isang lipunan at balangkas pang-ekonomiya kung saan ang serbisyong pangkalusugan ay isang negosyo ang turing, lagi’t laging ang mga nasa laylayan at maralita ang mapagkakaitan at maisasantabi. Kung minsan, nabibigyan lamang sila ng financial aid (o ayuda) bilang limitadong pantustos sa pangangailangang pangkalusugan kapalit ng kanilang katapatan at suporta sa mga dinastiyang politikal tuwing halalan. Sa anumang pamantayan, maituturing itong isang uri ng ‘tied aid.’

·      Sa pamamagitan ng pampolitikang ekonomiya ng kalusugan bilang lente ng pagsusuri (o frame of analysis), higit na mauunawaan kung bakit mas lantad ang mga maralita sa tinatawag na triple buden of disease. Tumutukoy ito sa salimbayang hamon na hatid ng infectious diseases, noncommunicable diseases at ang mga banta sa kaligtasan at kalusugan bunga ng walang habas na industriyalisasyon at modernisasyon.

·      Malaki rin ang ambag ng pampolitikang ekonomiya ng kalusugan sa paglalantad at pagsusuri ng impluwensiya ng malalaking negosyo sa patuloy na pamamayagpag ng mga tinatawag ding “merchants of death” kagaya ng industriya ng sandata, sigarilyo at alak. Gamit ang kritikal na pagsusuri, maaari ring ituring na kasama sa kontrobersyal na kategoryang ito ang mga malalaking industriya ng pestisidyo at maging ng mga matatamis at ipinorosesong pagkain batay sa matinding pinsala nila sa kapaligiran, kalusugan at komunidad.

·      Kalunos-lunos isipin na may maituturing na mas masahol pang kondisyon sa mga pasyenteng kailangang lumuwas, matulog sa bangketa at pumila ng madaling araw sa mga pampublikong ospital para sa serbisyong kalusugan.  Ito ay sa katauhan ng mga mamamayan sa mga liblib na komunidad na hindi pa kailanman nabibisita ng mga manggagawang pangkalusugan o nakatatapak sa ospital, klinika o barangay health center man lang.

·      Mahalagang mabigyang-diin din na ang public health ay may mahigpit na kaugnayan sa economic health, political health at social health ng bansa.

·      Ang economic health ay tumutukoy sa kalakasan at katatagan ng ekonomiya na sinasalamin ng pagsulong ng GDP, mababang disempleyo at mataas na produktibidad na pawang may kaugnayan sa maayos na kalusugan, edukasyon at pabahay.

- Advertisement -

·      Ang political health naman ay may kinalaman sa umiiral na sistema, istruktura at prosesong pampolitika at kung paano nito naiimpluwensiyahan ang demokratikong pagbalangkas at pagpapatupad ng mga batas at patakarang pangkalusugan.

·      Samantala, ang social health ay tumutukoy sa kakayahang bumuo at luminang ng positibo, makabuluhan at mapagkalingang personal at panlipunang relasyon sa kapwa at komunidad na may tuwirang epekto sa kalusugan at kaginhawahan.

·      Mahalagang isaalang-alang din ang nananaig na piskal na patakaran (o fiscal policy) ng pamahalaan na tumutukoy sa pagbubuwis, pagbabadyet, paggugol, pamamahala ng pagkakautang at pag-audit, at ang kaugnayan nito kung paano nabibigyang prayoridad o naisasantabi ang sektor pangkalusugan sa paggamit ng pampinansyang rekurso ng bansa.

·      Halimbawa, ang pagkakalubog at pagkakasadlak sa dayuhang pagkakautang
(o foreign debt) ay nagreresulta sa pagkakompromiso ng batayang serbisyong panlipunan kasama ang pampublikong kalusugan.

·      Sa tulong din ng critical historical institutionalism ay nailalantad kung paano hinuhubog ng kasaysayan ng isang institusyon at nagdaang istrukturang panlipunan at patakarang pangkalusugan ang larga ng kasalukuyan at hinaharap, lalo na sa usapin kung paano patuloy na umiiral at sumasahol ang hindi pagkakapantay-pantay sa akses, oportunidad at pakinabang ng mga dati nang marhinalisado.  Dahil sa path dependence, nanaig pa rin ang mga kinagisnang patakaran at proseso sa kabila ng mga napatunayang limitasyon at pinipigilan din nito ang pagkakaroon ng mga alternatibo at kinakailangan pagbabago.

Bilang pagbubuo(d), mahalagang maitampok na ang sistemang pangkalusugan ay hindi umiiral nang hiwalay bilang sektor at larangan.  Ito ay nakapaloob sa isang masalimuot na konstelasyon ng ideolohiya, interes, interbensyon, industriya at institusyon na may tuwirang epekto sa kalusugan ng bawat komunidad at mamamayan. Bilang implikasyon, hindi nagiging pare-pareho ang karanasan ng mga nasasakupan kung saan mas may nagiging lantad sa panganib (hazard), karamdaman (disease) at kawalang katiyakan (precarity). Sa kontekstong ito ay mahalaga ang papel ng pampolitikang ekonomiya ng kalusugan sa proseso ng paglalantad sa ugat ng hindi pagkakapantay-pantay, paghamon sa mga opresibong istrukturang panlipunan, at paghahain ng alternatibong balangkas, modelo at programang pangkalusugan at pangkaginhawahan.

Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa pamamagitan ng [email protected].

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -