ISINULONG ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Lunes ang pagtatayo ng 300 karagdagang palay processing centers sa buong bansa nitong taon para mapalakas ang post-harvest infrastructure, mabawasan ang mga pagkalugi ng mga magsasaka at mapalakas ang food security.
Sa kanyang pag-iinspeksyon ng bagong tayong Rice Processing System ( RPS) sa Hamtic, Antique, sinabi ni Pangulong Marcos na nakapagtayo na ang kanyang administrasyon ng 152 pasilidad sa buong bansa at daragdagan pa ito ng 300 iba pa ngayong taon.
“This year, magtatayo pa tayo ng mga 300 plus na drying system. Ang sabi ko kay Secretary ng Agriculture (Francisco Tiu Laurel Jr.), sana naman ‘di na natin nakikita ‘yung nagpapatuyo ng palay sa kalsada, tapos sinasagasaan lang ng mga dumadaan na truck. Kawawa naman ‘yung mga pinaghirapan nilang mga ani,” ayon sa Pangulo
Sinabi ng Punong Ehekutibo na ginagawa nang modernisado ng gobyerno ang buong sistema sa agrikultura sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga magsasaka ng mga makinarya, mga kinakailangang inputs pati na ang crop insurance para mapaghandaan ang mga banta ng kalamidad.
Para mapalakas ang sektor ng pangisdaan, sinabi ni Pangulong Marcos na magbibigay ang Department of Agriculture ng mga bangkang de-motor at iba pang kagamitang pangkabuhayan sa mga mangingisda.
“Kaya patitibayin natin ang ating agricultural sector para tayo ay nakakasiguro sa ating food supply,” diin ni Pangulong Marcos.
“Kung ano man ang mangyari sa buong mundo na nawalan ng bigas, tayo ho dapat lagi tayong mayroong sapat na bigas.”
Bukod sa pag-inspeksyon sa RPS sa Hamtic, pinangunahan din ng Pangulo ang pagbibigay ng multi-bilyon pisong halaga ng iba pang mga suporta sa mga magsasaka at mangingisda sa Antique. | PND



