32.7 C
Manila
Biyernes, Hunyo 19, 2026

PhilHealth maternity benefits, palalawakin ng gobyerno simula April 30

- Advertisement -
- Advertisement -

INANUNSYO ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na simula ngayon, April 30, palalawakin at tataasan ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) maternity benefits.

Sa isang video message, pinagtibay ni Pangulong Marcos ang kanyang pangakong magsisiguro ng accessible na prenatal care, kasama ang mga check-up, mga laboratory test, hospital bills at iba pang mga kinakailangang gamot.

“Mga kababayan, alam natin kung gaano kamahal ang panganganak. May check-up, laboratory tests, ospital, at gamot. Kapag kinulang ang pera, napipilitan tayong maghintay o magtipid. Dito nagsisimula ang panganib,” ayon sa Pangulo.

“Maraming ina ang nanganganak na walang doktor. Hindi dahil ayaw nila ng tamang pang-alaga, kung hindi dahil hindi nila kaya ang panggastos. Ito ang nais natin baguhin. Simula sa April 30, mas pinalawak at mas mataas na ang maternity benefit ng PhilHealth,” dagdag pa ng Pangulo.

Sa ilalim ng expanded program, masasaklaw ng PhilHealth ang normal na panganganak ng hanggang P29,000 mula sa dating P9,750.

Para sa caesarean section, tataas ang mako-cover nito sa pagitan ng P58,000 at P62,000 mula sa dating P37,000.

“Sa maraming pagkakataon, kung sa ward manganganak, kahit sa private hospital, maaari ng wala ng babayaran paglabas,” dagdag pa ng Pangulo.

Ang prenatal care ay pinalawak din mula sa apat hanggang walong check-up kabilang ang mga pagbabakuna at mga laboratory test. Mako-cover din ng PhilHealth ang tatlong postnatal follow-up check-up.

“Simple lamang ang ating layunin, nais natin matiyak na ang bawat ina ay makakapagpanganak nang ligtas at hindi nag-aalala kung saan kukuha ng pambayad. Nais natin na walang buhay ang malalagay sa panganib dahil lamang sa kakulangan ng pera,” ayon sa Pangulo. | PND

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -