NAKASULAT na noong Mayo 8, 1980 ay dinalaw ni noon ay Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos si Ninoy Aquino sa Heart Center at inalok na ilipad siya sa Estados Unidos kung kanyang nanaisin. Naka-confine si Ninoy sa ospital dahil sa sakit sa puso at naghihintay ng heart bypass operation.
Sa tanong ng Unang Ginang kung ibig niya, buong galak na tumango-tango aniya si Ninoy, nagwiwikang, “Aba’y, yes, yes.”
Kaya nang hapon ding iyon, kuwento ni Ninoy, siya ay lumipad papuntang Estados Unidos, at sa isang ospital sa Texas, siya ay sumailalim sa heart bypass operation ng isang team ng cardiologists na pinamumunuan ni Dr. Ben Mitchel at kinabibilangan din ni Dr. Rolando Solis, na pinapurihan ni Ninoy na siyang nagbigay sa kanya ng pangalawang buhay.
Magmula noon, naging magkaibigan na ang dalawa, at ang doktor ay palagiang kasama na ni Ninoy sa kanyang mga paglalakbay kung saan-saan.
Ngayon, upang maunawaan kung gaano na kadelikado ang buhay ni Ninoy, ang heart bypass operation ay ginagawa upang bigyan ng panibagong daanan ang dugo papunta sa puso bunga ng pagbara ng ugat na siyang nakatakdang daanan. Ang panibagong daanan ay kinukuha mula sa ibang bahagi ng katawan, halimbawa, binti.
Sa ano’t-anuman, iyun ang tunay na kalagayan ni Ninoy ng mga panahong iyun. Walang katiyakan kung hanggang kailan ang itatagal pa ng kanyang buhay.
Sa mga ordinaryong kaso, ang sakit ni Ninoy ay itinuturing nang terminal case.
Para kay Ninoy na mismong ang asawang si Cory ang nagpahayag na ang buong buhay ay nakatuon sa pagiging presidente ng Pilipinas, ang kanyang pagiging terminal case ay naglalagay sa kanya sa pamimili na alin kung umuwi sa Pilipinas na isa nang malamig na bangkay na biktima ng heart attack o bumalik na isang matapang na bayani – sukdulang ang kabayanihang iyon ay pagtupad sa sumpang binigkas niya sa itinuturing na makasaysayang talumpati sa Wilshire Theater noong Pebrero 15, 1981: “I will dedicate the last drop of my blood for the dismantlement of your dictatorship (Iniaalay ko ang huling patak ng aking dugo para sa ikalalansag ng iyong diktadura).”
Hindi ba ang pagpaslang kay Ninoy sa tarmac ng Manila International Airport noong Agosto 21, 1983 ang siyang katuparan ng sumpa niyang iyun?
Nakasulat din sa kasaysayan na bilang kondisyon sa pahintulot ni Presidente Ferdinand E. Marcos na sa Estados Unidos magpaopera sa puso si Ninoy, hinding-hindi siya magsasalita ng anuman sa nagpapatuloy na pamamahala ni Marcos.
Subalit nakasulat din na oras na gumaling na si Ninoy sa kanyang operasyon, talumpati rito, talumpati roon si Ninoy paikot sa Estados Unidos, lahat kumukondena sa administrasyon ni Marcos na patuloy niyang tinatawag na martial law.
Nang sa isang pagkakataon ay pinaalalahanan tungkol sa kasunduan niya kay Marcos na hindi magsasalita laban sa pamahalaang martial law, buong taas-noo pang nagwika si Ninoy: “A pact with the devil is no pact at all (Ang pakikipagkasundo sa demonyo ay hindi kasunduan ni anoman)”.
At ang tatlong taon na inilagi ni Ninoy sa Estados ay nasulat bilang kasaysayan ng paglago ng mga kilos na naglalayong ipatigil sa Amerika ang pagtulong sa administrasyong martial law ni Marcos.
Nakasulat din, bagama’t sa tila palihim na paraan, na sa buong tatlong taong buhay na nakabase sa Estados Unidos, ilang beses din na naglakbay si Ninoy sa labas ng Amerika, nakikipag-usap sa mga bansa hinggil sa pagtutulungan para sa pagpapabalik ng civil liberties sa Pilipinas – sa South East Asia, Europe at Middle East.
Hindi man natampok, nakasulat din na sa mga paglalakbay na iyon, laging kasama ni Ninoy ang siruhano na nag-opera sa kanya sa puso, si Dr. Solis.
Ganun na kadelikado ang kalagayan ng puso ni Ninoy – anumang oras, maaaring bumigay.
Kailangan lagi niyang katabi ang doktor na nag-opera sa kanya ng heart bypass.
Kaya nagiging malaking palaisipan kung bakit sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas noong Agosto 21, 1983, siya na lamang mag-isa.
Bakit, hindi na niya kailangan ang doktor?
Paano ang kalagayan ng kanyang puso – na sa pahiwatig ng mga nagdaang paglalakbay ay patuloy na lumalala?
Bàgo sumakay ng eroplano paalis ng Amerika nang araw na iyon ng Agosto 21, 1983, nagkausap sa telepono si Ninoy at si Steve Psinakis, lider ng Movement for a Free Philippines (MFP), na nakabase sa Amerika. Mahabang usapan ang namagitan sa dalawa, nakasentro sa pangangailangang gawin na ni Ninoy ang dapat gawin o kung hindi, hindi na magagawa kailan pa man.
Ano ang bagay na iyon?
Walang nakasulat, subalit may mga pahiwatig.
Sa isang tao, kailan niya hindi na puwedeng gawin ang isang bagay?
Alin kung siya ay kulang na sa lakas upang gawin iyon o kung siya ay patay na.
Kung anuman iyun na nagbunsod kay Ninoy na umuwi na sa Pilipinas nang Agosto 21 na iyon, tiyak una pang naitakda nang mangyari at hindi na mapipigilan pa – na siyang magaganap.
Kaya kung ayon sa ibig ipahiwatig ng Beyond Conspiracy 25 Years After the Aquino Assasination, isinakripisyo ni Ninoy ang sarili, at batay sa video ng kanyang pagkamatay ay si Ninoy mismo ang nagplano ng kanyang pagpaslang, walang diretsahang patunay – kasaysayan na kailanman ay hindi maisusulat.
Ang tanging nakakaalam sa tunay na kalagayan ng kalusugan ni Ninoy –partikular ng kanyang sakit sa puso – kung kaya siya ay isang terminal case na ngang maituturing – ay si Dr. Solis.
Subalit sa isang interbyu sa isang pangunahing broadsheet, isinumpa ng doktor ang ganito, “I will carry Ninoy’s secret to the grave (Dadalhin ko ang lihim ni Ninoy sa libingan).
Ang mga kagila-gilalas na sirkunstansya sa pagpaslang kay Ninoy ay mananatiling mahiwaga at hindi maisusulat magpakailanman.

