26.7 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Bakit hindi lahat ng produktong petroleo ay tinanggalan ng excise tax?

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

NAPABALITA kamakailan na sinuspendi ng Department of Finance (DOF) ang pagbabayad ng excise tax sa liquefied petroleum gas (LPG) at sa kerosene sa loob ng tatlong buwan bilang  tugon ng pamahalaan na mapagaan ang bigat ng pinapasan ng mga mamamayang Filipino sa pagbulusok sa presyo ng mga produktong petroleo sanhi ng lumalalang krisis at digmaan sa Gitnang Silangan.

Ang pagtatanggal ng excise tax ay matagal nang hinihiling ng mga mamimili ngunit ngayon lamang pinagbigyan ng Department of Finance.  Ayon sa utos ng DOF ang excise tax na P3.36 bawat kilo ng LPG ay tatanggalin sa loob ng tatlong buwan samantalang tatanggalin naman ang P5.60 bawat litro na excise tax sa kerosene. Nangangahulugan na mababawasan ng P37 ang mga mamimili sa pagbili nila ng na tangke ng LPG  na may bigat na 11 kilogram.

Samantala, patuloy na mananatili ang excise tax sa gasolina sa P10 bawat litro at sa diesel sa P 6bawat litro.

Sa aking palagay may mga dahilan ang pamahalaan kung bakit ang excise tax sa kerosene at sa LPG lamang ang sinuspinde at hindi ginalaw ang excise tax sa  gasolina at diesel.

Una, mababa lamang ang excise tax sa LPG at kerosene kung ihahambing sa excise tax sa gasolina at diesel. Nagpapahiwatig na mas maliit lamang ang mawawalang kita ng pamahalaan sa di pangongolekta ng excise tax sa LPG at kerosene.


Ikalawa, ang hakbang na ito ng pamahalaan ay mas mapagpantay. Isa sa malaking bahagi ng gugulin ng maraming maralitang pamilyang Filipino ay ang paggamit ng panggatong sa pagluluto at pailaw gamit ang LPG at kerosene. Ang pagtatanggal ng excise tax sa mga nabanggit na produktong petroleo ay malaking tulong sa mga maralitang pamilyang Filipino. Samantala, ang gasolina at diesel ay kadalasang ginagamit sa pagpapatakbo ng mga sasakyan na pagmamay-ari ng mga nakaaangat ng mamamayang Filipino at mga negosyo. Ang mga gumagamit nito ay may kakayahang pasanin ang excise tax bunga ng kanilang yaman at kita.

May nagtatanong kung talagang nagsasakripisyo ang pamahalaan sa pagsuspendi ng excise tax sa LPG at keronese. Sa aking palagay hindi nababawasan ang kita sa buwis ng pamahalaan. Tunay na nababawasan ang kita ng pamahalaan sa pagtatanggal sa excise tax sa LPG at keronese ngunit may dagdag namang kita ang pamahalaan sa mula sa dagdag na value added tax (VAT) sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petroleo.

Sa kasalukuyan, kung ang presyo ng isang tangke ng LPG na may 11 kilogram na gas ay nagkakahalaga ng P1,600  nakapaloob na rito ang P192 na VAT. Samantala, sa dating presyo nitong P1000 may kasamang VAT na P120. Samakatuwid, naragdagan ng P72 bawat tangke ng LPG ang kita ng pamahalaan dahil tumaas ang presyo ng LPG at pati na rin ang VAT nito.  Samantala, nawalan lamang ang pamahalaan ng P37 bawat tangke sa pagtatanggal ng excise tax sa LPG. Samakatuwid, may neto pang kita ang pamahalaan na P35 bawat tangke ng LPG dahil sa pagtaas ng VAT sa pagtaas ng presyo ng LPG.

Sa aking palagay, ang pagtatanggal na excise tax ng pamahalaan sa LPG at keronese ay tinutustusan ng pagbabawas sa dagdag na buwis na kinolekta ng pamahalaan sa VAT na ibinabayad ng mga mamamayan sa pagtaas ng presyo ng LPG.

- Advertisement -

Sa kabila nito, hindi talaga ang excise tax sa mga produktong petroleo ang nagpapabigat sa pasanin ng mamimimili ngunit ang dagdag na VAT na tumataas sa pagtaas ng presyo ng produktong petroleo. Sa ating halimbawa ng LPG, nanatili sa P37 ang excise tax sa 11 kilogram na tangke ng LPG dating presyong  P1000 at sa kasalukuyang presyo na P1600.  Samantala, ang VAT sa dating presyo nito ay P120 at sa kasalukuyang presyo ay P192.   Makikita rito na hindi nagbabago ang excise sa pagbabago ng presyo ng isang tangke ng LPG ngunit ang VAT ay tumaas ng P72 dahil tumaas ang presyo nito. Samakatuwid, hindi ang excise tax ang nagpapabigat sa pasanin ng mga mamimili kung hindi ang pagtaas ng VAT sa pagtaas ng presyo ng produktong petroleo.

Kung talagang nais ng pamahalaan na pagaanin ang pinapasan ng mga mamimili maaari nilang tanggalin ang VAT o bawasan porsiyento ng VAT. Kung tatanggalin ito, ang magiging presyo ng LPG ay P1408 na lamang bawat tangke. Ang alternatibong ito ay mahirap ipatupad dahil mauuwi ito sa malaking kawalan ng kita ng pamahalaan. Maaari din namang bawasan ang porsiyento ng VAT mula 12% ay gawing 8% sa panahon ng krisis. Samakatuwid, ang presyo ng LPG kung mas maliit na lamang ang VAT ay P1521 sa halip na P1600 bawat tangke.

Sa kasalukuyan, ang buong bigat ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petroleo ay pinapasan ng mga mamimili. Sa panahon ng krisis maaaring paghatian ng mamimili at pamahalaan ang pasanin sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petroleo.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -