29.2 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Lifestyle check sa 26 ‘cong-tractors,’ welcome kay Lacson

- Advertisement -
- Advertisement -

WELCOME kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping”  Lacson ang utos ng Office of the Ombudsman na magsagawa ng lifestyle check sa 26 “cong-tractors,” o mga miyembro ng Kamara na umano’y sangkot bilang mga kontratista sa mga proyekto ng pamahalaan.

Sinabi ni Lacson na “well and good” ang pagsisimula ng Ombudsman sa pangangalap ng ebidensya laban sa mga nasabing “cong-tractors,” at binigyang-diin na malinaw na may isyu ng conflict of interest dito.

“Magandang development yan. Kung may pangalan sila, meron silang pruweba, dapat talagang imbestigahan kasi malinaw na conflict of interest yan. Ikaw nag-insert, ikaw din contractor,” aniya sa panayam sa DZBB radio nitong Biyernes.

Sinabi ni Assistant Ombudsman Mico Clavano noong Huwebes na iniutos ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang lifestyle checks sa 26 “cong-tractors.”

Ani Clavano, nakabatay ito sa kanilang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) na nakuha ng tanggapan ng Ombudsman.

Binalikan din ni Lacson na sa kanyang dalawang privilege speeches noong nakaraang taon hinggil sa mga maanomalyang proyekto sa flood control, inilantad niya ang detalye ng ilang “ghost projects” sa Bulacan.

“Ang daming ghost doon. Di ba nailabas ko sa aking dalawang privilege speeches, katakot takot din ang ghost project sa Bulacan?” aniya.

Dagdag niya na batay sa testimonya ng mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways, kabilang sina Henry Alcantara at Roberto Bernardo, umabot sa P35 bilyon ang ipinasok ni dating Rep. Elizaldy “Zaldy” Co sa mga proyekto sa Bulacan lamang mula 2022 hanggang 2025.

“Katunayan sinabi pa ni Alcantara, dahil sobra-sobra na, lobong-lobo na sa Bulacan, pinahanap siya ng ibang probinsya, kaya umapaw siya hanggang Tarlac. Kumontak siya ng mga district engineers doon na pwedeng paglagakan ng pondo kasi nga apaw sa Bulacan mahahalata na,” aniya.

“Imagine just one congressman maglagay ng P35 billion sa Bulacan pa lang. Ang kaso ni Co, sa Naujan sa Mindoro Oriental pa lang yan. Wala pang kaso sa Bulacan,” dagdag niya.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -