NOONG Abril 23, 2026 itinaas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang pangunahing interest rate nito ng 25 basis points tungo sa 4.5% upang kontrolin ang inflation rate ng umabot na sa 4.1% noong Marso 2026.
May ilang punto ang nais kong ihayag sa bagong patakaran ng BSP na naghihigpit sa patakarang pananalapi na huling isinagawa may dalawang taon na ang nakalilipas. Makatwiran bang agarang itaas ang interest rate gayong lumagpas lamang ang inflation rate ng 0.15% mula sa itinakdang inflation target na 2% hanggang 4 porsiyento?
Upang maunawaan natin ang mga implikasyon ng patakarang ito alamin natin kung bakit tumataas ang inflation rate. Ang inflation rate ay porsiyento ng pagtaas ng pangkalahatang presyo ng mga produkto at serbisyo. Ito ay nakabatay sa pagtaas ng presyo ng sari saring produkto at serbisyo nakapaloob sa basket ng mga produktong kinikonsumo ng isang ordinaryong mamimili sa Pilipinas.
Ang presyo ng isang produkto at serbisyo ay itinatakda ng demand at suplay nito. Samakatuwid ang pagtaas ng presyo nito ay batay sa pagbabago ng demand at suplay nito. Sa pananaw ng suplay, tumataas ang presyo ng produkto kung kumikitid ang suplay relatibo sa paggalaw ng demand. Sa pananaw ng demand, ang presyo ay tumataas kung ang demand ay tumataas relatibo sa paggalaw ng suplay.
Kung ang pagtaas ng presyo ay batay sa pagkitid ng suplay, ang angkop na patakaran ay pagpapalawak ng suplay upang tugunan ang takdang demand. Samantala, kung labis ang paglawak ng demand ang dahilan sa pagtaas ng presyo, ang angkop na patakaran ay pagpapahupa ng demand upang tumugon sa takdang suplay.
Ang inflation rate noong Marso 2026 ay umabot sa 4.1% bunga pagtaas ng presyo ng krudong langis at fertilizer na nagpakitid sa produksiyon at suplay maraming produkto at serbisyo. Samakatuwid, ang dahilan ng pagbilis ng inflation rate ang pagkitid ng suplay dahil nagtaasan ang presyo ng mga pangunahing sangkap sa produksiyon, kasama na ang langis, bunga ng krisis sa Gitnang Silangan. Samakatuwid, ang angkop na patakaran ay pagbibigay ng tulong sa mga naapektuhang kompanya upang maipagpatuloy ang kanilang normal na produksiyon. Kasama rito ay pagbibigay ng mas mababang presyo ng langis sa pamamagitan ng pagtatanggal ng excise tax o pagbabawas sa value added tax.
Kung ganoon pala ang dapat gawin, bakit ipinatutupad ng BSP ang pagpapataas ng interest rate na nagpapataas sa presyo ng salapi, nagpapataas sa presyo ng panghihiram ng pondo at nagpapakitid sa suplay ng salapi. Ang pinakamadaling tugon sa tanong ay dahil ang mga patakaran ng BSP ay natutungkol sa salapi at hindi sa mga tunay ng produkto tulad ng langis at fertilizer. Ang tanging instrumento na maaaring gamitin ng BSP upang kontrolin ang inflation rate ay pagpapakitid ng demand sa pamamagitan ng pagtaas ng interest rate at pagpapakitid sa suplay ng salapi.
Marahil kahit na ang BSP ay alam ng limitasyong ito ngunit bilang isang ahensya ng pamahalaan na naatasang panatilihing matatag ang pangkalahatang presyo, ang tanging armas nito ay pagpapakitid ng demand sa pamamagitan ng pagkontrol sa suplay na salapi at pagtaas ng interest rate.
Maraming implikasyon ang pagpapakitid ng demand upang kontrolin ang inflation rate kung ang sanhi ng inflation rate ay mga bagay na natutungkol sa suplay.
Una, lalong kikitid ang suplay ng mga produkto dahil mahihirapang mangutang ang mga kompanya upang tustusan ang kanilang produksiyon. Sa harap ng nagtataasang presyo ng langis at sangkap sa produksiyon ang kailangan ng mga kompanya ay tulong mula sa pamahalaan upang maibsan ang tumataas na presyo ng mga sangkap. Sa pagpapatupad ng mapagpakitid na patakarang pananalapi, lalo pang pinahirapan ng BSP ang mga pribadong negosyo.
Ikalawa, dahil kumikitid ang suplay ng mga produkto at serbisyo kasama na ang pagtaas ng interest rate, maaaring mauwi ito sa lalo pang pagtaas ng mga presyo.Kaya’t tinatantiya ng BSP na bibilis ang inflation rate sa 6.3 % sa taong ito. Samakatuwid, sa layuning kontrolin ang inflation sa pamamagitan ng pagpapakitid ng demand lalo pa nitong pinabibilis ang inflation rate dahil ang sanhi ng inflation rate ay pagkitid ng suplay at hindi ang labis na demand.
Ikatlo, ang pagkitid ng suplay at pagbilis ng pagtaas ng presyo, maaaring bumagal ang paglaki ng ekonomiya ng Pilipinas.
Bakit ginagawa pa rin ng BSP kung ito ang mga kahihinatnan ng kanilang patakaran? Una, kailangang may gawin ang BSP sa pagsugpo ng inflation. Ikalawa, ang tanging sandata ng BSP sa pagsugpo ng inflation rate ay pagpapapakitd na demand. Ikatlo, kahit alam nito na ang sanhi ay mga dahilang natutungkol sa suplay kinakailangang may gawin ang BSP kung wala ay maaari silang kasuhan sa pagtalikod sa tungkulin.
Kung walang gagawin ang BSP, nauuwi ito sa masama. Kung gagamitin ng BSP ang kanilang sandata upang kontrolin ang inflation rate, posibleng lalo pang lumala ang problema. Kay hirap ng kalagayan ng BSP, sala sa init sala sa laming.

