34.6 C
Manila
Miyerkules, Hunyo 17, 2026

PBBM pinalakas ang sektor ng bigas sa Antique; may modernong palay processing center, direktang suporta sa mga magsasaka sa Antique

- Advertisement -
- Advertisement -

BINISITA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes ang bagong tayong Rice Processing System (RPS) sa Hamtic, Antique, parte ng pagsisikap na gawing moderno ang pagsasaka at tiyakin ang seguridad sa pagkain, na isang mahalagang haligi ng kanyang agenda sa agrikultura.

Ayon sa Pangulong Marcos, ang rice processing center ay magbibigay ng mas mataas na kalidad na bigas at gagawing mas madali ang trabaho para sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pag-automate ng pagpapatuyo at paggiling ng palay.

Ang pasilidad na pinapatakbo ng Hamtic Multi-Purpose Cooperative (MPC) ay may makabagong teknolohiya at kagamitan para sa pagpapatuyo, paggiling at pag-iimbak ng palay.

Nagsimula ang operasyon ng Hamtic RPS noong Nobyembre, at may karaniwang produksiyon na 260 kaban ng bigas kada araw. Ang kooperatiba ay nagsusuplay ng bigas sa iba’t ibang establisyemento sa Antique.

Sa kanyang pagbisita, pinangunahan din ng Pangulo ang pamamahagi ng iba’t ibang ayuda para sa mga magsasaka at mangingisda sa Antique.

Ang Department of Agriculture (DA)– Western Visayas ay nagkaloob ng KADIWA financial grants sa Hamtic local government unit (LGU) at Hamtic MPC na nagkakahalaga ng PhP5 milyon at PhP1.5 milyon.

Ang University of Antique-Hamtic Campus ay nakatanggap ng PhP1 milyon para sa Young Farmers Challenge – Business Development Assistance.

Nagbigay din ang DA ng PhP32.1 milyon na halaga ng assistance para sa mga benepisyaryo ng Livestock Economic Enterprise Development program; at dalawang unit ng solar panel system na halagang PhP2 milyon para sa kooperatiba ng magsasaka sa mga bayan ng Patnongon at Belison.

Nagbigay rin ang DA ng PhP110.63 milyon halaga ng iba’t ibang farm inputs sa pamahalaang panlalawigan ng Antique; isang corn warehouse na halagang PhP10 milyon sa Patnongon MPC; at PhP3 milyon para sa High Value Crops Development Program sa iba’t ibang benepisyaryo.

Nagkaloob naman ang Philippine Rice Research Institute ng 37,530 sako ng inbred rice seeds na nagkakahalaga ng PhP33 milyon sa panlalawigang pamahalaan ng Antique.

Nagbigay din ang Philippine Crop Insurance Corporation ng 70 tseke na nagkakahalaga ng PhP485,213 para sa mga magsasaka sa Hamtic at San Jose de Buenavista.

Maliban diyan, nagkaloob rin ang Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) ng PhP8.4 milyong halaga ng makinarya sa apat na asosasyon ng magsasaka ng Antique.

Para sa mga mangingisda, nagkaloob naman ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng 11 yunit ng 20-foot fiber glass fishing boats na may makina at accessories na nagkakahalaga ng PhP770,000.

Bukod pa rito, ipinagkaloob ng Philippine Coconut Authority (PCA) sa Hamtic Coconut Farmers Marketing Cooperative ang PhP4.4 milyong halaga ng community-based coconut nursery. | PND

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -