31.2 C
Manila
Sabado, Hunyo 13, 2026

DBM, DOF, at DTI tiniyak ang maayos at tiyak na pagbayad sa auto industry sa ilalim ng CARS Program

- Advertisement -
- Advertisement -

NAIS bigyang linaw ng pamahalaan ang mga maling impormasyon at haka-haka na kumakalat online at sa loob ng automotive industry kaugnay ng pag-veto sa Comprehensive Automotive Resurgence Strategy (CARS) Program sa FY 2026 General Appropriations Act (GAA).

Ipinaliwanag ng Department of Budget and Management (DBM), Department of Trade and Industry (DTI), at Department of Finance (DOF) na ang veto ay hindi nangangahulugang tinalikuran na ng gobyerno ang auto industry. Mayroon pa ring umiiral na mga budget item sa ilalim ng programmed appropriations ng FY 2025 GAA na maaaring gamitin upang matiyak ang maayos, legal, at responsableng pagbayad ng mga valid na obligasyon sa ilalim ng CARS Program. Ito ay alinsunod sa malinaw at tuloy-tuloy na polisiya ng administrasyon na panatilihing prayoridad pa rin ng bansa ang automotive industry.

Sa FY 2025 GAA, may dalawang kaugnay na budget item: (1) ang operating requirements ng Project Management Office ng CARS Program; at (2) ang Fiscal Support Arrearages para sa CARS Program.

Bagama’t wala na ang fiscal support arrearages item sa FY 2026 GAA, may kakayahan pa rin ang gobyerno na bayaran ang mga napatunayang obligasyon sa pamamagitan ng augmentation ng umiiral na fiscal support arrearages line item sa ilalim ng DTI-BOI Budget sa FY 2025 GAA. Ang pondong gagamitin dito ay magmumula sa FY 2025 declared and verified savings ng Department of Public Works and Highways, alinsunod sa Konstitusyon, umiiral na mga batas, mga budgetary rules and regulations, at pahintulot ng Pangulo.

Batay sa mga Tax Payment Certificates (TPCs) na naibigay at napatunayan na, may kakayahan ang gobyerno na bayaran ang mga obligasyon sa mga kasaling car manufacturers tulad ng Toyota at Mitsubishi, pati na rin sa mga kwalipikadong autoparts makers. Ang mga bayad na ito ay manggagaling sa available FY 2025 savings at daraan sa pag-apruba ng Office of the President, at susunod sa lahat ng kinakailangang legal at fiscal na patakaran.

Nilinaw rin na ang mga napatunayang obligasyon na wala pang TPCs at hindi saklaw ng kasalukuyang GAA ay maaaring ikonsidera para maisama sa panukalang FY 2027 National Expenditure Program (NEP). Kapag naisama sa FY 2027 NEP, daraan ang mga ito sa cash programming upang masigurong tuloy-tuloy, maayos, at responsable ang pagbayad, base sa kakayahan ng pondo ng gobyerno.

Binigyang-diin ng DBM, DTI, at DOF na ang ganitong hakbang ay nagpapakita ng balanseng paglapit—tulong sa auto industry, pagsunod sa tamang proseso, at maingat na paggamit ng pondo ng bayan.

“Malinaw ang posisyon ng gobyerno: hindi namin pababayaan ang auto industry. Ang mga obligasyong may naibigay at napatunayang TPCs ay babayaran sa legal, maayos, at responsableng paraan, alinsunod sa budget rules at kakayahan ng pondo ng gobyerno,” ayon kay DBM Secretary Rolly Toledo.

Dagdag pa ni Secretary Toledo, nananatiling tapat ang DBM sa pagtiyak na ang paglalabas ng pondo ay may malinaw na legal na basehan, tamang timing, at maayos na fiscal direction upang mapanatili ang tiwala ng private sector at ng publiko.

Samantala, binigyang-diin ni DTI Secretary Cristina A. Roque ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na pagtutulungan ng gobyerno at ng mga automotive manufacturers at investors.

“Kinikilala ng gobyerno ang mahalagang papel ng automotive industry sa trabaho, teknolohiya, at paglago ng industriya. Patuloy naming sisiguraduhin na ang mga insentibo sa ilalim ng CARS Program ay maghihikayat pa rin ng mga investor na magnegosyo sa Pilipinas,” ani Roque.

Ipinunto naman ni Finance Secretary Frederick D. Go, dating Special Assistant to the President on Investments and Economic Affairs, na malinaw ang direktiba ng Pangulo na tuparin ang mga pangako ng gobyerno.

“Malinaw ang utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.: dapat igalang ng gobyerno ang mga pangakong ginawa nito sa mga investor na nagtiwala sa Pilipinas. Ang CARS Program ay mahalagang bahagi ng plano para palakasin ang local manufacturing, at sisiguraduhin naming mababayaran ang mga lehitimong obligasyon—ayon sa batas at sa kakayahan ng pondo ng gobyerno,” ani Secretary Go.

Dagdag pa niya: “Malinaw ang mensahe namin sa auto industry: huwag kayong mag-alala—kayo ay nananatiling bahagi ng pangmatagalang plano ng gobyerno para sa pagpapalago ng industriya, paglikha ng mga trabaho, at pagpapalakas ng ekonomiya.”

Nilinaw rin ng mga ahensya na tuloy-tuloy ang validation ng TPCs, at patuloy na tinitiyak ng DTI na ang lahat ng claims ay tama, kumpleto, at sumusunod sa patakaran ng programa bago maglabas ng anumang pondo.

Sa kabuuan, muling tiniyak ng DBM, DTI, at DOF na bukas ang gobyerno sa dayalogo at nananatiling committed sa mga praktikal, legal, at responsable na solusyon para suportahan ang auto industry habang pinoprotektahan ang interes ng publiko.

“Sisiguraduhin ng gobyerno na malinaw at responsable ang direksyon nito sa pagbayad ng obligasyon at sa patuloy na suporta sa auto industry—laging ayon sa batas at sa kakayahan ng pondo ng bayan,” pagtatapos ni Secretary Toledo.

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -