SA sesyon nitong Miyerkules, Abril 22, 2026, inaksyunan ng Korte Suprema ang G.R. No. E-05860 (Pantaleon Alvarez, Virgilio Garcia, Juan Raña, at Raymundo Junia laban kina Ferdinand R. Marcos Jr. at Ralph Recto, sa kanyang kapasidad bilang Acting Executive Secretary).
Inatasan ng Korte ang mga respondent na magsumite ng kanilang komento sa petisyon para sa writ of mandamus na inihain ni Alvarez at ng kanyang mga kapwa petitioner.
Layunin ng petisyon na magpalabas ang Korte Suprema ng writ of mandamus na inaatasan ang Pangulo na sumailalim sa pisikal at mental na pagsusuri kabilang ang hair follicle drug test.
Hinihiling din ng petisyon na atasan ang Pangulo na isiwalat at ilathala ang medical report na naglalaman ng mga resulta ng nasabing pagsusuri, kabilang ang medikal at klinikal na kumpirmasyon ng kanyang pisikal at mental na kakayahan para gampanan ang mga kapangyarihan at tungkulin ng Pangulo.

