HABANG papalapit ang Abril 15 na deadline para sa pagfa-file ng taunang income tax returns (ITRs), hinikayat ni Senador Win Gatchalian ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na tiyakin ang ganap at epektibong pagpapatupad ng Ease of Paying Taxes (EOPT) Act upang mapadali ang pagsunod o compliance lalo na para sa tinatawag na ‘small taxpayers’, kabilang ang micro, small, at medium enterprises (MSMEs).
“Isinulong natin ang EOPT dahil ang pagpapasimple ng proseso ng pagbabayad ng buwis ay susi sa pagpapalakas ng koleksyon ng kita ng pamahalaan,” ani Gatchalian, pangunahing may-akda ng batas at chairperson ng Senate Committee on Finance.
Layon ng EOPT law na pasimplehin ang pagbabayad ng buwis sa pamamagitan ng pagpapakilala ng file-and-pay-anywhere system at pagbibigay-daan na maisagawa ang karamihan ng mga transaksyon sa online platform.
Nilagdaan bilang batas noong Enero 2024, inuuri ng EOPT law ang mga nagbabayad ng buwis bilang micro, medium, at large batay sa gross sales, upang magkaroon ng mas angkop at tumutugong sistema ng pagbubuwis para sa bawat sektor. Inaatasan din nito ang paglipat sa invoice-based system upang mapadali ang registration at mapabilis ang pagproseso ng value-added tax (VAT) refunds.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan na matiyak na ang mga reporma sa ilalim ng EOPT law ay lubos na maramdaman sa aktuwal na pagpapatupad.



