26.8 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Health Policy and Politics 101

PAGBUBUO(D)

- Advertisement -
- Advertisement -

HINDI mapaghihiwalay ang pagbuo at pagpapatupad ng patakarang pangkalusugan sa usapin ng politika.  Ito ay sa mga kadahilanang ang patakarang pangkalusugan ay iniluluwal mismo ng politikal na proseso at ang kalusugan naman bilang rekurso ay produkto rin ng politikal na pagtataya at pagdedesisyon.  Ang mga sumusunod ay tala ng ilang pananaw at paalala ukol sa mga panlipunan at pampolitikang dimensyon ng patakarang pangkalusugan bilang plataporma, larangan at espasyo ng pagbabago.

·      Subaybayan ang health policy landscape ng bansa sa bawat pagpapalit ng pamunuan. Ang pamunuan ay maaaring tumukoy sa pambansa at/o pang-ahensiyang antas. May kaugnayan ang dalawa dahil kadalasang ang pambansang pamunuan ang nagtatalaga ng mga appointee sa ahensiya. Gayundin, pagtuunan ng pansin ang mga dati at bagong bumubuo ng sangay ng lehislatura, partikular ang konggreso at sangguniang panlalawigan/panlunsod/pambayan.

·      Tukuyin ang patterns of change and continuity sa pagdaan ng panahon at sa ilalim ng iba’t ibang administrasyon o rehimen. Mahalaga ang pagsasakasaysayan sa pagsusuma at pagsusuri ng politika ng patakarang pangkalusugan sa isang bansa o bayan.

·      Isalarawan ang nagbabagong latag at larga ng patakarang pangkalusugan at tukuyin ang salimbayan ng mga salik na nakakaimpluwensiya rito. Kasama sa mga salik na ito ang mga sumusunod: dominanteng ideolohiya, prayoridad ng pamahalaan, nananaig na health framework ng pamunuan,  pang-ekonomiyang kalagayan ng bansa o bayan, social (and political) determinants of health (SDH), puwersa ng oposisyon, panig at paninindigan ng iba’t ibang sektor, opinyon at damdamin ng publiko, mapanuring midya, siyentipikong pananaliksik mula sa iba’t ibang larangan at grupo, sosyo-kultural na konsiderasyon, iba’t ibang pananampalataya, pandaigdigang balangkas at ugnayan, puwersa ng globalisasyon, antas ng teknolohiya, pagbabago sa populasyon, padron ng migrasyon at iba pa.

·      Unawain din ang konstitusyonal at legal na batayan ng patakarang pangkalusugan bilang konsiderasyon sa proseso ng pagbalangkas, pagbuo, pagpapatupad, pagsusuri at pagrerebisa nito.


·      Intindihin ang umiiral at nananaig na mga ideolohiya at suriin ang impluwensiya nito sa konseptuwalisasyon ng mga batas at patakarang pangkalusugan. Kapansin-pansin ang maaaring maging pagkakaiba-iba depende kung ang dominanteng ideolohiya sa pamunuan at lipunan ay konserbatibo, liberal, progresibo, dekolonyal, feminista o iba pang nagtatambalan at nagtatalabang pananaw (converging and clashing views).

·      Aralin kung paano nahuhubog ng ideolohiya ang pagmamapa ng mga problemang pangkalusugan, pagtukoy ng prayoridad batay sa pangangailangan at pagbalangkas ng kaukulang patakarang pangkalusugan. Ideolohiya ang nagbibigay depinisyon at kahulugan kung ano ang maituturing na problema at ang nararapat na pangmatagalang tugon o solusyon.

·      Suriin ang impluwensiya ng nananaig na sistemang pang-ekonomiya at pampolitikang ideolohiya kung pampublikong serbisyo o negosyo ang pagtingin at pagbibigay-kahulugan nito sa kalusugan.  Kritikal ito para matukoy kung magiging people-focused o market-oriented ba ang tugon ng kinauukulan sa mga problemang pangkalusugan. Dito rin nakabatay kung ano ang magiging pagkiling ng pamahalaan ukol sa pribatisasyon, marketisasyon at korporatisasyon ng serbisyong pangkalusugan.

·      Aralin mabuti ang mga nagtutunggaling prayoridad sa larangan (halimbawa: sakahan o subdibisyon, bigas o bala, public health o medical tourism). Ang  mananaig sa tunggaliang ito ang magiging mapagpasya kung anong usaping pangkalusugan (at pangkaunlaran) ang higit na mabibigyang pansin at mapag-uukulan ng pondo. Sa partikular, usapin ito kung anong mga sakit ang higit na mabibigyang prayoridad. Sa mga mayayaman o mahihirap na pasyente ba? Sa mga mamamayan sa Global North o Global South ba?

- Advertisement -

·      Saliksikin mabuti at bigyang katwiran ang pinapanigang policy option at policy alternative.  Kritika ang papel ng pananaliksik pangkalusugan (health research) upang mapagtibay ang binubuong patakaran. Gayundin, maghanda ng mga argumento at kontra-argumento upang palakasin ang panig at posisyon.

·      Tandaan na ang usapin ng pagbalangkas at pagbuo ng patakaran, plano, programa at proyektong pangkalusugan ay parehong pang-ekonomiko at politikal na debate dahil usapin ito ng pagdedesisyon at paninindigan ng kinauukulan hinggil sa tamang alokasyon ng pondo at iba pang rekurso.

·      Tukuyin ang mga nagtutunggaling interes at tindig sa larangan at mas malawak na lipunan.

·      Imapa ang mga nagtutunggaling pangkat kaugnay ng tinutukoy at sinusuring patakarang pangkalusugan.  Ikategorya ang mga indibidwal at grupo kung strongly agree, nominally agree, neutral, nominally disagree at strongly disagree ang kanilang pagpanig at pagposisyon. Alamin at suriin din ang batayan ng kanilang pagkiling o oryentasyon.

·      Ibatay ang isasagawang interbensyon at adbokasiya nang may konsiderasyon sa pagpanig at paninindigan ng iba’t ibang grupo. Malaking tulong ang ganitong pagmamapa sa pagsasagawa ng kakailanganing lobbying at advocacy work.

·      Tukuyin at imapa ang mga sinasaklaw na stakeholder at interest group ng tampok na patakarang pangkalusugan (halimbawa: mambabatas, ahensiyang tagapagpatupad, manggagawang pangkalusugan, health educators, ospital, insurance companies, parmasyutika, pasyente, propesyonal na asosasyon, mananaliksik, konsumer, komunidad at iba pa).  Makatutulong din ang paggamit ng social network analysis (SNA) para matukoy “kung sino ang konektado kanino?” at “kung gaano kalakas ang ugnayan?”

- Advertisement -

·      Tukuyin ang mga indibidwal at grupo na kaalyado sa isinusulong na plataporma, patakaran at adbokasiya. Palakasin ang network at koalisyon sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pag-aaral, pananaliksik, pagpapalawak, pag-oorganisa at pagpapakilos ng hanay.

·      Unawain na maaaring hindi laging ganap ang kaisahan ng panawagan at adbokasiya sa mga partikularidad nito pero maaaring tukuyin ang mga matitibay na batayan ng kooperasyon at kolaborasyon upang mapalakas ang hanay at maisulong ang common health agenda. Pinakamahalaga laging unahin ang interes ng mamamayan.

 

·      Pansinin kung paano isinasalawan at itinatampok ng bawat puwersa at panig ang kanilang pagbibigay-kahulugan at pagbibigay-katwiran gamit ang iba’t ibang discursive strategies (halimbawa: framing sa pagtatampok ng patingin sa kalusugan bilang “personal investment” at problem identification and definition sa pagsasalarawan sa diabetes bilang isang “public health issue”).

·      Tiyaking tuwinang kasama ang komunidad at batayang sektor sa mga isinusulong na adyendang pangkalusugan at pangkaunlaran. Ang interes ng komunidad ay hindi dapat maging tokenistic, tangential at afterthought lamang.

·      Isaalang-alang ang pampublikong opinyon at pananaw ng midya bilang konsiderasyon sa pagbuo, pagbalangkas at pagsusuri ng patakarang pangkalusugan. Indikasyon ito kung gaano kalakas ang demokratikong proseso at institusyon sa pagbuo at pagpapatupad ng patakarang pangkalusugan.

·      Subaybayan ang alokasyon ng badyet dahil matibay na batayan ito upang malaman ang prayoridad ng pamahalaan sa kasaysayan at lalo na sa kasalukuyan.

·      Unawain at maging mapagbantay sa buong proseso ng pagbabadyet mula preparasyon, lehislasyon, pagpapatupad at ebalwasyon upang matiyak ang katapatan, pananagutan at integridad sa pamamahala ng pondo ng bayan, lalo na para sa sektor ng kalusugan.

·      Tukuyin kung anong building blocks of health ang sinasaklaw ng kaukulang health policy. May kinalaman ba ito sa health financing, health human resources, health technologies and infrastructure, health service delivery, health governance o health information and communication?

·      Maging mapagbantay sa pamahalaan kung nagagampanan ba nito ang kanyang papel na tiyakin ang kalusugan ng mga mamamayan, mapanaig ang hustisyang pangkalusugan at mapanagot ang mga tiwali sa lahat ng sangay at antas ng pamamahala.

·      Tandaan na bukod sa individual responsibility (personal) ay kapwa o kundi man mas mahalaga ang government at corporate accountability (structural). Halimbawa, bagama’t mahalaga ang self-control laban sa pagkonsumo ng matatamis upang mapababa ang kaso ng diabetes ay mas mahalaga na mapaigting ang pananagutan ng pamahalaan at pribadong sektor sa mga mamamayan sa pamamagitan ng effective check and balance mechanism at ethical corporate social responsibility (CSR).

·      Maging mapagbantay sa posibleng sabwatan ng pribadong sektor at pamahalaan sa ngalan ng tubo at ganansiya.

·      Bantayan at hamunin ang mga puwersa, partido at pangkat na humahadlang sa mga demokratiko at makamamamayang patakarang pangkalusugan.

·      Gamitin ang health policy triangle framework ni Walt at Gilson (1994) upang maunawaan ang interaksyon ng apat na magkakaugnay na elemento: actor, content, context at process. Ang actor ang siyang nasa gitna at ang content, context at process naman ang tatlong pumapalibot dito para mabuo ang trianggulo. Ang actor ay tumutukoy sa mga tao, grupo at institusyon. Ang content ay ang mismong batas o patakaran.  Ang context ay ang pangkalahatang pampolitikal, pang-ekonomiya at pangkulturang kondisyon at kapaligiran. Samantalang, ang proseso naman ay ang yugto-yugtong bahagi ng pagbuo, pagpapatupad, pagsubaybay at ebalwasyon ng patakaran.

 

·      Gumamit ng mga angkop na estratehiya mula sa development communication, health communication, science communication, political communication, policy communication, social responsibility communication at advocacy communication upang mahamig ang suporta ng iba at mapalakas ang inyong panig at panawagan. Maaari ring sumangguni sa dalawang artikulong ito bilang panimula:
Public Health Communication 101 – Pinoy Peryodiko
Public Health Communication Praxis 101 – Pinoy Peryodiko

Bilang pagbubuo(d), tandaan na ang kalusugan sa kaso ng mga bansang kabilang sa Global South ay nakabalangkas at umiiral sa panlipunan at pampolitikang realidad kung saan may malawak na agwat sa pagitan ng mga mayayaman at mahihirap (economic divide) at hindi pantay-pantay na akses sa mga batayang rekurso (resource divide).  Lumilikha ang mga ito ng kalunos-lunos at masahol na kondisyong pangkalusugan para sa mga mamamayan at komunidad. Kaya naman kritikal ang papel ng mapagpalayang patakaran at politika upang ilantad at hamunin ang mga balakid sa health democracy at magpanukala at magpatupad ng mga panlahat at mapanglahok na alternatibo.

Para sa inyong mga reaksyon at pagbabahagi, maaaring umugnay sa pamamagitan nito: [email protected].

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -