ANG lumalalang tensyon sa Gitnang Silangan ay hindi na simpleng hidwaan sa kabilang dako ng mundo. Mabilis itong lumalaganap sa mga karatig bansa at nagbabadya ng seryosong panganib sa kalakalan, enerhiya, at trabaho, lalo na sa mga bansang pinagtatrabahuhan ng libu-libong Pilipino. Hindi ito isang malayong giyera lamang na puwede nating pagmasdan at antaying humupa. Tuwirang nakataya rito ang buhay, kaligtasan, at dangal ng ating mga kababayan, at ang kinabukasan ng bawat pamilyang Pilipinong umaasa sa kanilang sakripisyo.
Malungkot at mabigat nating tinatanggap ang balita sa pagkasawi ng ating kababayang si Mary Anne Velasquez de Vera sa Israel. Ako ay lubos na nakikiramay sa kanyang pamilya at mga mahal sa buhay. Ang sinapit ng ating kababayan ay sapat na dahilan para manindigan at lumaban tayo sa anumang desisyon o kilos na patuloy na maglalagay sa kahit isang Pilipino pa sa panganib dahil sa sigalot na ito.
Nananawagan ako sa lahat ng panig na pigilan ang lalo pang paglala ng karahasan, buksan ang landas ng diyalogo at diplomasya, at igalang ang batas internasyonal na nagtatanggol sa mga sibilyan.
Kasabay nito, pinapaigting din natin ang panawagan sa Department of Foreign Affairs, Department of Migrant Workers, at sa ating mga Embahada at Konsulado na tiyaking may malinaw na plano sa seguridad at posibleng paglilikas, tuluy-tuloy na komunikasyon sa ating mga komunidad ng OFWs, at agarang tulong legal, medikal, at pinansyal sa mga nangangailangan. Sa gitna ng kaguluhan, tayo ay may pananagutan sa kanilang kaligtasan, at sa ating pagtugon, ipaparamdam natin na may pamahalaang handang magtanggol at magmalasakit.
Nananawagan din ako sa economic team ng bansa na paghandaan ang posibleng epekto sa suplay at presyo ng enerhiya, at iba pang pangunahing bilihin, agarang maglatag ng mga hakbang upang hindi lalong mabigatan ang mamamayang Pilipino. Ang bawat pagsabog sa Gitnang Silangan ay tumatama rin, bagamat di-tuwiran, sa bulsa at sikmura ng mga Pilipino dito sa Pilipinas: ito ay maaaring mangahulugang dagdag pasanin sa presyo ng gasolina, na humahantong sa mas mataas na pamasahe at pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang pangangailangan. Kailangan paghandaan ang epekto ng tensyong ito sa enerhiya at ekonomiya.
Sa gitna ng digmaan at karahasan lahat ay sugatan, lahat ay nawawalan, ang sundalo, ang sibilyan, ang pamilyang naiwan, at ang bansang pilit bumabangon sa bawat buhay at pangarap na nabubura. Sa harap ng ganitong reyalidad, manindigan tayo, hindi sa puwersa ng sandata, kundi sa malinaw na prinsipyo na anumang giyerang tumatapak sa buhay ng inosente ay dapat tutulan at wakasan.



